SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
NOON pa man, pagtulong na ang laging una sa international model, producer, businessman at aktor na si Marc Cubales kaya hindi na kami nagtaka nang sabihin nito sa amin na gusto niyang mag-produce para makatulong sa industriyang labis na naapektuhan ng pandemic.
At kamakailan, inilunsad na ang kanyang media at film production company na MC Production House gayundin ang unang pelikulang ipo-produce niya, ang Finding Daddy Blake.
“Marami tayong mga artista, baguhan man o veteran na world-class ang talent. I wanna help them. Time naman nila to shine. Behind the camera na lang ako,” sambit ni Marc.
Ang multi-awarded director na si Jay Altarejos ang hahawak ng proyekto, siya rin ang sumulat ng screenplay.
“BL film ito na may kakaibang twist. Hanggang diyan lang muna ang pwede kong ikuwento para walang spoiler,”buong ningning na pambungad ni Direk Jay.
“Base ito sa true events na naganap sa simula ng pandemya. Dalawang teenager, sina Elijah at ang batang social media personality na si Kokoy, ay nagkataong nagkatagpo upang hanapin at maghiganti sa nambiktima at nang-abuso sa kanila na si Daddy Blake. Sa pag-usad ng kanilang plano para magapi si Daddy Blake, madidiskubre nila ang unti-unting pag-usbong ng kanilang pagtitinginan sa isa’t isa,” pagkukuwento ni Direk Jay.
Pangungunahan ng critically acclaimed actress na si Rita Avila ang Finding Daddy Blake kasama ang 2021 FAMAS, Gawad Tanglaw at Gawad URIAN Best Supporting Actress awardee na si Dexter Doria, 3rd Pista ng Pelikulang Pilipino Best Supporting Actor awardee Gio Alvarez, FACINE International Film Festival Best Actor awardee Oliver Aquino, Riverside International Film Festival (California, USA) Best Actor awardee Carlos Dala, ang theater actor na si Jonathan Ivan Rivera at marami pang mapangahas na baguhang talents.
Abangan ang Finding Daddy Blake sa iba’t ibang international film festivals, lokal na sinehan at iba pang global streaming platforms. Hatid ng MC Production House sa pakikipagtulungan ng 2076 Kolektib.