NAGSAMPA ng kaso ang United Filipino Consumers and Commuters (UFCC) sa Department of Information and Communications Technology (DICT) para tanggalan ng lisensiya ang J&T at ang mga franchise partner nito dahil sa labor at operations malpractices na labag sa batas.
Isinagawa ito ng UFCC ilang linggo matapos ang inaugural State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na binigyang-diin ang kahalagahan ng digitalization sa iba’t ibang sektor ng lipunan tulad ng logistics at supply chain space para sa ikauunlad ng bansa.
Ang UFCC ay isang advocacy group na nagpoprotekta sa karapatan ng mga mamimili at tumatayong intermediary sa pagitan ng gobyerno at ng publiko sa pamamagitan ng pagsusulong ng policy at regulatory reforms.
Kasama sa adbokasiya ng grupo ang subaybayan ang mga aktibidad ng iba’t ibang logistics providers sa bansa sa gitna ng pagbaha ng mga reklamo mula sa mga mamimili at nagbebenta.
“Nananawagan kami kay Pangulong Bongbong Marcos na silipin ang mga iregularidad na pinalalaganap ng J&T,” ani former congressman at UFCC national advisor Jonathan Dela Cruz.
Ayon sa consumer group, minamaliit ng J&T ang pagsisikap ng DICT sa pag-regulate ng postal delivery service at inilalagay nito sa panganib ang kaunlaran at
katatagan ng Philippine digital economy na isa sa mga krusyal na sektor para sa economic recovery plans ng bansa.
“Bilang ang serbisyo ng J&T at kalat na kalat sa buong bansa ang paulit-ulit na paglabag nito sa Postal Service Act at iba pang mga batas ay sapat na batayan
para bawiin ang ‘Authority to Operate Express and/or Messenger Delivery Service’ nito,” ayon kay Dela Cruz.
“Hindi lang ang J&T ang hinahabol namin dito sa aming adbokasiya. Nagkataon lang na karamihan sa mga reklamong ipinaparating sa amin ay puro tungkol sa kanila,” dagdag ni Dela Cruz.
Sa kanilang reklamo sa DICT, hiniling ng UFCC na imbestigahan ng gobyerno ang operasyon ng J&T at ng mga franchise partners nito na patuloy umano sa
pagnenegosyo nang walang kaukulang franchise permits.
Partikular na tinukoy ni Dela Cruz ang mga J&T franchisee sa Maynila, Quezon City, at Caloocon.
“Sa kawalan ng legal accreditation, kawawa ang mga mamimili sa mga negosyong ito. Wala silang puwedeng takbuhan kung nasira ang mga pinamili nila. Mahirap kilalanin ang mga ‘salarin’ kung kulang-kulang ang mga dokumento na puwedeng ma-access ng publiko,” sabi ni Dela Cruz.
Noong nakaraang taon, inatasan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang National Bureau of Investigation (NBI) at ang Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na imbestigahan ang J&T.
Inutusan din niya ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na siyasatin kung nagbabayad ng tamang buwis ang J&T.
Gayonman, tumatakbo pa rin ang negosyo nito nang walang pagbabago at laganap pa rin ang mga reklamo. Kasama na rito ang ‘mishandling of parcels’ na nakasisira sa mga produktong ipinamili, mga kontrabando na natagpuan sa loob ng J&T property, mga nawawalang parcels, overcharging sa delivery fees, maling paggamit ng pribadong impormasyon ng mga kustomer, at hindi makatarungang mga polisiya sa trabaho.
Noong 2020, kinompiska ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang 12 kilo ng methamphetamines na nagkakahalaga ng hindi kukulangin sa P81.6 milyon sa isang warehouse na pagmamay-ari ng J&T.
“Sino kaya ang protektor kaya nakapagpapatuloy sila sa kanilang mga sub-standard na operasyon?” tanong ni Dela Cruz.
Noong nakaraang Hunyo, nagwelga ang workers’ union ng J&T na United Rank and File Employees (URFE) upang manawagan para sa mas maayos na labor conditions, tamang pagbabayad ng overtime pay, at pagbibigay ng kaukulang health benefits. Inireklamo rin ng mga nagprotestang manggagawa ang umano’y forced labor, mga hindi nababayarang overtime pay, at tuluyang pagbabawas ng allowance para sa mahahabang biyahe at para sa mga pagkakataong sila ay stranded habang may delivery.
Dati nang hinimok ni Senadora Risa Hontiveros ang Department of Labor and Employment (DOLE) na mag-isyu ng mga alituntunin na tutugon sa mga
terms of employment and labor standards para maprotektahan at maisulong ang kapakanan ng mga delivery rider.
Inaasahang sa 2025, papantayan ng mga
parcel ang dami ng mga sulat na ipinadadala. Mas
bibilis ang digitization ng bansa patungo sa isang digital economy kung mas mapabubuti ang logistics and supply chain.
“Umpisa pa lang ito ng malawakang aksiyon ng UFCC para ma-rehabilitate ang digital system ng bansa. Sinisiguro naming mapasok ang digital at logistics enhancement sa maayos na paaran,” sabi ni
Dela Cruz.
Idinagdag ni Dela Cruz, babantayan nila ang operasyon ng ibang logistics providers para siguraduhing lahat ay sumusunod sa batas at para patibayin ang industriya. (HNT)