PINURI ni Asian Volleyball Confederation (AVC) President Ramon “Tats” Suzara ang mga miyembro ng Executive Committee sa kanilang matagumpay na pagpupulong noong Sabado, 24 Mayo, sa EDSA Shangri-La Manila.
“Lubos ang aking pasasalamat sa suporta at kooperasyon ng Executive Committee. Dahil sa kanilang aktibong partisipasyon, naniniwala akong mas lalawak pa ang tagumpay ng AVC,” ani Suzara, na nahalal bilang AVC President noong Agosto 2024 sa Bangkok.
Dumalo sa pagpupulong ang mga pangunahing opisyal ng AVC kabilang sina Secretary-General Hugh Graham (Cook Islands), Executive VP Mohamed Latheef (Maldives), Treasurer Marina Tsui (Hong Kong, China), Executive Director Shanrit Wongprasert (Thailand), at zonal VPs Ali Al-Kuwari (Qatar), Heyzer Harsono (Indonesia), at Yuan Lei (China). Kasama rin si Hila Asanuma (Palau) bilang Female Executive Member at FIVB Executive VP.
Nagsilbing mahalagang bahagi ang pulong sa serye ng aktibidad ng AVC sa bansa, kabilang ang AVC Technical Seminar on Setting na isinagawa ng PNVF sa Gameville Ball Park, Mandaluyong, sa pamumuno ni Chinese volleyball legend Feng Kun at Alas Pilipinas Women head coach Jorge Edson Souza de Brito.
Kasunod nito, gaganapin ang AVC Board of Administration Meeting, bilang bahagi ng paghahanda para sa Alas Pilipinas Invitationals sa 10–12 Hunyo sa Smart Araneta Coliseum. Tampok dito ang Alas Pilipinas Men na lalaban sa 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship, na idaraos sa Filipinas sa 12-28 Setyembre sa Big Dome at SM Mall of Asia Arena. (HNT)