SINONG nakaalala sa inyo ng halalan ng 2016? Dalawa ang kandidato ng puwersang demokratiko: Mar Roxas at Grace Poe. Nahati ang boto ng puwersang demokratikong at nakalusot si Rodrigo Duterte sa halalan. Hitik sa aral ang karanasan noong 2016.
Upang maiwasan ang sitwasyon na higit sa isa ang kandidato ng puwersang demokratiko sa halalan sa 2022, binuo ng mga lider demokratiko ang 1 Sambayan. Isang mekanismo ang 1Sambayan sa pagpili ng mga kandidato sa susunod na halalan – presidente, bise presidente, at senador.
Samakatuwid, walang eskirol sa 2022. Walang kandidatong Grace Poe at tagabulong Chiz Escudero na hahati sa puwersang demokratiko. Makaaasa ang bansa na isang nagkakaisang hanay ang haharap sa bayan sa 2022. Hindi sila nakaririnig ng iba’t ibang tinig ng pagmamagaling sa 2022.
Nangunguna sa 1Sambayan sina retiradong mahistrado ng Korte Suprema Antonio Carpio, dating Ombudsman at retiradong mahistrado ng Korte Suprema Conchita Carpio Morales, dating kalihim ng DFA Albert del Rosario, dating kalihim ng edukasyon Bro. Armin Luistro, at ang aktibistang pari Fr. Albert “Paring Bert” Alejo. Nagsisilbi ang 1Sambayan bilang isang malaking koalisyon ng puwersang demokratiko na kumakatawan sa tunay na puwersang oposisyon ngayon.
Kasama sa 1Sambayan ang makakaliwang Bayan Muna at Magdalo kahit nagkakaiba ang kanilang mga paniniwala at paninindigan sa politika. Isinantabi nila ang kanilang pagkakaiba para sa bayan. Marapat magsama ang dalawang grupo sapagkat halos magkapareho ang kanilang kapalaran – kapuwa biktima sila ng pagmamalabis ng gobyerno.
Bilang puwersa ng demokrasya, nanalig ang 1Sambayan sa diwa at titik ng Saligang Batas ng 1987, pangingibabaw ng batas (rule of law) at ang kalakip na tamang proseso (due process), pagpapalakas sa mga institusyong demokratiko, pananatili ng mga demokratikong proseso, at paniniwala sa kalayaan ng pamamahayag ng iba’t ibang ideya. Kalaban ng 1Sambayan ang puwersa ng awtoryanismo at populismo sa bansa – ang naghaharing koalisyon ni Rodrigo Duterte at mga huwad na oposisyon.
Sa maikli, ang 1Sambayan ang totoong oposisyon. Narito ang kanilang pahayag: “1Sambayan aims to select a single slate of national candidates – president, vice president, 12 senators – to represent the democratic forces in May 2022. Political parties and groups among the democratic forces have pledged their support to 1Sambayan, and have agreed to abide by its selection of candidates.
“The Philippines in 2022 cannot risk falling under another administration similar to Duterte’s, whose failed response to the CoVid-19 pandemic, along with its unsound policies on major political, security, and economic matters have set the Philippines back, causing it to relapse into the ‘Sick Man of Asia.’
The democratic forces must then rally in order to block a victory by Duterte’s heir, whoever het will be. A brand new, competent leadership with integrity must take over when Duterte steps down next year.”
Ipapakilala ng 1Sambayan at mga convenor sa isang media event sa Makati Sports Club bukas, Marso 18, at 10 am. Tatalakayin ng mga convenor ang kanilang mga plano sa pagpili ng mga kandidato sa puwersang demokratiko sa halalan sa 2022.
***
MATINDI ang galit ng sambayanan sa kakulangan ng tamang pagharap sa pandemya. Hindi maayos ang naging pagpapasya sa pandemya. Sa salita ni Rodrigo Duterte, isang ‘maliit na bagay.’ Nangako si Duterte na akala mo mahalaga siya. “Hindi ko kayo iiwan.” Parang titik ng awit ng pag-ibig, ngunit sa totoo lang, si Duterte at ang mga kasama niya ang problema.
Wala kasing maayos na pagtaya sa pandemya. Kaya sa mahigit isang taon ng pandemya, walang maayos na plano ang gobyerno ni Duterte at programa sa pagkilos. Walang target sa hinaharap at walang malinaw at buong estratehiya. Parang sayaw na maski-pop, o maski paano na lang.
Hindi nagsagawa ang administrasyong Duterte ng anumang mass testing na tulad sa ibang bansa. Wala rin contract tracing sa mga dinapuan ng karamdaman. Ngayong humataw ang pangalawang sigwa ng pandemya, ngayon pa lang natatauhan si Francisco Duque III, ang palpak na kalihim ng DOH. Wala rin malinaw at maayos na programa sa bakuna. Hindi nila batid ang kahalagahan ng mass vaccination program sa mamamayan.
Masyadong naiwan ang Filipinas kung ihahambing sa ibang bansa. Mahigit dalawang milyon ang nabakunahan kada araw sa India na may populasyong halos 1.4 bilyon at Estados Unidos na may 330 milyon populasyon. Sa Estados Unidos, malamang bumalik sila sa normal ngayong taon kapag nabakunahan ang mahigit 80 porsiyento ng kanilang mamamayan.
Nahihirapan ang Filipinas na kumuha ng bakuna mula sa Kanluran. Maraming hinihingi ang mga gumagawa ng bakuna sa gobyerno ni Duterte. Ayaw nila mangyari sa kanila ang nangyari sa Sanofi na ang mga opisyal nito ay humarap sa husgado sa mga pinagtagpi-tagping kaso na ginawa ng pangkat ni Persida Acosta, ang ambisyosang alagad ni Duterte.
Maliban diyan, hindi mabilis magbigay ang mga kanluraning gumagawa ng bakuna sa mga lumalabag sa karapatang pantao. Kaya nakapila ang Filipinas sa hulihan. Hindi binibigyan ang Filipinas ng bakuna dahil inuuna nila ang mga bansang may maayos na pagpapatupad at panuntunan pagdating sa usapin ng karapatang pantao, o human rights.
Saan pupunta ang Filipinas sa ilalim ni Duterte? Itanong sa mga bituin. Kausapin ang mga tala at buwan sa magdamag.
BALARAW
ni Ba Ipe