PROMDI
ni Fernan Angeles
SADYANG suntok sa buwan ang pagpapatino sa pamamalakad ng pamahalaan kung masamang ehemplo ang nakikita ng mga kawani sa kanilang mga de kampanilyang among itinalaga sa puwesto ng ating Pangulo.
Ito ang kuwento ng isang presidential appointee sa tanggapan ng Cooperative Development Authority (CDA) na tila nawili sa pagbiyahe sa iba’t ibang panig ng bansa – hindi para magsulong o magtaguyod ng kooperatibang mandato ng ahensiyang kinabibilangan, kundi para mangampanya sa kandidatong posibleng lipatan kapag wala na siya sa puwesto kasabay ng pagtatapos ng termino ng mahal na Pangulo.
Kalakip ng sumbong ng isang masugid na mambabasa ang mga larawan ni Assistant Secretary Pendatun Disimban ng Cooperative Development Authority (CDA) habang kasamang nangangampanya ng isang congressional bet sa lalawigan ng Nueva Ecija at sa iba pang lugar kung saan may kaalyadong pumopostura.
Bagamat tapos na ang kampanya, mainam pa rin marahil na isiwalat ang hayagang katampalasang ipinamalas ni Disimbang. Ang totoo, mahigpit na ipinagbabawal sa hanay ng mga opisyal at kawani ng pamahalaan ang “electioneering” o hayagang pangangampanya.
Sa probisyon ng Article IX-B, Section 2B paragraph 4 ng Konstitusyon, “no officer or employee in the civil service shall engage, directly or indirectly, in any electioneering or partisan political campaign.” Pero bakit si Asec. Disimban nangangampanya at ginagamit pa ang posisyon sa tuwing sasabak sa mga probinsiya.
May nakapagbulong din kasing si Disimban ang nagbigay garantiya sa mga proyektong pinopondohan ng CDA para sa mga lokalidad na dinayo para mangharana ng boto.
Hindi naman siguro ipupuwestong opisyal ng CDA si Disimban kung ‘di niya kayang bumasa at magsulat. Malinaw kasi ang atas ng Omnibus Election Code na nagtatakda ng parusang kalakip ng electioneering sa hanay ng mga opisyal ng pamahalaan – bawal silang mangampanya!
Maging ang Civil Service Commission (CSC), nagbabala rin sa mga lingkod-bayan laban sa pag-abuso gamit ang poder na kalakip ng puwesto sa gobyerno.
Hindi na bago ang kalakaran ng pagsuporta ng mga taong gobyerno sa mga napupusuang kandidato. Wala rin namang batas na nagbabawal kahit sinong Filipino na suportahan ang kanilang kursunadang politiko. Pero ang hayagang pangangampanya, tila kalabisan naman lalo pa’t buwis ng mga mamamayan ang pinaghuhugutan ng kanilang bonggang sahod sa gobyerno.
Hindi angkop na ginugol ni Disimban ang oras ng trabaho sa pangangampanya.
Ang tanong – alam ba ni CDA chairman Joseph Encabo ang partisanong aktibidad ni Asec. Disimban? O baka naman kinukunsinti na lang niya ang kapritso ng lakwatserong palamunin ng gobyerno? Saan ka ba naman kasi nakakita ng kompleto ang suweldo pero wala naman sa tanggapan kung saan siya dapat nagta-trabaho?
Ang dapat kay Disimban, sampolan para hindi na pamarisan. Kay Asec. Disimban, ang kapal ng mukha ‘wag naman masyadong sagaran. ‘Yun ay kung puwede lang naman!