Friday , September 13 2024
FIRING LINE ni Robert B. Roque, Jr.
FIRING LINE ni Robert B. Roque, Jr.

Ang tunay na problema ng PhilHealth

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

ANG pagkukunwari at kasaysayan ng korupsiyon sa loob ng PhilHealth, na pinalala pa ng labis na pagbabayad, pagre-reimburse ng mga serbisyong gawa-gawa lang, at “upcasing” noon ng mga sakit ay nagpapakita sa kalakaran ng malalimang katiwalian sa korporasyon sa panahon ng administrasyong Duterte.

Ang pinakamatindi sa mga panlolokong ito ay ang kuwentong pinapaniwala sa mga manggagawang Filipino, na kung hindi daragdagan ang premium rates, magsasara ang PhilHealth pagsapit ng 2027. Isa itong paraan ng pananakot na ikinabahala rin talaga ng milyon-milyong umaasa sa nasabing pondo para sa seguridad ng kanilang kalusugan.

Pero ano ba talaga ang nangyayari? Sa likod ng mga kaguluhang ito, sinasaid ng isang sistematikong katiwalian ang bilyon-bilyong pisong pondo ng korporasyon, kaya naman ang mga miyembro nito, papasanin na lang ang mga problema ng pabuwag nang sistema habang ang mga opisyal nito ay nagtatabaan ang mga bulsa.

               Masasabing may kaginhawahang nadama nang pumasok sa eksena si Marcos Junior. Pinagtibay ng kanyang administrasyon ang pagpapaliban sa dagdag-kontribusyon, idinahilan ang problema sa ekonomiya na dulot ng pandemya. Ang hakbanging ito ay mistulang nagbigay ng tuldok sa mga mapang-aping polisiya ng nakaraang administrasyon.

Gayonman, sa likod ng maituturing na mapagmalasakit sa desisyong ito ay isang mas kalkuladong galawan.

Lumalabas ngayon na ang pagpapaliban na ito ay hindi para maibsan ang kalbaryong pinansiyal ng mga Filipino kundi tungkol sa pagkukubli sa tunay na intensiyon ng gobyerno: ang gamitin ang pondo ng PhilHealth. 

Malinaw na pagkaraan ng nakalipas na taon, nakakolekta ang PhilHealth nang halos P90 bilyon nang hindi nagamit na subsidiya ng gobyerno — halagang dapat na ibinalik sa kaban para gamitin sa pagpapabuti ng serbisyong pangkalusugan, pagpapalawak ng coverage, o pagbabawas sa aktuwal na gastusin sa pagpapagamot ng mga miyembro nito.

Sa halip, ang bilyon-bilyong piso na ito ay naging kaakit-akit na target para makakalap ng pondo para sa unprogrammed appropriations — o mga gastusing hindi inaprobahan ng Kongreso at posibleng gamitin para punan ang mga fiscal gaps sa pambansang budget.

               Hindi nagkataon lamang ang interes ng administrasyong Marcos sa mga pondong ito. Dahil sa tumitinding pagkahumaling sa unprogrammed appropriations at sa harap ng pinakaaabangang Maharlika fund, maliwanag na ang naimbak na pondo ng PhilHealth ay pinupuntirya bilang kombinyenteng gatasan ng pera, handang gastusin para sa mga dahilang walang kaugnayan sa pangangalagang pangkalusugan.

Hindi ito tungkol sa pagpapabuti ng kalusugan ng publiko; usapin ito ng financial engineering na nakatuon nang higit sa kapakanan ng mga political powerbrokers kaysa ikabubuti ng milyon-milyong Filipino.

Sa larong ito ng fiscal sleight-of-hand, ang tunay na talo ay ang mga ordinaryong mamamayan na buong tapat na regular na nag-aambag sa PhilHealth, para madiskubre lang sa huli na delikadong mapagsamantalahan ang kanilang safety net alang-alang sa pagsusulong ng interes sa politika.

Malinaw na maaari nating isisi ang paglutang ng mga isyung ito mula sa hanay ng pinakamatataas sa gobyerno na hindi na pinagtitiwalaan ng publiko at maituturing na banta sa pagpapanatili ng pondo. Ang maling pangangasiwa rito ay may direktang epekto sa kalidad ng serbisyong pangkalusugan na ipinagkakaloob sa mga Filipino, dahil ang mga pondo na dapat ay nagdadagdag o nagpapalawak ng mga benepisyo ay nauubos lamang sa korupsiyon.

*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

FIRING LINE ni Robert B. Roque, Jr.

Umay ka na ba sa korupsiyon?

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ANG pagiging talamak ng korupsiyon sa mga pinapasok na …

AKSYON AGAD ni Almar Danguilan

Sumuko nga ba o naaresto si Kingdom of Jesus Christ (KOJC)?

AKSYON AGADni Almar Danguilan MARAMI ang nagugulohan sa totoong detalye ng pagpapasakamay ni Quiboloy sa …

Dragon Lady Amor Virata

Senator Cynthia Villar tatakbo para sa kongreso  magpinsang Aguilar maglalaban para sa mayor

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata NOONG nabubuhay pa ang yumaong Vergel “Nene” Aguilar, tahimik …

AKSYON AGAD ni Almar Danguilan

Ano pa ang hinihintay ng DOH sa Mpox vaccine?

AKSYON AGADni Almar Danguilan HINDI pa naman daw kailangan ng social distancing para sa seguridad …

YANIG ni Bong Ramos

74-anyos lolo, nawalan na ng wallet at cellphone, ikinulong pa

YANIGni Bong Ramos KAHABAG-HABAG ang sinapit ng isang 74-anyos Lolo na matapos mawala ang wallet …