Saturday , November 16 2024
teacher

Pagsasanay ng mga guro todo-tutok ni Gatchalian

ISINUSULONG ni Senador Win Gatchalian ang pagkakaroon ng pagdinig sa Senado upang masuri ang kalidad ng edukasyon at pagsasanay ng mga guro sa bansa.

Inihain ng mambabatas ang Resolution No. 526 na layong matukoy ang mga posibleng hakbang upang iangat ang kalidad ng edukasyon at pagsasanay na natatanggap ng mga guro.

Sa kalaunan, ani Gatchalian, makatutulong ito upang maiangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa.

Ayon sa senador, sinasalamin ng kalidad ng mga guro ang kaalaman ng mga mag-aaral. Matatandaang sa naging resulta ng 2018 Programme for International Student Assessment o PISA, ang Filipinas ang may pinakamababang marka sa 79 bansang lumahok sa naturang pag-aaral pagdating sa Reading Comprehension o pagbasa.

Pangalawang pinaka­mababa pa rin ang Filipinas pagdating sa science at mathematics.

Binalikan din ng senador na sa ulat ng Congressional Commission on Education (EDCOM), ang kakulangan sa performance ng mga guro ay dahil sa kalidad ng pagsasanay o training na kanilang natatanggap.

Ayon pa sa ulat, kulang din ang mga nata­tanggap na oportunidad ng mga guro pagdating sa professional development.

Binigyang diin ni Gatchalian, sa kabila ng pagkakatatag ng Teacher Education Council (TEC) at National Educators Academy of the Philippines (NEAP) ilang taon na ang nakakaraan, ngayon lamang nagkaroon ng pagsasanay para sa distance learning dahil sa CoVid-19.

Aniya, “Kung tutuusin, maituturing na 21st Century Skill ang kahandaan para sa distance learning na dapat ay taglay ng mga guro.”

Mandato ng TEC na magdisenyo ng mga programa para sa iba’t ibang antas ng training para sa mga guro mula sa kanilang pag-aaral hang­gang sa kanilang pagtuturo.

Ang NEAP ay itinuturing na professional development arm ng Department of Education o DepEd.

Sa ngayon, hindi lahat ng mga guro ay nakapagsanay na para sa distance learning sa darating na pasukan o higit anim na daang libo (620,794) sa walong daang libong (800,000) mga guro.

Kung susuriin ang mga resulta ng Licensure Examination for Teachers (LET) nitong mga nakaraang taon, nakababahala ang kalidad ng teacher training bago pa tumama ang pandemya, pahayag ni Gatchalian.

Mula 2014 hanggang 2019, ang average passing rate sa licensure exams ng mga guro sa elementarya ay dalawampu’t walong (28) porsiyento lamang. Sa high school naman, ang average passing rate ay tatlumpu’t anim (36) na porsiyento lamang.

Lumalabas din sa isang pag-aaral ng World Bank na kulang ang kahandaan ng mga guro sa elementarya at high school upang ituro ang malaking bahagi ng K to 12 curriculum.

Maliban sa mga English elementary teachers, ang mga pangkaraniwang guro sa elementary at high school ay hindi nasasagot nang tama ang kalahati ng mga tanong sa mga subject content tests.

“Ang husay at kaalaman ng ating mga mag-aaral ay nakasalalay sa kahusayan at kahandaan ng ating mga guro. Upang maiangat natin ang kalidad ng edukasyon sa bansa, kailangang masuri natin ang edukasyon at pag­sasanay na natatanggap ng ating mga guro upang masiguro nating handa silang tugunan ang pangangailangan ng ating mga mag-aaral,” pag­tatapos ni Gatchalian na siyang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

(CYNTHIA MARTIN)

About Cynthia Martin

Check Also

Robin Padilla West Philippine Sea WPS

Para sa impormasyon tungkol sa West Philippine Sea
SEN. ROBIN, PCG GAGAWA NG PELIKULANG ANTI-FAKE NEWS

MAY pinaplanong sine si Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla para maghatid ng tamang impormasyon sa …

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *