Saturday , December 21 2024
Balaraw ni Ba Ipe
Balaraw ni Ba Ipe

Isyu ng oposisyon

BALARAW
ni Ba Ipe

APAT ang pangunahing isyu ng oposisyon sa halalang pampanguluhan ng 2022: malawakang korupsiyon na umaabot sa tinatayang P1 trilyon (o 1,000 P1 bilyon) ang nawawala sa kaban ng bayan kada taon; ang pangangamkam ng China sa teritoryo ng Filipinas sa West Philippine Sea (WPS); ang madugo ngunit bigong digmaan kontra droga na mahigit sa 30,000 adik at tulak ang nasawi mula 2016 hanggang sa kasalukuyan; at ang pandemyang mahigit sa 2.5 milyon ang dinapuan ng CoVid-19, lampas sa 30,000 nasawi mula Marso 2020 hanggang sa kasalukuyan.

Hindi madaling idribol ang mga isyu upang manatili ang oposisyon sa kamalayan ng botanteng Filipino. Ngayon, pinipilit takpan ang mga isyu ng kung ano-ano upang hindi pag-usapan ng madla. Sama-sama ang mga kandidato ng administrasyon at ang ibang kandidato na galing sa kanilang bakod upang palabnawin ang mga isyu at hindi tumalab sa kamulatan ng maraming botante na naghahanap ng mga kasagutan kung bakit nagkaloko-loko ang pamamahala sa gobyerno at takbo ng bansa.

Hindi ordinaryong kapestehan ang korupsiyon sa bansa. Kung sa nakaraang panahon, labis na nagulantang ang bansa dahil umabot sa daan milyong piso ang ninanakaw sa bansa, ngayon ay bilyon-bilyong piso na ang nawawala. Kung susumahin, maaaring umabot sa P1 trilyon ang nawala, ani Sonny Trillanes, isang dating senador na kumakandidato muli upang makabalik sa Senado. Saksi ang bansa sa mahigit P8 bilyong nakawan ng Pharmally, isang kompanya ng mga mandarambong na Intsik at Indiano na may kapital na P65,000 pero nakakorner ng mga kontrata na aabot sa bilyon-bilyong piso ang halaga.

Sinubukan ni Mane Pacquiao na pangunahan ang pagsasalaysay ng korupsiyon bilang isang isyu sa halalan, ngunit pagkatapos ng ilang pagbatikos, nawala na parang bula si Mane. Hindi madali na magsalaysay ng usapin ng korupsiyon, ngunit kailangan ang matinong pag-aaral upang mailarawan nang husto kung ano ang korupsiyon. Batid natin si Rodrigo Duterte ang nasa likod ng krimen na ito, ngunit kulang si mane sa pagpapaliwanag.

Hindi natin alam kung paano lalabas ang oposisyon sa pangunguna ni Leni Robredo at ang nagkukunwaring oposisyon upang patingkarin ang isyu ng korupsiyon sa bansa. Hindi biro ang pagnanakaw ng salapi ng bayan sa magulong gobyerno ni Rodrigo Duterte. Kailangan ang maayos na dokumentasyon ng mga konkretong halimbawa ng korupsiyon.

Suliranin ang pagpapaliwanag ng kapalpakan ng pangkat ni Duterte at kawalan ng kakayahan sa pagsugpo ng pandemya. Isa sa mga bansang kulelat ang Filipinas pagdating sa pagsugpo ng pandemya. Dahil humupa ngayon at nasa 3,000 na lamang ang araw-araw na nagkakasakit ng CoVid-19, palaisipan kung paano pukawin ang interes ng sambayanan sa usapin. Hindi ito madali para sa oposisyon.

Sa totoo, pagkakataon ng grupo ng administrasyon o grupong Davao na baliktarin ang usapin at palabasin na magaling sila sa pagharap ng isyu kahit trilyong piso ang inutang at bumagsak ang pambansang ekonomiya dahil sa kanilang kapalpakan. Palalabasin nila na nasugpo nila ang pandemya, kahit na milyon ang nagsakit at marami ang namamatay dahil sa kanilang kapabayaan at kawalan ng kakayahang harapin ang pandemya.

Kailangan ipaliwanag ang usapin ng pagpasok ng China at pangangamkam sa ating teritoryo sa West Philippine Sea. Kailangan ipaliwanag na walang nangyari sa pagkampi ni Duterte sa China at nagmukha lang siyang alila ng bansang manlulupig. Kailangan ipaliwanag na pinagtatawanan ang Filipino ng ibang bansa dahil nagpailalim si Duterte sa China. Kailangan ipaliwanag na kasabay ng pagbalik ng Estados Unidos sa Asya, bumalik ang Filipinas sa alyansa nito sa Washington dahil naisahan si Duterte ng Department of Foreign Affairs (DFA). Masalimuot ang usapin ng alyansa ng Filipinas at Estados Unidos.

Hindi sa kamay ng China ang kaligtasan at kaunlaran ng Filipinas. Bagkus, nakasalalay ito sa alyansa ng Estados Unidos at ibang bansa na kasama. Kailangan ipaliwanag nang maayos ng oposisyon ang kataksilan at katampalasanan ni Duterte sa pakikitungo sa China. Kailangan maunawaan ng sambayanang Filipino na nanalo ang Filipinas sa sakdal na kinaharap ng administrasyon ni Noynoy Aquino sa Permanent Arbitration Commission ng UNCLOS noong 2016. Hindi bahagi ng teritoryo ng China ang South China Sea at alinman bahagi ng West Philippine Sea. Kailangan linawin itong muli.

Hindi nalalayo ang usapin ng maramihan at malawakang patayan, o extrajudicial killings (EJKs),  sa ilalim ng madugo pero bigong digmaan kontra droga ni Duterte.  Kasama rito ang pagbagsak ng sistema ng katarungan – at ang pangingibabaw ng batas (rule of law) – para sa mga pinaslang. Hindi napaparusahan ang mga alagad ng batas na pumaslang sa mga pinaghinalaang adik at tulak. Hindi nila idinaraan sa batas ang isyu.

Ito ang dahilan kaya sumulong ang sakdal na crimes against humanity na unang iniharap ni Sonny Trillanes at Gary Alejano noong 2017 sa International Criminal Court (ICC)  laban kay Rodrigo Duterte at mga kasapakat tulad ni Bato dela Rosa, Dick Gordon, Jose Calida, Vitaliano Aguirre, Alan Peter Cayetano, at iba pa. Kasalukyang umiinog ang formal investigation ng sakdal matapos ibaba noong ika-15 ng Setyembre ang desisyon ng tatlo-kataong Pre Trial Chamber na umpisahan ang formal investigation ng ICC.

Labis na kinatatakutan ni Duterte at mga kasapakat ang proseso dahil hindi nila nauunawaan kung paano iinog ang sakdal. Hindi nila kabisado ang proseso. Hindi nila mabibili ang ICC kahit may bilyong piso sila na dinambong mula sa kaban ng bayan. Hindi nila alam ang endgame. Natatakot silang makulong dahil may poder ang ICC na mag-isyu ng arrest warrant laban sa kanila.

Nakikita na, ang mga ulat sa proseso ng ICC ang mangingibabaw sa tradisyonal at hindi tradisyonal na media sa mga susunod na buwan. Hindi ito kabisado ng oposisyon. Hindi sinamahan ng ibang lider oposisyon si Sonny Trillanes at Gary Alejano sa mga panahon na inihanda at iniharap ang sakdal. Isang palaisipan kung paano sasali ang ilang lider oposisyon lalo na si Leni Robredo na kandidato sa pangulo sa 2022.

Tingnan natin kung paano sasali sa pambansang talakayan ang oposisyon sa usapin ng sakdal na crimes against humanity laban kay Duterte at mga kapasakat sa ICC. Hindi ito ordinaryong sakdal na iniharap sa isang pipitsuging hukuman sa bansa. Sakdal ito ng mga krimen laban sa sangkatauhan na ginawa ni Duterte at mga kasama. Nakapangingilabot.

About Ba Ipe

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …