PROMDI
ni Fernan Angeles
MATAPOS bayuhin ng bagyong Odette ang malaking bahagi ng Visayas at Mindanao, nawindang ang lahat sa tinuran ng Pangulong Rodrigo Duterte. Aniya, wala nang pera ang gobyerno para ipantugon sa mga nasalanta ng delubyo.
Taliwas naman sa sinabi ng Pangulo, mayroon pondo para sa mga kalamidad, ayon mismo sa Department of Budget and Management (DBM). Hindi barya kundi P12 bilyong standby fund na sadyang inilaan para sa mga kalamidad tulad ng hagupit ng bagyong bumayo sa malaking bahagi ng bansa nito lamang nakaraang linggo.
Gayonpaman, puwede rin namang totoo ang sinasabi ng Pangulo. Pero sakaling totoo, sabit ang Palasyo. Bakit kamo? Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), hindi puwedeng ubusin ang calamity fund sa kalagitnaan ng taon lalo pa’t sadya anilang inilalaan ang naturang pondo bilang paghahanda sa pagpasok ng tag-ulan.
Kung babalikan ang kasaysayan, minsan nang tinuligsa ng noo’y alkalde pa ng lungsod ng Davao ang administrasyon ng pangulong kanyang pinalitan sa puwesto. Partikular niyang binakbakan ang aniya’y kawalan ng kahandaan sa pagbayo ng bagyong Yolanda.
Susmaryosep, anyare Ginoong Pangulo?
Saan na napunta ang P12-bilyong pondong pantugon sa mga sinalanta ng bagyo? Ayon sa Pangulo naubos lahat sa pagtugon ng gobyerno sa peligrong dala ng pandemya – pahayag na mistulang pag-amin ng sablay ng pamahalaan.
Gayonpaman, nangako siya sa mga biktima ng bagyo. Aniya, hahanapan nila ng pondo para naman daw makatulong sa libo-libong sinalanta ng bagyo.
Ang totoo, hindi na umaasa ang marami sa kanyang pangako. Bakit nga naman aasa sa pangako ng Pangulo? Ilang pangako na ba ang kanyang sinabi sa maraming talumpati niya sa publiko? Isa? Dalawa? Tatlo lang ba, o higit pa sa kaya nating tandaan?
Hindi puwedeng wala perang pantugon sa delubyo. Kung nagawang mangutang ng gobyerno para sa pandemya, bakit hindi magawang manghiram ng salapi para sa mga nasalanta?
Kung nagawa ng Palasyo mag-realign ng pondo nitong nakaraang taon, bakit hindi puwedeng gawin ngayon? Kung gusto, may paraan. Kung ayaw, maraming dahilan.
Nasaan ang ipinagyayabang na sako-sakong pera ng Pangulo para sa mga kandidato? Hindi ba puwedeng kumurot man lang ng bahagya sa salaping pangampanya sa Pebrero hanggang Mayo?
Sa puntong ito, higit na kailangan ang tunay na bayanihan – hindi ang batas na binansagan lang sa ganitong pangalan. Angkop sa gitna ng kawalan ay ang sama-samang pagtutulungang walang kinikilalang estado sa buhay.
Ang pisong mula sa isang pobre, higit na malaking halaga kaysa milyong ambag ng mga negosyante’t politikong naglalabas ng pera hindi dahil sa gusto kundi dahil napilitan lang sila, o bilang paandar para sa nalalapit na halalan.
Ano’t anoman, isa lang ang sigurado – babangon at muling titindig ang mga Filipino, kesehodang naglahong parang bula ang pondo ng gobyerno. At sa pagbangon ng mga nasalanta ng bagyo, asahan na ang buwelta ng mga probinsiyano.
Hintayin n’yo lang ang Mayo.