Friday , November 15 2024
Bulacan ilog dredging

Limang ilog sa Bulacan bumabaw  
282-M METRO KUBIKONG BURAK AT PUTIK IPAHUHUKAY NA

AABOT sa 282.02 milyong metro kubiko ng burak, putik at basura ang target alisin sa mga bumabaw na ilog ng Angat, Malolos-Kalero, Pamarawan, Malolos-Pamarawan channel, at sa Offshore Delta Bulacan o sa dalampasigan ng lalawigan ng Bulacan mula Obando hanggang Calumpit sa Manila Bay.

Ito ang iniulat ni Gob. Daniel Fernando matapos ang ginawang sub-surface soil investigation, geological exploration at geotechnical investigation sa nasabing mga anyong tubig sa Bulacan.

Taong 2020 nang aprobahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang dredging permit at clearances ng Toreja’s Construction Supply Corporation (TCSC).

Ang nasabing kompanya ang katuwang ng Bulacan Inter-Agency Committee for River Restoration Program na binuo ng gobernador alinsunod sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) Administrative Order No. 2020-07 tungkol sa Rationalization Dredging Activities in Heavily-Silted River Channels.

Ipinaliwanag ni Engr. Bernie Pacheco, vice president for mining and dredging ng TCSC, aabot sa apat na kilometro mula sa dalampasigan ng Bulacan ang bumabaw na.

Sanhi nito ang nasa 20 metrong kapal ng mga putik at burak na may kasamang mga basurang nakabara sa nakalipas na ilang dekada.

Pinakamaraming huhukayin sa ilog ng Malolos-Kalero na may 139 milyong metro kubikong mga dumi. Sa ilog Angat ay may 80.4 milyong metro kubiko; 40.7 milyong metro kubiko sa Malolos-Pamarawan Channel; 13 milyong metro kubiko sa Offshore Delta Bulacan, at 8.7 milyong metro kubiko sa ilog Pamarawan.

Ang water jet suction na uri ng draga o dredger na gagamitin dito ay kayang makapaghakot ng 200 metro kubiko ng mga putik, burak at basura kada araw. Katumbas ito ng nasa 1,506 backhoe para sa dredging na gagawin sa loob ng tatlong taon.

Ngayong natapos na ang sub-surface soil investigation, geological exploration at geotechnical investigation sa nakalipas na apat na taon, sisimulan na ang pagpapalalim muli sa nasabing mga ilog.

Target mapalalim pa hanggang 4.4 meters ang ilog Angat, isang metro ang ilog ng Pamarawan, at 7.07 metro ang ilog ng Malolos-Kalero.

Hindi gumugol ang pamahalaang panlalawigan ng Bulacan ng kahit magkanong halaga para sa proyektong ito.

Binigyang-diin ni Gob. Fernando na minarapat ng pamahalaang panlalawigan na tanggapin ang alok ng naturang kompanya dahil bukod sa malaki ang matitipid ng pamahalaan, magkakaroon pa ng kita ang Kapitolyo mula sa 10% na extraction fee at 5% na environmental monitoring fee.

Iba pa rito ang 4% national excise tax na ibabayad sa pamahalaang nasyonal. Tinatayang aabot sa P3 bilyon kada taon ang maipapasok na pondo nito sa kaban ng bayan.

Ang makukuhang mga putik, burak, at buhangin ay ipagbibili sa mga aprobadong land development at reclamation projects sa Metro Manila. Uubra rin itong magamit sa iba pang development projects gaya ng pagpapagawa ng isang international port sa Bulacan at pagtatayuan ng mga offshore windmills. (MICKA BAUTISTA)

About Micka Bautista

Check Also

Dwayne Garcia

Dwayne Garcia, excited na sa kanyang debut single na “Taym Perst Muna”

ALAM MO NA!ni Nonie Nicasio SUPER-EXCITED ang newbie singer/actor na si Dwayne Garcia sa paglabas …

PDEA EDSA busway

Dumaan sa EDSA busway
PDEA vehicle tinekitan

INISYUHAN ng tiket ng Special Action and Intelligence Committee for Tr1ansportation (SAICT) ang driver ng …

Smuggled Sugar asukal

900 sako ng puslit na asukal nasamsam; 3 driver, 1 pahinante tiklo sa Zambo

ARESTADO ang apat katao dahil sa alegasyong pagpupuslit ng sako-sakong asukal sa Brgy. Cawit, sa …

gun ban

Search warrant ikinasa, illegal gun owner timbog

MATAGUMPAY na ipinatupad ng mga awtoridad ang search warrant para sa ilegal na pag-iingat ng …

4th Senator Manny Pacquiao Rapid Chess tatlohan team tournament sa 17 Nobyembre

4th Senator Manny Pacquiao Rapid Chess tatlohan team tournament sa 17 Nobyembre

SUSULONG na ang 4th Hon. Sen. Manny Pacquiao Rapid Chess tatlohan team tournament (2000 average …