BALARAW
ni Ba Ipe
PATULOY na nangingibabaw ang malalaking pamilyang politikal upang makontrol ang bansa. Kung matapos ang termino ng isang opisyal na halal ng bayan, malamang na pumalit ang kanyang asawa, anak, o kapatid upang pagtakpan ang mga kalokohan at pagnanakaw sa poder. Bagaman may probisyon ang Saligang Batas ng 1987 na nagbabawal sa political dynasty o pamilyang politikal, patuloy sila sa pagdomina sa bansa dahil walang batas na nagtatakda ng mga pagbabawal sa mga pamilyang politikal.
“Bahagi sila ng makasariling liderato,” ani Alex Lacson, manunulat at abogado, sa panayam ni Jun Urbano, a.k.a. Mr. Shooli ng “Mongolian Barbecue.” Kinakatawan ng mga makapangyarihang pamilya ang uri ng liderato na walang iniintindi kundi ang kapakanan ng pamilya. “Wala silang tunay na pagmamahal sa mga Filipino,” aniya.
Sila ang nasa likod ng malawakang korupsiyon kung saan nasa P1 trilyon, o isang libong P1 bilyon, ang nawawala kada taon sa kaban ng bayan, ayon sa pagtaya ni Sonny Trillanes, isang lider oposisyon.
Sa pakiwari ni Alex Lacson, malulunasan ang suliranin sa mga pamilyang politikal kung ihahalal ng sambayan ang isang nilalang na totoong kontra sa mga dinastiyang politikal. Binanggit ni Lacson sina Leni Robredo at Ping Lacson bilang mga kandidato na hindi kabilang sa anomang political dynasty at maaaring pamunuan ang kampanya laban sa mga pamilyang politikal na nagdodomina sa bansa.
Hindi maaaring si Sara Duterte ang manguna sapagkat isang dinastiya ang kanyang pamilya, ani Lacson. Hindi si Mane Pacquiao sapagkat mga halal ng bayan ang kapatid at asawa. Walang narinig kay Isko Moreno at Bong Go tungkol sa usapin. Kahit hindi binanggit ni Alex Lacson, maidagdag si Alan Peter Cayetano na ang buong pamilya ay mga inihalal sa Taguig City.
Sa ganang amin, hindi basta malalantad ang isang kandidato sa panguluhan na kontra sa mga political dynasty. Mawawala ang suporta at boto sa local level sa kanya kung saan naghahari doon ang mga makapangyarihang pamilya. Sala sa init, sala sa lamig. Ito ang dahilan kung bakit patuloy na namamayagpag ang maraming political dynasty.
Mas mainam na bigyang pansin ang voters’ education, o ang pagbibigay ng tamang gabay sa mga mag-aaral. Ipinanukala ni Alex Lacson ang mga pagbabago sa sistema ng edukasyon na gawing isang subject sa Grade 10 ang voters’ education. Kailangan turuan ang mga kabataan ng mabuti at masamang gawi sa ating politika. Magandang ituro sa kanila ang kasamaan ng mga political dynasty sa politika ng bansa.
Ngunit binigyan diin ni Lacson, mangyayari lamang ang ganitong pagbabago “kung may matinong kalihim ang DepEd.” Mukhang wala siyang paghanga kay Liling Briones. Naniniwala si Lacson na kailangan ang kampanya sa media upang mabigyan ng karampatang edukasyon ang sambayan tungkol sa halalan. Dati nang may kampanya sa media, ngunit hindi naging epektib, aniya.
Sa ngayon, mayroon humigit kumulang na 100 pamilyang politikal sa bansa. Batay sa mga pag-aaral, sinabi ni Ronald Mendoza, dekano ng Ateneo School of Governance, may dalawang uri ng mga political dynasty: ang mataba at payat. Nagtatabaan ang ilang pamilyang politikal sapagkat nahalal sa mahalagang puwesto ang kanilang kaanak.
Ayon kay Lacson, maaaring mabawasan ang pangingibabaw ng mga pamilyang politikal kung ipapasa nang paisa-isa ang ilang panukalang batas na nagbabawal sa kanila. Hindi ipapasa ang anomang panukalang batas na nagbabawal sa isang kaanak na pumalit sa puwestong iiwan ng kanyang kaanak. Hindi sila papayag kung ipagbabawal ang kanilang sabay-sabag na pagtakbo sa mga puwestong politikal.
Samakatuwid, hindi sila papayag sa “simultaneous running,” o sabay-sabay na pagtakbo ng mga kaanak. Ngunit papayag sila kung ipagbabawal ang “running in tandem” kung saan kabilang sa isang pamilya ang tatakbo ng alkalde at bise alkalde sa mga bayan o siyudad, o gobernador, at bise gobernador sa lalawigan. Alam ng mga kasapi sa mga political dynasty na may hangganan ang pagtanggap ng sambayanan sa kanila.
Sa panayam ni Mr. Shooli, niliwanag ni Alex Lacson ang pamantayan sa pagpili ng susunod na presidente. Lima ang dapat kapitan ng bawat botante sa pagpili. Una ay kung kasapi siya ng political dynasty. Mas maigi na huwag ihalal kung kabilang siya sa isang makapangyarihang pamilyang politikal. Ikalawa, huwag iboboto ang kandidato na may bahid ng korupsiyon.
Pangatlo sa pamantayan aniya ay kung mayroon siyang programa kontra kahirapan. Sa pananaw ni Lacson, ang kahirapan ang isa sa mahalagang suliranin. Pang-apat naman ang programa sa global warming. Huwag ihahalal ang sinuman na hindi kumikilala sa pandaigdigang pag-init ng klima. Panglima ay katapatan sa Filipinas. Huwag ihahalal ang sinuman na mas matapat sa China, aniya.
***
QUOTE UNQUOTE: “As a government officer, Harry Roque cannot claim violation of the Data Privacy Act when his video berating medical professionals was ‘leaked.’ Refer to excluded scope under Sec. 4 of the law.” – Atty. Gideon Pena
“Mr. Roque does not possess the qualifications for a seat at the commission. While he has degrees in law and has taught Public International Law, he is a political partisan who has actively demonstrated contempt for the rule of law, and, with specific relevance to the commission, has undermined the supremacy of human rights and international law.” – Free Legal Aid Group (FLAG)