PROTÉGÉ rin pala ni Direk Joyce Bernal ang baguhan at binigyang pagkakataon ng Viva Films at N2 Productions (nina Neil Arce at Boy2 Quizon) para makapagdirehe ng Camp Sawi, si Irene Villamor.
Actually, hindi na baguhan si Villamor sa mundo ng pelikula dahil 16 taon na siya sa industriya. Bago siya naging director, matagal muna siyang naging assistant director ni Bb. Joyce sa ilang mga pelikula niya.
“Ito talagang ‘Camp Sawi’ ang first directorial job ko, may nauna rito ‘yung ‘Relaks, It’s Just Pag-ibig’ pero kaming dalawa roon ni Antoinette Jadaone,” pagkukuwento ni direk Irene. ”Ilang taon na rin ako sa showbiz, since 2000 pa pagka-graduate, kaya bale 16 years na. Assistant director niya ako (Bb. Joyce). Nag-start ako bilang OJT sa kanya so, college pa lang nagka-cutting class na ako para sumama sa kanya,” masayang kuwento pa ni direk na kung pagbabasehan ang hitsura’y cool na cool ang dating.”
Kaya naman hindi itinago ni Direk Irene ang kasiyahan na nabigyan siya ng pagkakataong makapagdirehe ng pelikulang ukol sa kuwento ng limang babaeng nasawi sa pag-ibig. Ito’y pagbibidahan nina Arci Munoz, Yassi Pressman, Andi Eigenmann, Kim Molina, at Bela Padilla.
“Very fortunate and very happy ako na may chance na makapag-direhe,” giit ni Villamor na siya ring sumulat ng Camp Sawi.
Natanong si Direk Irene kung nagkaroon ba sila ng problema o nagtampo sa biglang pag-alis ni Yassi para sa PBB considering na on-going pa ang shooting ng kanilang pelikula.
“Hindi kami nagtampo. Naintindihan naman ‘yung bigla siyang umalis kasi confidential ‘yon,” sambit ng batambatang director. “Nagulat lang pero kaya naman kasi ito ending na ito (kinukunan ng mga sandaling iyon nang magtungo kami sa kanilang shooting). ‘Yung isang eksena namin mamaya wala na siya roon.”
Sinabi pa ni Direk Irene na majority ng malalaking scenes ni Yassi ay nakunan na kaya hindi na sila nahirapan pang mag-adjust.
Naikuwento ni Direk Irene kung paano ibinigay sa kanya ng Viva at ng grupo ni Neil Arce ang proyektong ito. Aniya, sinabi sa kanya ni Neil ang konsepto ng Camp Sawi at kasunod niyon ang pagsasabi ng,’ikaw na director, ha?’
“Ang isinagot ko, ‘seriously, ako talaga?!’”
Sa kabilang banda, aminado naman si Direk Irene na nahirapan siya habang nagsu-shooting sila sa Bantayan Island sa Cebu.
“Kasi arawan tapos ‘yung weather, paiba-iba. Pero buti na lang blessing na rin, isang araw lang kaming inulan na super ulan. Tapos kailangan na talaga naming mag-pack-up.
“Wala naman akong naging problema sa mga artista ko kasi lahat sila very cooperative kasi nga mabilisan ang shooting. Eh ‘yung 80 percent ng shoot sa Bantayan Island talaga ginawa.
“So bale pagdating nila, isa-isa ko silang kinausap na agad. Parang the night before, kinausap ko isa-isa para tira lang ng tira pagdating sa set. Kasi mahirap na po pinagkakasya namin ‘yung araw.”
Ang Camp Sawi ay base sa kuwento ng iba’t ibang tao. ”Ano po ‘yan eh, usually kapag may umpukan ng babae, isa ‘yan sa topic. Since marami akong kaibigang babae, roon ako nakakuha sa kanila ng idea.”
At kung inaakala nating makakarinig tayo ng mga hugot lines sa pelikulang ito, hindi raw ganoon ang tema ng pelikulang ito. ”Medyo conversational ang nangyayari, hindi ganoon na may mga hugot lines. Basta magkakasama sila sa Camp Sawi na bigla silang sasabog.”
Samantala, hindi naman ikinaila ni Direk Irene na kinabahan siya nang i-offer ang Camp Sawi. ”Habang isinusulat ko ito, hindi pa masyadong kabado. Hindi ko pa kasi na-iisip ‘yung pagdidirehe. ‘Yung nasa utak ko eh ‘yung kung paano ko muna isusulat, so roon muna ‘yung isip ko. “Noong ididirehe na talaga, andoon na ‘yung kaba ko, noong nasa Bantayan Island na, kaya kinabahan na ako ng bonggang-bongga.”
Si Direk Irene din ang nagsulat ng pelikulang pinagbidahan nina Vilma Santos at Angel Locsin, ang Everything About Her, at nag-AD rin siya sa 10,000 ni Robin Padilla at nasa pangangalaga siya ng Cornerstone ni Ericsson Raymundo.
Pinasinungalingan din ni direk Irene ang tsikang malapit ang istorya ng Camp Sawi sa Temptation Island. ”Ay malayong-malayo. More on moving on.
“Kaya nga nag-e-expect kami na sana more ang makapanood. Kasi iba siyang movie. At sana ‘yung gusto naming marating na kaibahan, ma-reach namin,” dagdag pa ng director.
At bago pa man matapos ang shooting ng Camp Sawi, matagumpay na ang Facebook page na inilunsad nila gayundin ang ilang teaser na marami na ang nanonood at nagsi-share. ”’Yung Facebook page namin marami ang nagse-share ng experiences nila. Kaya dapat siguro talagang magkaroon dito sa atin ng Camp Sawi. Nagse-share talaga sila willingly ng experiences nila. Sinasagot namin ‘yun lahat.”
Sa huli sinabi pa ni direk Irene na, ”Sa Camp Sawi mayroon silang avenue at gusto namin maka-relate ang mga manonood.”
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio