AMINADO si Sunshine Dizon na masakit para sa kanya ang kasalukuyang nangyayari sa kanila ng ama ng kanyang mga anak. Masakit man, kinakitaan naman ng katatagan at tapang ang aktres.
Nagharap-harap noong Miyerkoles ng hapon sina Sunshine, ang kanyang estranged husband na si Timothy Tan, at ang alleged ‘other woman’ nitong si Clarisma Sison sa Department of Justice ng Quezon City Hall sa tanggapan ni Senior Prosecutor Fabinda K. delos Santos. Ito ay kaugnay ng isinampa niyang Concubinage at Anti-Violence Against Women and their Children (VAWC) laban kay Tan at kay Sison.
Ayon kay Sunshine, masakit para sa kanya ang buong pangyayari—hiwalayan at demandahan—dahil nasasaktan ang kanyang dalawang anak.
“Nanay ako, eh, masakit, nasaktan ang mga anak ko. My daughter was just reminding me on my way here saying ‘mama be careful’,” sabi ni Shine sa interbyu sa kanya na hindi na napigilang mapaiyak.
“I’m getting emotional because of the pain they caused my children, not to me anymore, kasi kaya ko naman. Pero ‘yung sakit na dinaanan ng mga anak ko, ‘yan ang walang kapatawaran.
“But if she’s thinking that I will do something here to make, you know, an eksena or whatever, no, I will not do that.
“She’s too low and I will not dignify her with anything.
“Baka ibang tao nasampal siya, pero ako, hindi ko padadapuin ang kamay ko, baka madumihan,” giit pa ni Sunshine.
Nang tanungin ang aktres kung ano ang pakiramdam niya nang makita at makaharap ang alleged ‘other woman’, ito ang sinabi niya, “You know what, honestly, homewreckers like her doesn’t need any reaction. I will not dignify her with anything because she’s too low for me.”
Sinabi pa ni Sunshine na hindi pa niya alam kung mapapatawad niya si Timothy, “he will always be the father of my children, but forgiveness is something that you know, I don’t know, I don’t know pa.”
Sa kabilang banda, nang tanungin naman ang abogado ng aktres na si Atty. Claire Castro ukol sa posibilidad na settlement ng dalawang panig, sinabi nitong, “They’re trying to discuss the matter with us. Ayaw naman po naming isara ang aming mga pintuan, especially na may mga anak po sila. Pero we will cross the bridge when we get there.”
Nang si Sunshine naman ang tanungin ukol sa settlement, ito ang sinabi niya, “We’ll just see what they will have to do first.”
Hindi naman ikinaila ni Sunshine na gusto niyang makulong ang dalawa kapag nagtuloy ang pagdinig at tila wala ang salitang paglambot ng puso. “Kung puwedeng makulong, eh, ‘di makulong, ‘di ba? They ought to pay for their actions.”
“I want this to be a lesson for all the homewreckers out there, ‘di ba? ‘Na hindi n’yo. . . hindi basta-basta kayo may karapatan na manira ng pamilya, lalo na ang mga anak, because it’s the children who suffer.
“So ako, as a legal wife, I am standing my ground and I will fight for my right, ‘di ba? Hindi na uso ngayon ‘yung iiyak-iyak ka lang sa isang tabi at hindi ka lalaban, ‘di ba?”
Ukol naman sa annulment na hinihingi ng kanyang asawa, matigas pa rin ang pahayag ni Shine na hindi niya ito ibibigay.
“No, I will not give them that, no. Siguro, the most I can give is legal separation. Pero annulment, no! Never. Why would I give them the happines to be together, ‘di ba? No! They should pay for it.”
Iginiit din ni Sunshine na hindi siya naghahabol kung kaya ayaw niyang ibigay ang annulment. “Some people are saying nga na parang naghahabol pa ako. No! That’s not true. Kung gusto ko pang makipagbalikan sa asawa ko, sana hindi ko siya idinemanda.”
Sa Agosto 25 daw muling magaganap ang susunod na paghaharap ng tatlo ayon na rin kay Atty. Castro.
( Maricris Valdez-Nicasio )