ni Ba Ipe
Hindi kinaya
TILA balaraw na tumarak sa puso’t damdamin ni Rodrigo Duterte ang taguri sa kanya na “taksil sa bayan.” Hindi niya gusto ang taguri na “traydor.” Nang lumabas siya sa telebisyon noong Lunes ng gabi, minura niya sina Antonio Carpio at Albert del Rosario. Hindi kinaya ni Duterte ang lalim at pait ng mga katwirang ibinato sa kanya ng dalawang katunggali.
Hindi ginamit ng dalawang nilalang ang salitang traydor at taksil siya sa bayan. Katwiran ang kanilang pahayag sa madla.
Natalo si Duterte sa tunggalian ng katwiran kay Carpio, isang retiradong mahistrado ng Korte Suprema, at Albert del Rosaio, dating kalihim ng DFA. Mas alam at salat ni Carpio at del Rosario ang kasaysayan at batas sa usapin ng pag-aangkin ng China sa West Philippine Sea. Hindi si Duterte na mas kampi sa China kahit mukha siyang alipin at aso ng China.
Binabaliktad ni Duterte at mga alipores ang kasaysayan ng pagkamkam ng China sa teritoryo ng Filipinas sa WPS. Pilit na ipinalalabas ni Duterte at alipores na kinamkam ang mga teritoryo sa ilalim ng gobyerno ni Noynoy Aquino at hindi sa ilalim ng kanyang administrasyon. Ipinapalabas na kasalanan ng gobyernong PNoy – at hindi siya – ang pagkamkam ng teritoryo.
Maling-mali ang kanyang sinabi sa telebisyon. Lihis sa daloy ng kasaysayan. Nangyari sa ilalim ni Duterte ang pangangamkam at pagkawala ng mga isla sa West Philippine Sea at pagtatayo ng mga base militar sa mga isla na nawala sa pag-aari ng Filipinas. Hayaan ninyong ituwid ng pitak na ito ang mga kasinungalingan na sinasabi ni Duterte at mga alipores.
Taong 2012 nang lusubin ng mahigit 100 sasakyang pandagat na China ang isla Panatag, o Scarborough Shoal, sa West Philippine Sea. Nabahala ang gobyerno ni Noynoy Aquino at inatasan si Sonny Trillanes, senador siya noong panahon na iyon, na makipagnegosasyon sa China. Backchannel negotiations ang nangyari sapagkat hindi puwede ang frontdoor negotiations sa pamamagitan ng DFA.
Inatasan siya na makipag-usap sa mga Intsik upang mabawasan ang tension sa Panatag Shoal.
Nagtagumpay si Trillanes sa negosasyon. Umalis ang mga Intsik, ngunit nagtira sila ng tatlong barko sa Panatag. Sapagkat nakita ng gobyerno ni PNoy na uulit-ulitin ng China ang paglusob, nagdesisyon ang kanyang gobyerno noong 2013 na maghain ng sakdal sa Permanent Arbitration Commission ng United Nations Conference on the Law of the Seas sa The Hague, Netherland.
Ang Commission ang nagsisilbing hukuman ng mga usapin sa karagatan ng iba’t ibang bansa. Opisyal na nagsabing hindi lalahok ang China sa pagdinig ng sakdal na umabot ng tatlo at kalahating taon. Ngunit laging nagsusumite ng “white paper” ang China na nagsilbing kanilang position paper sa isyu. Hindi totoo na hindi lumahok ang China, ayon kay Florin Hilbay, ang solicitor-general noon na nagsilbing agent ng gobyerno ng Filipinas sa sakdal sa Commission. Kasali ang China kahit hindi opisyal.
Mahistrado noon si Tony Carpio sa Korte Suprema, ngunit siya ang nagmungkahi ng sakdal sa UNCLOS Commission. Siya na yata ang taong may pinakamalawak na unawa at saliksik sa usapin. Alam niya ang kasaysayan ng Spratlys at mga pinaggagawa ng China kahit noong panahon na wala pa ang mga Kastila na mananakop. Alam niya ang daloy ang kasaysayan.
Alam ni Tony Carpio ang teoryang Nine-Dash Line bilang batayan ng pag-aangkin ng China sa halos kabuuan ng South China Sea. Ito ang batayan ng sakdal ng gobyerno ng Filipinas sa Commission noong 2013. Kinuwestiyon ng Filipinas ang teorya sa Commission at hiningi ng Filipinas na ipawalang bisa ang teoryang Nine Dash Line bilang batayan ng pang-aangkin at pangangamkam ng China sa mga teritoryo sa South China Sea.
Lumabas ang desisyon ng Commission na binubuo ng lima-katao mula sa iba’t ibang panig ng mundo noong 12 Hulyo 2016, o dalawang linggo matapos umupo si Duterte bilang pangulo ng bansa at nanalo ang Filipinas. Idineklara ng Commission na walang batayan ang teoryang Nine Dash Line bilang basehan ng pag-angkin ng China sa halos lahat ng South China Sea. Ibinalibag ang teorya at tuluyan ng hindi kinilala ng international community.
Walang batayan sa batas at kasaysayan ang teoryang Nine Dash Line ng China, ito ang deklarasyon ng Commission. Kathang isip at gawa-gawa upang bigyan ng matwid ang pangangamkam ng China sa malawak na karagatan. Nagbunyi ang buong mundo at Filipinas, ngunit hindi si Duterte na kamping-kampi sa China. Mistulang namatayan ng isang pamilya sa lungkot si Perfecto Yasay, Jr., ang unang kalihim ng DFA ni Duterte, nang basahin niya ang desisyon sa telebisyon.
Dahil dinidinig ang sakdal sa Commission noong 2015 at 2016, pahapyaw na natalakay ang isyu ng West Philippine Sea noong kampanya ng 2016. Ngunit nagdeklara si Duterte na kanyang ‘ipaglalaban’ ang karapatan ng Filipinas. Nangako na pupunta siya sa Panatag Shoal na naka-jetski at itinataas ang bandila ng Filipinas doon upang “ipakita sa China at buong mundo na pag-aari ito ng Filipinas.”
Marami siyang napahanga sa kanyang “katapangan” at “lakas ng loob.” Ngunit lumabas na rin ang totoo. Hanggang salita lang pala siya. Takot pala si Duterte sa China. Manloloko pala si Duterte at marami ang ‘naduterte’ ayon sa mga netizen.
Lahat ay biro sa mayabang na Rodrigo Duterte. Hanggang salita lang siya at hindi niya mapangatawanan ang mga salita. Nang maupo sa poder, hindi ipinaglaban ni Duterte ang desisyon kahit na naging bahagi ito ng international law. Nabisto ang kanyang kartada sa buong mundo. Doble kara pala siya at mas kampi siya sa China.
Hindi pa tapos ang isyung ito. Sa kanyang huling salita, mas kinikilala ni Duterte ang pananatili ng puwersang Intsik sa ating karagatan at mga balahura (reefs). Mas kinikilala ni Duterte ang teoryang Nine Dash Line na ibinalibag ng Commission sa sakdal na iniharap ng Filipinas. Mas binibigyan niya ng bisa ang teorya na hindi kinikilala ng international community.
Nasasaktan si Duterte sapagkat kumalat na sa buong mundo ang taguri na isa siyang traydor sa Filipinas. Hindi niya maaaring isantabi ito sa madla. Mamamatay siya na dala ang ganitong taguri hanggang sa huling hantungan. Isa siyang kontrabida sa kasaysayan.
***
SALITA NG KABAYANIHAN: “We no longer expect Duterte to defend us, our EEZ, and our land and sea claims in the WPS. That has been patented a long time ago. Most of us already sound like broken records pointing out the betrayal of our national patrimony by China’s Manchurian candidate in the Philippines, Rodrigo Roa Duterte.” – Leila de Lima
“Digong is hurting from the WPS issue… He knows he is cornered … Now, he is reduced to a barking askal and nothing more. No more bite… Don’t be rude to China. He he he … He is a defender of Xi Jin Ping. He will block Western vaccines so Pnoys will be told only China helped … It is very obvious.” – Typhoon Estong, netizen
BALARAW
ni Ba Ipe
ni Ba Ipe