HATAW News Team
HINDI kombinsido si Partido Reporma standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson na akma ang kasong ‘betrayal of public trust’ na ipataw sa mga opisyal ng pamahalaan na sangkot sa isyu ng katiwalian dahil sa eskandalo ng Pharmally ngunit naniniwala siyang may dapat managot sa kanila.
Inihayag ni Lacson, may mga agam-agam siya sa ulat ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa nasabing usapin bagaman ito ay kanyang pinirmahan bilang vice chairman ng komite na nangasiwa sa pagdinig ng kaso.
Nakahanda siyang ilahad ang kanyang mga gagawing paglilinaw sa Mayo.
Ayon kay Lacson, base sa mga nakalap na ebidensiya ng Blue Ribbon panel, napatunayan umano nito ang pagkaganid at kawalan ng kakayahan ng ilang mga opisyal ng gobyerno gaya ng mga naitalaga sa Procurement Service – Department of Budget and Management (PS-DBM) na makipagtransaksiyon sa isang bagitong kompanya gaya ng Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Ang nasabing kompanya ay nakakuha ng mga kontrata sa gobyerno na aabot sa P11-bilyon para mag-supply ng mga kagamitang medikal kaugnay ng CoVid-19 pandemic response ng pamahalaan kahit walang sapat na pinansyal na kapasidad upang bumili ng mga nasabing materyales.
Paliwanag ni Lacson, ang nakasaad na ‘betrayal of public trust’ o pagtataksil sa tiwala ng publiko sa ulat ng Senado ay daraan sa isang mahabang talakayan dahil maaaring humantong ito sa pagsasakdal sa nakaupong pangulo.
“When I signed the report, I did so as vice chairman of the committee. But I did so with reservations, so it doesn’t mean I support all its contents,” sabi ni Lacson.
“At least for now, unless I am presented with compelling evidence, there is no basis for me to believe that there is a betrayal of public trust,” dagdag pa niya.
Sa isang panayam sa radyo noong nakaraang linggo, nang tanungin si Lacson kung ano ang posisyon niya sa isyu ng Pharmally, sinabi niya na dapat ay tratuhin ito gaya ng pagtrato sa mga nauna niyang ibinulgar na anomalya sa sektor ng kalusugan —papanagutin ang mga mapapatunayang nagkasala base sa katotohanan at ebidensiya.
Ibinigay niyang halimbawa ang naungkat na pag-abuso sa pondo ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa pamamagitan ng Interim Reimbursement Mechanism nito na aabot sa P14-bilyong pagkalugi sa panig ng gobyerno.
“So, ang tanong mo kung anong gagawin? Yes, ipu-pursue natin tulad ng pag-pursue natin sa nasayang na pera ng PhilHealth, ano. ‘Yung sa Pharmally is, you know, should not be treated differently — pareho rin,” ani Lacson sa panayam sa kanya ni Gerry Baja ng DZRH.
“Kailangan tutugon tayo sa kung ano ‘yung ebidensiya tulad ng ginawa namin doon sa PhilHealth. Ganoon ‘yung sa Pharmally, kung ano ‘yung ebidensiya [ay] palakasin at ito’y tulungan natin ang Executive branch, kasi sila naman ang may karapatan para mag-file, ano — para maghanap ng probable cause at mag-file (ng kaso) sa korte,” dagdag ng chairman ng Partido Reporma.
Si Lacson ay kumakandidato sa pagkapangulo ngayong halalan 2022 kasama ang running mate na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III upang itaguyod ang mas maayos na pamahalaan na walang bahid ng korupsiyon.
Gabay nila ang mga mensaheng “Aayusin ang Gobyerno, Aayusin ang Buhay ng mga Pilipino” at “Uubusin ang Magnanakaw” sa kanilang kampanya sa paglalayong ibalik muli ang tiwala ng sambayanan sa kanilang pamahalaan.
Matatandaan, noong 2012, naglabas ang Korte Suprema ng posisyon kaugnay sa kahulugan ng konsepto ng ‘betrayal of public trust’ sa paniniwalang maaaring abusohin ang terminolohiyang ito ng sinuman upang kastigohin ang isang opisyal ng pamahalaan na masasangkot sa isang gawaing labag sa batas.