Sunday , December 22 2024
Balaraw ni Ba Ipe
Balaraw ni Ba Ipe

Kampi sa China

WALANG maasahan kay Rodrigo Duterte sa usapin ng pangangamkam ng China sa ating teritoryo sa West Philippine Sea. Hindi siya tatayo upang ipagtanggol ang karapatan ng Filipinas sa ilalim ng international law. Kabaliktaran ang mangyayari dahil mas kampi siya sa China. Hindi siya nahihiya kahit sa sarili na magsalita ng pabor sa China. Kahit magmukhang siya ang spokesman ng China.

Nanahimik si Duterte sa usapin ng pagpasok ng mga pulu-pulutong na sasakyang pandagat ng maritime militia ng China sa palibot ng Julian Felipe Reef, bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) sa West Philippine Sea. Binasag niya ang nakabibinging katahimikan nang sabihin ni Duterte sa harap ng telebisyon noong Lunes na gabi na hahantong sa karahasan kapag iginiit ng Filipinas ang ating karapatan sa ilalim ng international law. Walang siyang binanggit tungkol sa diplomasya.

Ayon sa kanyang limitadong pananaw, magkakagulo kapag iginiit ng Filipinas ang kanyang karapatan at hindi handa ang Filipinas. Walang diplomasya, wala ang masinsinang pag-uusap sa pagitan ng iba’t ibang panig. Walang hingahan ng anomang sama ng loob sa relasyon ng mga bansang dating magkakaibigan.

Ganyan kakitid ang kanyang pag-iisip sa usapin. Pilit niyang isinasaksak sa kukote ng mga Filipino na wala tayong karapatan umangal at pumalag dahil malakas ang China.

Sa kanyang monologue, lumabas na mukhang nag-uulyanin si Duterte. Hindi niya naiintindihan ang mga lumabas sa kanyang mabahong bibig. Palpak ang kanyang memorya sa mga detalye.

Ani Duterte: “The constructive occupation of China happened during the Aquino administration. May isang barko roon, nagpadala tayo. There was a standoff that may be going to violent stage. Ang nagpaalis sa ‘tin America. Ang usapan mag-retreat ang Filipinas at China. Ang Filipinas, nag-retreat, ang China hindi… The constructive occupation of the West Philippine Sea was completed by the singular act of China not retreating. Ikaw ‘yung umalis, ibig sabihin hindi iyo.” (sic)

Hindi namin alam kung ano ang “constructive occupation” ng China, ngunit, batay sa nakalap na mga detalye, malamang na tinukoy ni Duterte ang nangyari noong 2012. Nilusob ng mga pulu-pulutong na saksakyang pandagat ng China ang ating exclusive economic zone (EEZ) sa West Philippine Sea at pinalibutan ng 100 sasakyang pandagat ng China ang Panatag Shoal. Nagkaroon ng backchannel negotiation sa pamumuno noon ni Sonny Trillanes, isang senador noon.

Ngunit hindi ang Filipinas ang umurong na tulad ng sinasabi ng ulyaning si Duterte. Umurong ang puwersang Intsik sa sigalot at sa huli tatlong barko ng Intsik na natira. Ang masamang karanasan ang nagtulak o nagbigay daan sa isang hakbang na hindi inaasahan ng China. Nanalo tayo sa ating ginawa at hawak ng Filipinas ang alas na baraha kahit hindi ito ginagamit ni Duterte dahil kampi siya sa China.

Isinakdal ng Filipinas noong 2013 ang China sa Permanent Arbitration Commission ng United Nations Conference of Laws of the Seas (UNCLOS)  na nakabase sa The Hague. Naglitis ang Commission na nagsisilbing hukuman sa mga sigalot ng mga bansa sa karagatan. Noong 12 Hulyo 2016, o pagkatapos ng tatlong taon na paglilitis o halos isang buwan matapos umupo si Duterte sa Malacacañang, bumaba ang hatol. Nanalo ang Filipi­nas; hindi kinilala ng Commission na pag-aari ng China ang South China Sea.

May mga ma­ha­halagang punto ang desisyon ng Commission noong 2016. Hindi kinilala ng Commission na may karapatan pangkasaysayan (historic rights) ang China upang angkinin ang halos kabuuan ng South China Sea. Ito ang karagatan na napapalibutan ng Vietnam, Malaysia, Filipinas, Brunei, Indonesia, China Taiwan, at Thailand. Walang matibay na nangyari sa nakalipas upang masabi na pag-aari ng China ang karagatan. Maliban sa mga naglipanang piratang Intsik sa mga nagdaang panahon, hindi nagkaroon ng kontrol ang China sa malawak na karagatan.

Pinabulaanan ng desisyon ang teoryang Nine-Dash Line bilang batayan upang angkinin ng China ang South China Sea. Noong 2009, isinumite ng China sa United Nations ang mapa ng nine-dash line upang kamkamin ang mga isla at karagatan na nakapalibot sa mapa. Hindi ibinigay ng China ang mga coordinate ng mapa.

Hindi malinaw kung saan ang mga hangganan (border) ng mapa.

Ginagamit ng China ang teoryang Nine-Dash Line sa pagkamkam ng 90 porsiyento ng South China Sea. Ito ang batayan ng China upang itaboy ang mga mangingisdang Filipino sa mayayamang karagatan na nakaugalian nilang puntahan sa mga nakalipas na panahon.

Ito ang batayan sa pagpasok ng Panatag Shoal noong 2012. May mga pagkakataon na pinalayas ang mga mangingisdang Filipino. Bahagi ng South China Sea ang West Philippine Sea at ito ang bahagi na nasa kanlurang baybayin ng bansa.

Malinaw ang hatol ng Permanent Arbitration Commission; ito ang hatol na pinanghahawakan ng Estados Unidos at mga kaalyadong bansa. Walang magawa ang China sapagkat malinaw na hindi nila pag-aari ang South China Sea. Hindi tinatanggap ng global community ang kanilang iginigiit na pag-aari ng China ang malawak na karagatan.

Dahil bahagi ng international law ang hatol, hindi masasabing ang Estados Unidos at mga kaalyado na may paglabag sa batas lalo sa isyu ng pagbabalik ng mga barkong pandigma ng Estados Unidos sa South China Sea.

Mahalaga na panatilihing bukas ang South China Sea dahil dumaraan ang lampas $5.3 trilyon halaga ng mga kalakal roon. Kapag isinara ang South China Sea, mistulang itinigil ang daloy ng pandaigdigang kalakalan sa mga nabanggit na bansa.

Sa totoo lang, apektado ang world economy. Ang problema: Mukhang hindi alam ni Duterte ang desisyon ng Permanent Arbitration Commission. Kahit minsan, hindi niya binanggit ito sa anumang forum.

***

BAGO humarap si Duterte sa publiko, nagkaroon ng forum ang Kilusang Makabansang Ekonomiya (KME) na pinamumunuan ni Jimmy Regalario, isang mangangalakal, at ilang obispo ng Simbahang Catolico. Resource person si Senadora Risa Hontiveros na tumalakay sa usapin ng West Philippine Sea. Sa kanyang tantiya, ninakaw ng China ang likas yaman ng Filipinas sa West Philippine Sea at umabot na ito nang lampas sa P800 bilyon.

Tatalakayin namin ito sa susunod na kolum.

BALARAW
ni Ba Ipe

About Ba Ipe

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *