Lagot ang sangkot
Johnny Balani
June 30, 2016
Opinion
MABABANAAGAN mga ‘igan ang kaligayahan ng sambayanang Filipino partikular sa araw na ito!
Aba’y bakit? Siyempre, simula na umano ito ng pambansang pagbabago, ‘yung tipong patitigilin ang pag-ikot ng mundo ng mga tiwali at mga pasaway sa lipunan. Tutuldukan ang lahat ng kasamaan. And take note, walang sasantohin si Digong!
Bad ka? Lagot ka!
Tama ka ‘igan! Tunay na makasaysayan ang araw na ito. Sapagkat, manunumpa na ang tunay na halal na pangulo ng bansa, president-elect Rodrigo “Digong” Duterte. Kakaibang presidente. Walang kinatatakutan at walang inuurungan! Impeachment Issue laban sa kanya’y…deadma lang at hindi ikinakabahala.
Aniya’y handa s’yang makulong… maisakatuparan lamang ang lahat ng kanyang ipinangako sa taongbayan na lubos na nagtiwala sa kanyang kakayahang malilinis niya ang bansa, partikular sa mga usaping may kinalaman sa mga sindikato ng droga.
Sus, sisiw lang ‘yan kay Digong.
Aba’y hindi rin nalalayo rito ang may tatlumpo’t dalawang alkalde na sangkot umano sa ilegal na droga!
Sus, mayor ka, pasimuno a! Ano ka ba naman! Hindi mo dapat ginagamit ang kapangyarihan mo para maluwag mong nagagawa ang katarantaduhan mo! Ngayon, humanda na kayo, sapagkat matatapos na rin ang maliligayang araw ninyo!
What? Yes! Sapagkat ano mang oras ngayon mga ‘igan, ay isisiwalat na ni Digong, ang mga Pangalan ng 32 alkaldeng kasabwat sa illegal drugs.
Lagot ang sangkot. Mananagot ang dapat managot.
Teka mga ‘igan, hindi ba’t mga barangay chairman ang isa sa mga galamay ng mga alkalde? Hindi malayong magsabwatan ang dalawang nilalang… si mayor at si chairman sa pagpapayaman sa pagiging, drug lord, gambing lord, jueteng lord at higit sa lahat ang pagiging parking lord na humahawak ng illegal parking, tulad sa Plaza Lawton.
Aba’y ayon sa aking Pipit, isang barangay chairman, na wala namang nasasakupang residente/barangay ang nangangasiwa umano ng nasabing illegal parking sa Plaza Lawton.
Aba’y Mr. President Duterte, Sir, hindi rin po dapat pinalalagpas ang mga ganyang klaseng katiwalian. Tinaguriang opisyal ng barangay, ilegal naman ang hanap sa pamamahala.
Ang tanong pa ng aking Pipit, paanong tatakbo ang Chairman sa barangay election kung wala namang residente siyang nasasakupan?
Paging Mayor Erap… nawa’y mapaimbestigahan n’yo po ang ‘singaw’ na barangay na ito sa Lawton.
‘Di po ba dapat i-demolish na ang nasabing barangay? Sino po ang mga botante rito? Wala! Sayang po ang pondo/budget na nakalaan dito.
Maraming tao po ang mapapaligaya ng pondong inilalaan sa singaw na barangay kung maibibigay sa tunay na barangay.
Isama mo pa ‘igan, ang tatlong heneral, na dawit din umano sa drug syndicate.
OMG…nananabik na ang lahat, lalong–lalo ang matitinong heneral. Sapagkat, ayon sa kanila hangga’t hindi pinapangalanan ni Digong ang nalalaman niyang tatlong tiwaling heneral, aba’y mananatili silang suspek, silang mga heneral ng Philippine National Police. (PNP).
Tunay na kaabang-abang mga ‘igan ang totoong pagbabago ng bansa. Nawa’y sa panunumpa ni Digong, kasabay ang panununmpa rin ng mga tiwaling lingkod bayan na hindi na muling masasangkot sa ano mang sigalot o katiwaliang sisira sa administrasyong Digong.