KAPAG nagawi ka sa Pamantasan ng Pilipinas at pumasok sa Commonwealth Avenue entrance, matutumbok mo sa harap ang UP Oblation. Sa harap ng UP Oblation ni Guilllermo Tolentino, magigisnan ang isang art installation na itinayo ni Toym Imao, isang visual artist at anak ni National Artist for sculpture Sajid Imao. Itong art installation ay itinayo bilang pagpupugay sa mga estudyante, guro at kawani ng UP na nagtatag ng “Diliman Commune “ noong 1970, o limampng taon na ang nakalipas bilang tugon sa biglaang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo noong panahon ni dating presidente Ferdinand Marcos.
Ang naturang art installation ay gawa sa mga materyales na kinalakal ni Toym mula sa materiales na itinapon at wala nang pakinabang. Mukhang isa sa mga barikada na madaliang itinayo sa kasagsagan ng First Quarter Storm noong 1971.
Matatandaan na naging matagumpay ang mga itinayong barikada at nabigo ang balak ng mga sundalo at Metrocom na pasukin ang Pamantasan ng Pilipinas. Dalawang taon pagkatapos ng “Diliman Commune, nilagdaan ni Marcos ang Proclamation 1081 na inilalagay ang bansa sa ilalim ng batas-militar na nauwi sa diktadurya.
Nagbabadya ang panganib ng autoritarianismo (o diktadurya) sa bansa. Nagpamalas muli ang maiitim na ulap ng isang panibagong panganib sa ilalim ng pamumuno ni Rodrigo Duterte.
Nakaraan ang apat na taon sa kanyang termino, nakaraan mahigit 30,000 tao na ang napapatay, nakaraan ang mga ribbon cutting ng mga natapos na proyekto na mga “carryover” sa nakalipas na administrasyon, lantaran pa rin ang nakawan sa ating kaban-yaman, lantaran pa rin ang kapalpakan, at lantaran pa rin ang kapalpakan, ng administrasyon, at sa gitna ng dinaranas ng bayan sa pandemya ng CoVid-19.
Marahil, ang barikadang itinayo ni Toym Imao ay nagsisilbing sagisag ng tuluyang pakikibaka ng sambayanan laban sa kahibangan na dinaranas natin sa ilalim ng administrasyon ni Duterte.
***
Itong si General, ngayon Senador Bato de la Rosa ay nagtatanong nasaan ang mga bodycam na susuotin ng mga tauhan ng PNP? Matatandaan na unang lumabas ang balita na bibigyan ng mga bodycam ang PNP makaraan mapatay si Kian de los Santos na ayon sa mga operatibang sangkot, ay ‘nanlaban’ at napatay sa isang anti-drug operation noong 2017.
Ngayon makaraan ang mahigit 30,000 napapatay sa ipinairal na Oplan Tokhang, nagtatanong si Bato nasaan na ang mga bodycam? Para sa kaliwanagan nating lahat, matatandaan na naganap ang pagpatay kay Kian de los Santos noong si dating heneral, ngayon ay senador Bato ay nakatalaga bilang hepe ng PNP. At para maliwanag sa lahat, tahimik si dating heneral, ngayong senador Bato sa isyu ng mga bodycam.
***
Lumabas kamakailan ang retrato ng mga kabilang sa New People’s Army na bumaba at nagbalik-loob sa pamahalaan. Ipinakita sila sa isang seremonyang naganap sa Camp Bagong Diwa sa Taguig.
Pero teka, ang umano’y mga NPA na nakatalukbong ang mga mukha ay malulusog, nagsisitabaan, at taliwas ito sa imahen ng isang rebeldeng hukot at nangangayayat sa hirap na dinanas niya sa pakikipagpatintero sa mga awtoridad. Hindi iyan ang larawan ng mga namundok at nakaranas ng hirap. Ang mga tunay na nakayapak ay hindi nakasuot ng bagong gomang sapatos, at malalaki ang tiyan. Duda ako na mga pulis ito, kundi man pulis, ay mga police character.
Marahil ito ay isa nanamang pakana ng administrasyon ni Duterte na ilihis ang isyu sa mga nagaganap na kapalpakan na ngayo;y umiiral sa kanyang administrasyon. At dahil duda ako na totoong NPA sila, ipinapasa ko sa inyo ang pagpasya kung sino nga ba talaga sila.
***
Nagmartsa kamakailan ang mga kasapi ng Duterte Youth sa pamumuno ng kanilang lider na si Ronald Cardema patungo sa Pamantasan ng Pilipinas. Hinarang sila bago makapasok sa UP at napilitan silang mag-rally sa labas ng pamantasan.
Pero bakit ganon? Kung kasapi sila ng Duterte Youth bakit ang tatanda na nila? Sa tingin ko ang bawat isa sa kanila ay lagpas beinte uno anyos na, at hindi na puwedeng tawaging mga youth. Kahit ang kinatawan nila na si Mr. Cardema ay lagpas trenta anyos na.
Sa pagkakaalam ko ang hangganan ng edad ng kabataan ay beite-uno anyos, at sa mga hitsura ng mga kasapi ng Duterte Youth walang puwedeng tawagin na kabataan. May isang netizen na nagbiro at sinabing Duterte Youth sila dahil naging kaibigan nila si Duterte noong kabataan niya.
Minsan wala ako magawa kundi matawa na lang sa ipinapamalas ng mga nakaluklok. Pinipilit nilang maging makabuluhan ang pinaggagagawa nila.
Pero sa pananaw ng mga mulat, ito ay isang kabulaanan na parang pagpapaturok ni Duterte ng bakuna sa puwit.
Kaya pa ba?
TAYANGTANG
ni Mackoy Villaroman