PROMDI
ni Fernan Angeles
MASAKLAP ang inabot ng lima sa anim na electronic money remittance companies makaraang madenggoy ng ilang tiwaling taong-gobyernong nagparte-parte sa P2.4-bilyong halaga ng suhol, sa hangarin ng mga nasabing kompanyang makaamot ng kontrata para sa pamamahagi ng ayuda sa mga apektadong pamilya mula sa mga rehiyong isinailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) bunsod ng banta ng pandemya.
Tama! Isa lang sa anim na tinanggapan ng tinatawag na SOP ang kinumisyon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa pagpapamahagi ng hindi kukulangin sa P50-bilyong pondong laan para sa ikatlong bugso ng Social Amelioration Program (SAP).
Bakit nga naman hindi papaboran ang Starpay gayong malaki ang naiambag nito sa kampanya ng isang kilalang malapit sa Palasyo. Kung hindi ako nagkakamali, 42,000 units ng mobile gadgets na gawa ng Cherry Mobile ang donasyon ng mga kapitalista sa likod ng Starpay bilang tulong sa kampanya ng nasabing ‘tutang’ hangad ay maupo sa Senado.
Ang nakababahala ay ang kulturang mistulang panloloko sa iba pang negosyanteng kinunan ng SOP, at saka inilaglag sa kangkungan.
Sa tala mismo ng Commission on Audit (COA), 70% ng P50-bilyong pondong inilaan bilang ayuda nitong unang bahagi ng taon ang nakorner ng Starpay. Malayo ito sa kasunduang pondo lang para sa 1.6 milyong benepisaryo ang kanilang pangangasiwaan.
Pagtatapat ng isang impormante, mas piniling paboran ng pamahalaan ang Starpay dahil umano sa pakiusap ng isang senador na malapit sa Pangulong Rodrigo Duterte, kahit pa lugmok na ang nasabing kompanya noong mga panahong iyon, bukod pa sa mayroon lamang itong P62,000 paid-up capital batay sa mga datos ng Securities and Exchange Commission (SEC).
Pero teka, sino nga ba ang mga tinanggapan ng SOP? Bukod sa Starpay, pasok sa banga ng mga tiwali ang ‘pakonsuwelo’ ng Cebuana Lhuillier, Palawan Express, G-Cash, Speedpay, Paymaya at ang Starpay.
Kung ang pagbabasehan ay ang kanilang usapan, hahatiin sa mga nasabing kompanya ang hindi kukulangin sa P50-bilyong pondong laan para sa ayuda. Laking gulat niya umano nang igawad sa Starpay ang 70% ng nasabing halaga.
Pero may sagot diyan si DSWD Secretary Rolando Bautista. Aniya, minabuti nilang pahintulutan ang Starpay na pangasiwaan, higit pa sa nakasaad sa kanilang kontrata, ang pamamahagi ng SAP dahil sa mga umano’y technical difficulties ng iba pang service providers.
Giit ni Bautista, ikinonsulta rin aniya ng kanilang departamento ang nasabing hakbang sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) bago pa man inumpisahan ang pamamahagi ng pera sa paraang electronic transfer ng Starpay.
Ang siste, kung hindi pa naisiwalat, malamang nasa Starpay pa ang salaping hindi pa naipapamahagi. Gayonpaman, P8 bilyon pa lang ang kanilang naibabalik sa gobyerno. Asan na ‘yung nalalabing P2.4 bilyon?
Ang masaklap ay higit pa sa inaakala ng publiko ang kinita ng Starpay. Pagtatapat pa ng impormante, minamano-mano ng Starpay ang pamamahagi gamit ang mga itinalagang “agents” na personal na tumungo sa mga benepisaryo para kombinsihing tanggapin na lang ang alok na kalahati ng halagang dapat nilang tanggapin “kaysa maghintay nang walang katiyakan” kahit nasa kanila na ang pondo.
Jackpot ang Starpay!