Algorithm ng ‘political digi-cult’ vs sikmurang kumakalam, Pinoy netizens, hoy gising!
HABANG abala ang libo-libong daliri ng mga Pinoy netizen sa pag-like, pag-share, at pakikipagbardagulan sa comment section tungkol sa nagaganap na mobilisasyon sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands, may mas malalim na trahedyang sabay-sabay na nagaganap sa pitong lalawigan sa ating sariling bakuran.
Nakababahala ang priyoridad ng ating pambansang kamalayan sa social media — wangis na ito ng ‘digi-cult’.
Mas pinipili nating maging fanboy at fangirl ng mga nag-aaway na dinastiyang politikal imbes basahin ang sarili nating hatol sa gutom. Habang pinalakpakan sa mga social media vlog ang mga politikong nagpapakita ng puwersa sa Europa, ang ating mga mangingisda ay lalo pang inilulubog ng kahirapan at kawalang-katiyakan sa kabuhayan.
Ang katotohanang nilamon ng algorithm
Noong nakaraang Lunes, bago ang ika-5 State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos Jr., halos 300 kasapi ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Mangingisda (PANGISDA–Pilipinas) ang sabay-sabay na umalma. Ngunit nasaan ang mga shares? Nasaan ang libo-libong heart reacts? Nilamon na ng algorithm ng Facebook at TikTok.
Mula sa baybayin ng Noveleta at binabahang covered court ng Alima sa Bacoor, Cavite, isinisigaw ng mga mangingisda ang overlapping ng municipal waters at ang walang-awang demolisyon ng kanilang mga tahungan sa Manila Bay dahil sa mga reclamation project.
Sa Bulacan at Bataan, nagmartsa sila sa mga pamilihan para ipaalala sa mga mamimili: “Ang municipal waters ay hindi lamang pag-aari ng mga korporasyon, ito ang nagpapakain sa kalakhang Maynila.”
Sa Zambales, habang ginagawa nating katatawanan ang geopolitics sa internet, lumadlad ang boat parade ang mga mangingisda sa Masinloc, Palauig, at Cabangan upang ipanawagan ang proteksiyon sa West Philippine Sea at ang epekto ng militarisasyon sa kanilang lambat. Ito ang tunay na laban, ngunit bakit mas viral ang fake news tungkol sa iskedyul ng korte sa ibang bansa?
Ang simbolismo ng Tayabas Bay at Lamon Bay


Huwag nating hayaan na mahiwalay sa reyalidad ng buhay at mabulid sa panggogoyo ng political elite.
Ang pinakamasakit na larawan na dapat gumising sa nahihimbing nating mga netizen ay ang naganap sa Tayabas Bay, Quezon. Ang mga mangingisda roon, lumubog sa tubig-alat hanggang leeg. Isang matalim na metapora: lubog na sa kahirapan, hindi na makahinga.
Kasabay nito ang mga kababaihan at magsasaka sa Lamon Bay na umiiyak para sa seguridad sa pagkain. Dito makikita ang malaking ‘diskoneksiyon’ ng internet sa reyalidad ng sikmura.
Ang kinakaharap ng pitong lalawigan ay hindi simpleng “isyu sa probinsya” — ito ay isyu sa presyo ng galunggong, tahong, at tilapiang inihahain sa iyong hapag-kainan ngayong gabi. Kapag tuluyang winasak ang kabuhayan ng maliliit na mangingisda, walang ititirang murang pagkain para sa masa. Ngunit ano ang inaatupag ng netizen? Pakikipag-away kung sino ang mas ‘siga’ sa Twitter (X) at Facebook.
Kalderong walang laman, sikmurang kumakalam
Habang tumataas ang presyo ng bigas, isda, gulay, at iba pang pangunahing bilihin, lalong lumiliit ang kakayahan ng karaniwang pamilya na makapaglagay ng sapat na pagkain sa kanilang hapag. Kaya ang usapin ng kabuhayan ng mga mangingisda ay hindi lamang problema ng mga baybaying komunidad — ito ay direktang usapin ng seguridad sa pagkain ng bawat Filipino.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), may itinakdang food threshold bilang batayan sa minimum na gastusin sa pagkain. Ngunit, maraming Filipino ang nagsasabing malayo ito sa aktuwal na presyo ng mga pangunahing bilihin sa kasalukuyan.
Kung bibili ang isang obrero ng isang kilong galunggong at dalawang kilong bigas ngayon 2026, mahigit kalahati na agad ng kanyang ₱755 na pambansang minimum wage ang naglalaho sa isang iglap. Hindi pa kasama rito ang pasahe, koryente, renta, at baon ng mga bata sa paaralan. Kaya naman ang simbolikong paglubog ng mga mangingisda sa Tayabas Bay hanggang leeg ay hindi lamang drama; ito ang literal na larawan ng pambansang ekonomiya ng masang Filipino.
Hamon sa pagiging vigilant
Ang tunay na Estado ng Bansa (SONA) ay hindi maririnig sa malamig at marangyang bulwagan ng Batasang Pambansa, at lalong hindi ito makikita sa mga edited na reels ng mga bayarang vlogger. Ang tunay na estado ng bansa ay makikita sa gasgas na palad ng mangingisdang umuuwi na may dalawang kilong huli matapos ang magdamag na pagkayod sa gitna ng laot.
Panahon na para baguhin ang daloy ng ating digital citizenship. Ang pagiging “vigilant” ay hindi nangangahulugang maging tagapalakpak sa mga political circus ng mga nag-aaway na paksiyon. Ang tunay na pagiging mapagmatyag ay ang pagtindig kasama ang mga sektor na nagpapakain sa atin.
Pagbabago nasa kamay ng uring anakpawis
Sa kahuli-hulihan, bago natin i-click ang share o mag-type ng galit na komento, mag-isip tayo: Ang paghihiyaw ba natin sa kalsada bilang suporta sa mga politiko, at ang pagdutdot natin sa cellphone para makipagtunggali sa kapwa natin kapos-palad, ay may maitutulong ba sa ating sikmura?
By the end of the day, pagharap natin sa hapag-kainan, lungkot at pangamba pa rin ang mababakas sa mukha ng ating pamilya dahil sa kaunting naihandang hapunan mula sa suweldong hindi sapat.
Gisingin natin ang ating kamalayan. Nasa sarili nating mga kamay ang kapasyahan at walang pagod na pagbabanat ng buto para buhayin ang ating mga mahal sa buhay — hindi sa kamay ng mapanlinlang at nag-uumpugang political elite na bundat habang tayo ay nagpapakasakit.
Sapagkat sa huli, ang kasaysayan ay hindi isinusulat ng pinakamalakas sumigaw sa internet, kundi ng mga taong kumikilos upang baguhin ang lipunang kanilang ginagalawan.
Habang patuloy na naaliw ang marami sa bawat bagong eksena sa politika, tahimik namang kumakalam ang sikmura ng milyon-milyong Filipino.
Maaaring viral ang politika sa social media, ngunit ang gutom ay hindi nangangailangan ng ‘likes’ — nangangailangan ito ng tunay at radikal na pagkilos.