HINDI pa huli ang lahat para sa tatlong Pinoy senior chess players para sa katuparan ng pangarap na Grandmaster title.
Kompiyansa sina International Masters Chito Garma at Jose Efren Bagamasbad, gayondin si FIDE Master Mario Mangubat na makamit ang pinakahihintay na GM title sa kanilang pagsabak sa FIDE World Senior Chess Championships sa 16-24 Nobyembre sa Porto Santo Island, Portugal.
“Mabigat ang laban namin, pero nasa kondisyon ako at talagang magaan ang feeling ko na makukuha ko, finally ‘yung Grandmaster title. Bilang chess player, ito ang ultimate goal namin, medyo inaabot na tayo ng pagiging senior, pero, sabi nga sa buhay wala sa edad ‘yan, hindi pa huli sa tulad kong senior na matupad ‘yung pangarap naming GM title,” pahayag ng 60-anyos na si Garma sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ nitong Huwebes sa Rizal Memorial Coliseum VIP Room sa Malate, Maynila.
Kinatigan ng 68-anyos na si Bagamasbad mula sa Camarines Norte ang naging pahayag ni Garma at maging siya ay nagpapasalamat sa isa pang pagkakataon para makamit ang pinakamimithing titulo sa larangan ng chess.
“Mula sa Executive Chess tournament, umangat ako sa National Open sa sa international tournament. Nakuha ko ‘yung dalawang GM norm, nagawa ko ito, kaya sabi ko sa sarili ko magagawa ko rin makuha ang GM title,” sambit ni Bagamasbad.
Nagamit nina Garma at Bagamasbad ang slots sa World Championships matapos magwagi sa kani-kanilang age bracket (50-64 yrs) at (65-over), ayon sa pagkakasunod sa nakalipas na Asian Senior Championships na ginanap sa Tagaytay City, habang si Mangubat ay nakahirit ng bronze medal sa 65-over class.
“Marami kaming pinagdaanan at nakamit na karanasan dahil halos buong buhay namin itinuon namin sa chess. Siyempre, nahanapbuhay din kaya nahinto sa paglalaro, pero ‘yung passion kasi sa chess nandiyan kaya kahit seniors na kami, tuloy pa rin, awa ng Diyos binigyan kami ng pagkakataon na makapagwagi ng GM title sa world seniors meet.
Ayon kay US National Master Marlon Bernardino, tumatayong coach/adviser ng Philippine senior team, kakailanganin ng tatlo na makamit ang titulo sa kanilang age classes para sa ‘outright’ GM title.
Sa sandaling, hindi ito makamit, ang pagtatapos sa top 10 ay makapagbibigay naman ng karagdagang FIDE points sa tatlo.
“Sa nakalipas na Chess Olympiad nakamit ni Daniel Quizon ang GM title para magingg ika-17 Pinoy na chess Grandmaster. This November, puwedeng madagdagan ‘yan, kung sakali silang tatlo ang magiging oldest Pinoy GM,” ayon kay Bernardino.
“Kung hindi naman natin makuha, at least makatutulong ang resulta ng kanilang laro dito para makahirit silang maglaro sa 2500 over rating tournament sa abroad.
Ngunit, tulad ng mga atletang Pinoy na walang sapat na kakayahang makalahok sa international meet, nanawagan ng tulong pinansiyal ang grupo ni Garma sa Philippine Sports Commission, gayondin sa mga corporate businesses para makabawas sa kanilang gastusin patungong Portugal. (HATAW Sports)