ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
KASAMA ang “Songs for Selina,” isang Filipino musical drama, sa bagong hanay ng mga pelikulang pinayagang ipalabas ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ngayong linggo matapos itong bigyan ng R-18 rating.
Ang pelikula, na pinagbibidahan nina Rachel Alejandro, Mica Javier, Jay R, at Rachel Coates, ay tumatalakay sa mas mabibigat na tema gamit ang musika at drama kaya ito binigyan ng R-18 classification.
Ang R-18 ay nangangahulugang para lamang ito sa mga nasa hustong gulang at maaaring maglaman ng matitinding tema, wika, karahasan, sex, kahubaran, horror o paggamit ng droga na hindi angkop sa mga wala pang edad 18 anyos, ayon kay MTRCB Chairperson at Chief Executive Officer Lala Sotto.
Iba’t ibang genre ang tampok sa lineup ngayong linggo—mula drama, science fiction, horror, animation hanggang fantasy.
Kabilang sa mga lokal na pelikula ang “Graduation Day,” na pinagbibidahan nina Jeric Gonzales, Elizabeth Oropesa, at Simon Ibarra, na nakakuha ng PG o Parental Guidance rating. Ang PG rating ay nangangahulugang may ilang sensitibong elemento ang pelikula ngunit maaari pa rin panoorin ng mas batang audience basta may gabay ng magulang o nakatatanda, paliwanag ni Chairperson Sotto.
Sa mga international releases, kabilang ang science fiction f ilm na “Project Hail Mary” na pinagbibidahan ni Ryan Gosling, na binigyan ng PG rating dahil sa action-driven na kuwento. Gayundin ang biographical sports drama na “Giant,” na tampok sina Pierce Brosnan at Amir El-Masry, na PG din ang rating.
Patok pa rin ang horror sa lineup. Ang “Mudborn,” na tampok sina Cecilia Choi at Yo Yang, at “Mortuary Assistant,” na pinagbibidahan ni Willa Holland, ay parehong nakakuha ng R-16 rating dahil sa matitinding eksena at nakagugulat na imahen. Ang R-16 ay nangangahulugang maaaring maglaman ang pelikula ng mas mabibigat na tema, karahasan o nakaaalarmang eksena na hindi angkop sa mga wala pang 16 anyos.
Samantala, ang anime na “Gintama on Theatre 2D: Shinsen-Gumi Doukan Arc” ay binigyan ng PG rating kaya maaari itong panoorin ng mas batang audience basta may gabay ng magulang.
Para sa special screenings mula Marso 20 hanggang 22, ipapalabas sa sinehan ang extended edition ng “The Lord of the Rings: The Return of the King,” na pinagbibidahan nina Elijah Wood, Ian McKellen, Viggo Mortensen, Liv Tyler, at Orlando Bloom. Ito ay may PG rating dahil sa mga eksena ng fantasy violence.
May sneak preview rin ng “Ready or Not 2: Here I Come,” isang horror-comedy na pinagbibidahan Nina Shawn Hatosy, Samara Weaving, at Sarah Michelle Gellar, na binigyan ng R-16 rating dahil sa karahasan, suspense at dark humor.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com