NOONG 31 Enero, pumanaw si Dante Jimenez. Nakilala si Jimenez noong kasapi siya ng Volunteers Against Crime and Corruption at sa kaso ng pagpaslang sa mag-ina ni Lauro Vizconde. Sa ilalim ng administrasyong Duterte, itinalaga siya bilang pinuno ng Presidential Anti-Crime Commission.
Nagsilbi siyang attack-dog ni Duterte. Ikinataas ng kilay ito ng marami dahil maliwanag pa sa sikat ng araw na sumanib na siya sa lupon ni Duterte, at naging “at home” na siya sa bago niyang katungkulan. Kabilang sila ni Ferdie Topacio sa naghain ng kaso laban kay Senador Leila de Lima.
Base sa testimonyo ng mga bilanggong drug personalities na nagbigay ng testimonyo, sangkot umano si De Lima sa paglaganap ng droga sa loob ng New Bilibid Prison. Mukhang walang kinalaman sa paratang na ‘drug coddler’ si De Lima.
Bagkus, ipinaaabot natin ang taos-pusong pakikiramay sa mga kaanak ni Jimenez, kahit na maraming tao ang nagbubunyi sa pagkalagas ng isa pang kasapakat sa rehimen ni Duterte. Rest In Piece.
***
MAY bagong ipinaiiral na reglamento ang LTO. Ito ang paggamit ng child seat sa lahat ng kotseng pribado. Ito ay pinaiiral simula ngayon Pebrero, at marami ang umaangal sa tila biglaang pagpapatupad ng batas na ito. Naging masidhi ang ingay nang sinabi ng LTOna obligado ito sa mga bata hanggang 12 years old. Dahil sa sobrang ingay sa social media at marami ang kumokontra, sinuspendi ito ng Malacañang.
Sa Japan, US, at ibang bansa na may ganitong batas, requirement na mag-child seat ang bata hanggang 7 anyos. Kung 8-12 anyos, kailangan ang jumper seat; kapag may lumabag, haharap ang motorista sa multa, o pagkakulong. Umaangal ang marami pero pag-aralan ang bagong utos. Sa bansang may Child Seat Law, kapag umabot na ang tangkad ng isang bata sa four feet seven inches puwedeng huwag nang mag-child seat, dahil puwede na siya gumamit ng seat belt.
Ang bata na 8-12 anyos ay gagamit ng tinatawag na “jumper seat” na mas malaki sa “child seat.” Hindi ako tutol sa Child Seat Law. Ito ay kailangan para masiguro ang kaligtasan ng bata sa sasakyan. Ang pangamba: maaaring abusohin ng nasa poder ang batas. Parang abuso sa pagpagmit ng face shield sa pandemya. Dagdag gastos para sa motrista. Kailangan magnilay ang LTO. Pag-isipankung paano paiiralin ang batas.
***
NOONG 31 Enero pa rin, viral ang retrato ni MMDA Spokesperson Celine Pialogo suot ang isang Pershing cap ng Philippine Air Force. Ipinangalandakan niya sa social media ang sombrero na bahagi ng unipormeng bagong isyu sa kanya. Kasapi siya sa PAF Reserve.
Pero sinita siya ni disc jockey at netizen Bob Magoo na nagsabing maaaring disrespeto ito sa uniporme at maaaring labag ito sa batas. Wala akong nakikitang paglabag o pagyurak sa uniporme dahil ang nag-post ng retrato ay isang ganap na miyembro ng PAF Reservist Force kaya may karapatan siya. Kung susuotin niya ang uniporme ng Hukbo kung hindi siya reservist, dalawa lang iyan. Una: may pinaghahandaan siyang costume party, at pangalawa: isa siyang cosplayer.
Ngunit may dalawang bagay akong napuna. Una, may Pershing cap na isyu para sa mga kasaping babae, at ang nakaputong sa ulo ni Pialogo ay sombrerong panlalaki. Kaya tinatawagan ko ng pansin ang mga kinauukulan ng Hukbong Panghimpapawid natin na palitan ang Pershing cap ni Ms. Pialogo. Pangalawa, masyadong maliit ang Pershing cap at hindi ito sukat sa malaking ulo ni Pialogo.
***
NAKINIG ako sa Oral Arguments na ibinigay ng mga sang-ayon at kontra sa Anti-Terrorism Law. Maliwanag sa akin na hindi natin kailangan ang ibang batas dahil sapat na ang nakasaad sa Konstitusyon. Sa simpleng pag-iisip ko, ang Anti-Terrorism Law ay katulad sa pelikulang Minority Report na puwedeng ipiit ang isang tao sa hinala o sa kutob lamang at binibigyan ang Anti-Terrorism Council ng blanket authority para ipatupad ito. Puwede ipiit ang isang tao sa loob ng 25 araw na walang kasong sinasampa.
Ang nakatatakot ay puwedeng ipagpatuloy ang pagkapiit ng isang tao base lamang sa rekomendasyon ng ATF. May batas na umiiral, at ang pagdakip at pagkapiit ng isang tao ay sang-ayon sa desisyon ng hukuman, at sa simpleng kaisipan ko delikadong bigyan ang ATC ng ganoong kapangyarihan. ‘Eka nga: “If it ain’t broke don’t fix it.
***
MAY naganap na military coup sa Myanmar at dinakip ng militar ang mga miyembro ng parliamento at ibang mga sibilyan. Naganap ang military takeover pagkatapos sabihin ng tagapagsalita ng militar na walang mangyayaring coup. Ang mga kaganapang ito ay lubos na nakabahala sa maraming bansa kabilang ang Estados Unidos at mga kasaping bansa ng ASEAN na Malaysia at Indonesia.
Tanging ang Tsina, Laos at administrasyon ni Duterte sa Filipinas ang nagsabi na ang mga kaganapan sa Myanmar ay isang “internal problem” na dapat hindi pakialamanan. Hindi magandang pangitain ito para sa bansa lalo na malayo ang narating nito para itaguyod ang gobyernong sibilyan nila. Sa pakiwari ng marami, ito ay hakbang na paurong at dehado ang Miyanmar sa kalaunan.
Isa sa mga nadakip ay si Nobel Laureate Aung San Suu Kyi na nakapiit sa hindi pa sinabing lugar. Ang Myanmar ay nagkaroon ng masidhing krisis na sangkot ang minority Rohingya Muslim, na inusig ng militar at gobyerno ng Myanmar, at sangkot dito si Aung San Suu Kyi at ilang radical Buddhist monks. Sa pagsusuri ng ICC tinantiya na may naganap na “ethnic cleansing” at may pagkakasala ang gobyerno na kabilang si Aung San Suu Kyi.
TAYANGTANG
ni Mackoy Villaroman