PROMDI
ni Fernan Angeles
KUNG hindi pa sa Commission on Audit, malamang tuluyan nang mapasasakamay ng henyong kawatan sa Kamara ang hindi bababa sa 30 art collections na likha ng mga sikat na alagad ng sining na sumasalamin sa kasaysayan ng ating lahi sa loob ng mahabang panahon.
Sa isang liham na ipinadala ng COA sa Kamara kamakailan, partikular na binigyang pansin ang mga paintings na makikita sa bulwagan patungo sa tanggapan ni House Speaker Lord Allan Velasco.
Ayon sa COA, sa loob ng mahabang panahon ay lubos silang nagtataka kung bakit wala ang nasabing paintings sa talaan ng mga assets ng Mababang Kapulungan gayong nakailang palit na ng Pangulo mula pa noong itinatag ang Batasang Pambansa noong dekada 70.
Wala rin ito sa talaan ng Registry of Heritage Assets na ang ibig sabihin ay walang pananagutan ang Kamara sakaling mapasakamay ng kung sinong Herodes.
Gayondin, walang katiyakan kung kailan pa napasakamay ng Kamara ang mga nasabing paintings at lalong hindi batid kung ito’y tinustusan ng gobyerno o donasyon ng mga pilantropo.
Malamang sa hindi, ito’y pawang donasyon dahil mahigpit na ipinagbabawal sa gobyerno ang pagbili ng luho. Magkagayonman, hindi pa rin mabatid ng Kamara kung nasaan na ang Deed of Donations ng mga nasabing daang-milyong halaga ng mga obra maestra.
At dahil walang anomang katibayan o bakas na ito’y pag-aari ng estado, libreng-libreng makukuha ng henyong kawatan ang mga nasabing art collections nang walang kahirap-hirap.
Sino nga ba ang mga art collectors sa Kamara? Mabibilang lang natin sa ating mga kamay dahil karamihan sa mga kinatawan natin sa Kongreso ay pawang kinawatan na ang hilig na koleksiyon ay pera, babae, mamahaling sasakyan at ekta-ektaryang lupa.
Walang detalyadong halagang binanggit ang COA kung magkano ang mga nasabing paintings subalit kung pagbabatayan ang market value sa merkado, pihadong malulula kayo lalo pa’t ito’y mga obra maestra ng mga tulad nina Fernando Amorsolo, Francisco Coching, Botong Francisco, Napoleon Abueva, Vicente Manansala, Larry Alcala at iba pang national artists ng bansa.
Sa obra maestra pa lang ni Amorsolo, tumataginting na isang milyong dolyar o katumbas ng P50 milyon ang halaga nito sa international auctions.
Kabilang din sa mga mamahaling obra maestrang wala sa talaan ng mga pag-aari ng Kamara ang tatlong obra ni Botong Francisco na batay sa art collectors ay may mga likhang binibili sa halagang P20-30 milyon bawat isa, at iba pang mamahaling gawa nina Guillermo Tolentino, Jerry Elizalde Navarro, Hernando Ocampo, Victor Edades, Federico Alcuaz, Ang Kuikok, Jose Joya, Cesar Legaspi, Benedicto Cabrera, Abdulmari Imao, at Arturo Luz.
Sa pagtatanong ko sa mga kaibigan nating art collectors, posible umanong umabot ng isang bilyong piso ang kabuuang halaga ng mga nasabing obra.
Ayon naman sa isang kilalang art curator, hindi lahat ng mga nasabing painting ay nagkakahalaga ng P50 milyon bawat isa ngunit ang tinitiyak niya ang bawat obra ay tumataas ang halaga kung ang may likha ay isang national artist o matagal nang pumanaw.
“Isa lang ang sigurado ko, mahina ang P10 million sa auction ng pinakawalang kuwenta ng obrang nakita ko mismo doon sa Batasan noong minsan akong pumunta para sa isang pakikipagpulong sa isang congressman na art collector,” anang art curator.
Walastik, wala naman palang bakas na magsasabing sa gobyerno ang mga obra kaya naman libreng-libreng nakawin ng mga taong nasa likod ng pagkawala ng deed of donations nito.
Sa ganang akin, malinaw na pinagplanohan ang pagkawala ng mga deed of donations nang sa gayon ay mapasakamay nila ang mga obrang sampung doble ang katumbas kaysa pagtama sa mega-lotto jackpot ng PCSO.
Ang tanong, iyon lang ba talaga? O baka naman mayroon nang mga nawalang obra sa Kamara?