LAST Sunday, dinumog ng libo-libong fans, ang mall show sa Ayala Fairview Terraces ng mga itinuturing na rom-com royalties na sina John Lloyd Cruz at Jennylyn Mercado kasama ang co-stars at director sa “Just The 3 Of Us” na si Direk Cathy Garcia-Molina.
Dumiretso ang cast sa kanilang mini-presscon sa Greenwich para makipag-chikahan sa mga imbitadong entertainment press at bloggers. Una naming nakausap ang bagong leading-lady ng Star Cinema na si Jennylyn na feeling lucky dahil sa dinadami-rami raw ng mga artista sa Star Cinema ay siya ang napili para ipareha kay John Lloyd sa Just The 3 Of Us na palabas na worlwide at sa mahigit 400 sinehan sa buong bansa.
“I feel so blessed, I feel so lucky. Masarap ho ‘yung pakiramdam, kumbaga ang dami nilang artista sa Star Cinema pero ako ‘yung napili nila na itambal kay John Lloyd. Saka nagpapasalamat ako sa kanila dahil sobra nila akong inalagaan, mula sa shooting hanggang ngayon dito sa mga promo namin,” panimula ni Jenn.
Kung ano ang bagong mapapanood ng moviegoers sa kanila ni Lloydie, baliw-baliwan raw ang karakter niya at pumayag siyang hindi maging glamorosa sa pelikula para makapagpatawa lang.
“It’s different kung napanood ninyo ako sa English Only Please at Walang Forever dito bumaliw na ako. Iba siya sa rom-com, dito tomodo na ako, kahit na hindi maganda basta makapagpatawa lang ako.”
Sa tanong naman kung may pressure ba na mapasama sa ganito kalaking rom-com na si Cathy Garcia Molina ang director na ang movies ay kumikita ng P400 milyon hanggang P500 milyon pataas tapos si Lloydie pa ang kapareha niya?
“Ngayon may pressure na talaga hahaha! Lagi namang may pressure paano mo tatapatan, paano mo mahihigitan ang mga nagawa mong projects kung walang pressure. ‘Yun ang nagbibigay ng challenge sa akin para galingan ko ito.”
Aminado si Jenn, na tulad ni John Lloyd ay nabitin rin siya sa pagsasama nila ng actor ganoon na rin ng mga co-star at ni Direk Cathy. “Sa totoo lang po, masyado kaming nag-focus sa trabahong ito. Ang saya ng ending 2 sequences lang, feeling namin bitin at sa dami ng trabahong ginawa namin walang time makapag-bond so bitin talaga. Kaya siguro nasabi ni John Lloyd kasi kahit siya bitin rin sa company naming lahat. As of presstime inianunsiyo na ng Star Cinema na kumita ng P16 milyon sa first day ng John Lloyd-Jennylyn movie.
Certified blockbuster gyud!
ABS CBN most watched network sa buong bansa,
FPJ’S ANG PROBINSYANO, WANSAPANATAYM,
DOLCE AMORE WAGING-WAGI SA RATINGS
Nananatiling pinakapinanonood na TV network sa bansa ang ABS CBN, ang nangungunang media and entertainment company sa Filipinas matapos makakuha ng national average audience share na 44% sa pinagsamang urban at rural homes, base sa datos ng Kantar Media para sa buwan ng Abril.
Ito ay habang patuloy na tinatangkilik ng sambayanang Filipino ang mga programa ng ABS CBN sa pamamagitan ng kanilang video streaming website na iWant TV.
Sa napanonood ng fans ang kani-kanilang paboritong programa gamit ang kanilang mga gadget, laptop o kaya naman smartphone, kailan man nila gusto, at nasaan man sila.
Nananatiling hari pa rin ang FPJ’s Ang Probinsyano ng Idol ng Masa na si Coco Martin sa rating nitong 41.6% na patuloy na namamayagpag bilang numero unong programa sa buong bansa mula nang simula itong ipalabas nitong Setyember 28, 2015.
Sinusundan ito ng Dolce Amore sa rating na 33.4%, Wansapanataym with 29.1%.
PRESIDENTE LEONA JACINTO BROKEN HEARTED
KAY COL. OLIVER GONZAGA SA “PRINCESS IN THE PALACE”
Nagmumukhang bagets ang dating ngayon ng mag-ex na sina Presidente Leona Jacinto (Eula Valdez) at Col. Oliver Gonzaga (Christian Vasquez) sa morning teleserye na “Princess In The Palace” na pinagbibidahan ni Ryzza Mae Dizon. Ang cute ng dating ng lovers quarrel ng dalawa nang pareho silang magparinigan sa dining table kasama ang anak ni Madam Leona na si Princess (Ryzza) at mga magulang ni Oliver na noong araw na ‘yon ay nagsi-celebrate ng kanilang wedding anniversary.
Labis kasing nasaktan si Leona sa pang-iiwan sa kanya ni Oliver na hindi man lang pinakinggan ang kanyang side. Ang paniwala kasi ng binata ay nakipagbalikan na si Leona sa dating boyfriend na si Lian (Allen Dizon) ang hindi niya alam, siya talaga ang mahal ng Presidente.
Ang problema sa sobrang selos ay ayaw nang pakinggan ni Oliver si Leona. Wala na ba talagang pag-asang magkabalikan ang dalawa na bagay pa naman sa isa’t isa? Magdesisyon na kaya si Madam Leona na tanggapin muli sa buhay niya si Lian na seryosong ma-win back siya.
Abangan ang pinag-uusapang love story ng lider ng bansa sa Princess In The Palace, mapapanood Lunes hanggang Biyernes sa Kapuso network bago mag-Eat Bulaga. Ito ay sa ilalim ng direksyon ni Mike Tuviera.
VONGGANG CHIKA! – Peter Ledesma