PATAY ang tatlong hinihinalang holdaper/karnaper nang makipagbarilan sa mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) makaraan holdapin ang isang taxi driver at tangayin ang ipinapasadang taxi kahapon ng madaling araw sa nasabing lungsod.
Sa ulat kay QCPD director, Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, dakong 2:30 am nang maka-enkwentro ng kanyang mga tauhan sa District Special Operation Unit (DSOU) na pinamumunuan ni Supt. Roghart Campom, ang mga suspek sa Batasan-San Mateo Road, Brgy. Batasam Hills, ng lungsod.
Samantala, patuloy na inaalam ng mga operatiba ang pagkakilanlan ng tatlong napatay noon din sa pinangyarihan ng shootout.
Ayon kay Campo, dakong 1:30 am sumakay sa ipinapasadang taxi ni Danilo Saring, 59, ng Kiko, Camarin Area D, Pechayan Sabac St., Caloocan, sa area ng Philcoa at nagpapahatid sa Don Antonio, Quezon City.
Ngunit habang binabaybay ang Commonwealth Avenue patungong Don Antonio, nagdeklara ng holdap ang tatlo na pawang armado ng baril.
Tinalian ang dalawa kamay ni Saring at saka ibinaba sa Commonwealth habang isa sa mga suspek ang nagmaneho at tinangay ang EMP Taxi, maging ang kita ng driver.
Makalipas ang ilang minuto, nakita nang nagpapatrolyang operatiba ng DSOU si Saring at kanilang tinulungan.
Agad nagsagawa ng follow-up operation ang mga operatiba hanggang maispatan ang taxi sa Batasan-San Mateo Road.
Imbes sumuko, nakipagbarilan sa mga operatiba ang mga suspek na nagresulta sa kanilang kamatayan.
( ALMAR DANGUILAN )