Intelligence work kontra ilegal na droga dapat tuloy-tuloy
Jerry Yap
July 22, 2016
Bulabugin
ARAW-ARAW maraming sumusukong adik at tulak.
Sabi nga ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte, kailangan niyang maghanap ng malaking budget para maiproseso ang rehabilitasyon ng mga sumusukong adik.
Nagkakaisa po tayo sa pananaw na ‘yan.
Ang mga adik ay kailangang isailalim sa rehabilitasyon.
Ang tanong po ng mga kababayan natin ngayon, ano naman po ang gagawin ng administrasyong Duterte sa mga bigtime pusher?
At paano po makokompirma na bigtime pushers nga ang subject?!
Wala po sigurong pinakamagandang paraan kundi maging tuloy-tuloy lang ang intelligence work.
Tukuyin kung saan kumukuha ng ilegal na droga ang mga sumukong adik hanggang matumbok ang pinakamalaking source nito.
Wala tayong nakikitang duda o kahit katiting na pag-aalinlangan sa determinasyon ngayon ng Duterte admin katuwang ang Philippine National Police (PNP) sa pamumuno ni DG Ronald “Bato” Dela Rosa na sugpuin ang pamamayagpag ng ilegal na droga sa bansa.
Hangad natin na magwakas ang labanang ito sa pagsuko ng maliliit na tulak para eventually ay maiharap sa korte ang malalaking source ng ilegal na droga.
Alam nating lalaban sila dahil sandamakmak ang kuwarta nila na kaya nilang ipambayad sa serbisyo ng abogado at baka maglagay pa sa mga fixer sa korte.
Gagawin nila ang lahat para linisin ang kanilang sarili sa pamamagitan ng batas at korte.
Kaya sana naman maging matalino ang piskalya sa prosekusyon ng mga kasong kinasasangkutan ng ilegal na droga.
Ang tuloy-tuloy na prosekusyon ay legal na paraan para maipagtanggol ng suspek ang kanilang sarili.
Pero dapat makipagtulungan ang mga alagad ng batas at iba pang law enforcement agency upang tuluyang mapawi ang pag-aalinlangan ng ilang sektor sa isinusulong na paglilinis kontra ilegal na droga ng Duterte admin.
Dapat maintindihan ng mga opisyal at operatiba ng PNP na gagawin ng drug syndicate ang lahat upang sirain ang kanilang kredebilidad at operasyon.
Dudurugin sila sa harap ng sambayanan upang sa huli ay wala nang maniwala sa isinusulong nilang kampanya laban sa ilegal na droga.
Uulitin po natin — hindi lang mga pulis ang naglulunsad ng operasyon ngayon — mas masidhi ang operasyon ng drug syndicate na itumba ang mga nakakikilala sa kanila.
Kaya dapat bilis-bilisan ng PNP intelligence group ang pagsudsod dahil kung hindi mawawalang saysay ang maigting na kampanya ng Pangulo para linisin sa ilegal na droga ang ating bansa.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com