Saturday , November 16 2024
Vilma Santos

Ate Vi hindi singer pero hit ang mga plaka noon

HATAWAN
ni Ed de Leon

NATATANDAAN namin noong araw, diyan sa tinatawag na local tin pan alley, iyang Raon St. Sa Quiapo, umaga pa lang ay makikita mo na sakay ng mga owner nilang jeep ang mga may-ari ng mga record bar sa mga probinsiya. Roon kasi sila kumukuha ng kanilang paninda sa mga tindahan sa Raon na siya namang kumukuha ng maramihan sa mga record producers. 

Ang mga plaka kasi noon hindi gaya niyong mga later years na naka-consign lang sa tindahan, noon basta kinuha mo babayaran mo. Karamihan naman sa mga maliliit na tindahan lalo na sa probinsiya, walang malaking puhunan kaya kumukuha sila sa Raon, kahit na pinatungan na ng tubo ng tindahan nauutang naman nila.

Bakit nga ba tinawag na “tin pan alley?” Kasi sa New York, may tinatawag ding tin pan alley na naroroon ang mga nagtitinda ng plaka. Ang plaka noong bago mauso ang bakelight at plastic, ay ginagawa sa metal, na inuukitan kaya nagbibigay ng tunog. Kaya nga tin pan.

Noong panahong iyon, nadadaan kami sa Raon ng umaga dahil ang trabaho namin ay nasa isang estasyon ng radio na nasa Florentino Torres, at basta maraming naghihintay na record dealers sa mga nakasara pang tindahan ng plaka, asahan mo kung hindi plaka ni Nora Aunor, plaka ni VIlma Santos ang kanilang hinihintay. Si Nora ay kilalang singer, si Vilma ay hindi, pero dahil sa kanyang popularidad may naniniwala na kaya niyang tapatan si Nora. 

Si William Leary na siyang may-ari ng isang maliit na kompanya ng musika roon sa Republic Supermarket, ang kumumbinsi kay VIlma na mag-recording. After all, artista siya at kailangan din niyang kumanta sa mga personal appearances sa probinsiya na karaniwang ginagawa noon para sila mas makilala at makakumbinsi sa mga taong panoorin ang kanilang pelikula. Hindi pa uso ang tv promo noon dahil kakaunti pa ang may tv, at lalo naman ang social media dahil kaiimbento pa lang sa computers noon at ginagamit lang sa malalaking negosyo. 

Wala pang social media noon. Nakumbinsi naman si Vilma, at dahil hindi naman siya talaga singer, naisip nilang gumawa ng isang kanta na hindi naman siya mahihirapang kantahin. Ginawa nga ni Dannie Subido ang kantang Sixteen, na naging isang malaking hit. Matapos ang isang lingo, nakabenta iyon ng 20,000 kopya at naideklara agad na isang Gold Record. Bago matapos ang taong 1969, ang kantang Sixteen ay nakabenta na ng kalahating milyong kopya.

Kapag ba ganoon kabili ang plaka ano ang gagawin ng producer, ‘di sunod-sunod nang recording. Basta nakakalibre sa shooting ng kanyang mga pelikula, si Ate Vi ay nasa Cinema Audio studios ni Jose Mari Gonzalespara mag-recording. Ang producer noon ay Wilears, at ang distributor ay Vicor Music Corporation. 

Nang malaunan, hindi na maasikaso ni Leary ang Wilears, kaya ang ginawa naman ng Vicor ay kinuha ang mga recording artist na bumebenta, agad na ipinagawa ni Orly Ilacad na bahagi pa noon ng Vicor kay Ate Vi ang kantang Bobby, BOBBY, Bobby, na naging isa ring nakapalaking hit. Bukod doon nakagawa rin si Ate Vi ng ilang long playing albums, iyan iyong mga plakang naglalaman ng 12 kanta. Ang una niyang album ay Sixteen na naging isang malaking hit, tapos iyong Batya’t Palu Palo na puro mga kantang Tagalog at iyong carrier single nga ay ginawa pang theme song ng pelikula nina Ate Vi at FPJ.

Hindi siya singer pero hindi maikakailang hit ang kanyang mga plaka. “Novelty,” kung sabihin nga ng batikang composer at lyricist at National Artist ding si Levi Celerio. Isipin mo ang isang magandang bata na gaya ni Vilma ang kumakanta, panonoorin iyan ng mga tao, at gusto nilang mapakinggan ng paulit-ulit. Kumakanta rin si Ate Vi sa kanyang mga pelikula noon, at nang magkaroon ng sariling tv show, lalo siyang kumanta, na nagustuhan naman ng publiko kaya ang tv show niya ay naging highest rater noong kanyang panahon at siya rin ang highest paid television star noon.

Hanggang ngayon ang kanta niyang Sixteen ay ginagamit pa sa parties at kadalasan sa mga zumba sessions.

About Ed de Leon

Check Also

Robbie Jaworski Andres Muhlach

Robbie Jaworski pantapat ng ABS-CBN kay Andres Muhlach ng TV5

HATAWANni Ed de Leon UY pumasok pala sa ABS-CBN si Robbie Jaworski, anak nina Dudot Jaworski at Mikee Cojuangco na mukhang …

Dominic Pangilinan Paul Singh Cudail Ako Si Juan

Direk Paul Singh Cudail, balik pelikula via ‘Ako Si Juan’

ALAM MO NA!ni Nonie Nicasio NAGSIMULANG maging direktor ng pelikula Paul Singh Cudail noong 2011. …

Tom Rodriguez

Tom sa pagkakaroon ng anak: Napakasarap palang maging isang ama

RATED Rni Rommel Gonzales NAPAKAGWAPO ng anak ni Tom Rodriguez. Very proud siya na ipinakita mismo …

Lala Sotto-Antonio MTRCB ICC

Responsableng Panonood ng MTRCB pinuri sa ICC, Bangkok

BINIGYANG-DIIN ni Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio na obligasyon ng mga …

Sa pagwawakas ng politically charged teleserye Pamilya Sagrado 
PIOLO SUPORTADO PARTYLIST NA TAPAT SA KANYANG PRINSIPYO 

KAPANA-PANABIK ang pagtatapos ng socio-political-action drama teleserye ni Piolo Pascual, ang Pamilya Sagrado sa ABS-CBN bukas. At dahil dito hindi …