KONGRESO at hindi Malacañang ang dapat magrebyu sa mga sinasabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ‘onerous contracts.’
Pahayag ito kahapon ng liderato ng militanteng grupong Bayan Muna sabay panawagan sa Pangulo na ‘wag ibigay sa kanyang kaibigan at lumalabas na crony na si Dennis Uy ang pamamahala ng malawak na lupain sa Batangas na ginagamit ng Chevron Philippines bilang gas depot.
“We will oppose any attempt to give the Batangas property to the president’s cronies for another onerous contract because it will again deprive the people of billions of public funds. Congress must make sure these reviews of the so-called onerous contracts are not merely shake down against businessmen to favor the emerging cronies of President Duterte,” pahayag ng dating party-list congressman at ngayon ay chairman ng Bayan Muna na si Neri Colmenares.
Nanindigan ang Bayan Muna na hindi dapat ang Malacañang kundi ang Kongreso ang mag-iimbestiga sa mga tinutukoy nitong ‘onerous contract’ upang matiyak na ang isasagawang imbestigasyon ay hindi papabor lamang sa kakampi nitong mga negosyante.
Ang pahayag ay ginawa ni Colmenares matapos tukuyin ni Finance Secretary Carlos Dominguez III ang ‘onerous contract’ na pinasok umano ng National Development Co. (NDC) sa Chevron Philippines (Caltex) para sa lease contract ng 120 hektaryang lupain ng Batangas Land Co Inc. (BLCI) sa Batangas City na ginagamit ng kompanya bilang kanilang main depot.
“Congress must investigate these onerous contracts to identify those responsible for such one sided contracts and to make sure it does not go to cronies, just like what happened during the time of Pres. Ferdinand Marcos. Review of onerous contracts must not be left to the unilateral discretion of Malacañang,” pahayag ni Colmenares.
Ayon kay Dominguez, P0.74 per square meter ang renta ng Chevron sa lupain sa loob ng 50 taon na dapat ay P17.90 per square meter.
Sa loob ng 44 taon ay P146.51-M lamang o P3-M kada taon ang naibayad ng Chevron sa renta sa lupain, ani Dominguez, at kung titingnan, aniya, ang halaga ng lupain sa kasalukuyang merkado ay aabot sa P4.9-B hanggang P5.3-B kaya ang renta rito ay dapat umabot nang P257.76-M kada taon.
Upang mabawi ang kontrata mula sa Chevron, sinabi ni Dominguez na nais ng NDC na i-shutdown na ang operasyon ng BLCI sa susunod na taon.
Ang NDC ay government institution na nangangasiwa sa BLCI at sa oras na mawala na ang BLCI ay magiging hanggang limang taon na lamang ang kontrata ng Chevron sa Batangas property.
“Shortening BLCI’s corporate life will finally allow the government to exercise ‘full ownership, control, and rights over’ this prime lot and other real estate properties occupied by Chevron, which are strategically located for the country’s future energy projects,” paliwanag ni Dominguez.
Iginiit ni Colmenares, kung ‘onerous’ ang kontrata na pinasok ng Chevron, dapat itama ngunit kanilang mahigpit na tututulan ang nais ng pamahalaan na marekober ang Batangas property para ibigay sa mga crony ni Pangulong Duterte.
Una nang lumutang ang pangalan ng Davao-based businessman na si Uy na interesado sa Batangas property.
Si Uy ang siya ring nagmamay-ari ng 45% share ng Malampaya Gas sa Palawan matapos bilhin ang shares ng Chevron.
Sa panig ng Chevron Philippines, nanindigan ito na hindi ‘onerous’ bagkus ay naaayon sa batas ang kanilang rental agreement sa NDC at BLCI.
“The contract with National Development Co subsidiary Batangas Land Co is beneficial to both the Philippine government and Chevron Philippines. We will maintain open communication with the Government, an important and valued partner, on this matter,” nakasaad sa statement ng Chevron.
Ang Chevron Philippines ay may 700 Caltex gas stations sa bansa at siya rin nagkakaloob ng jet fuels para sa mga airline sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at Mactan Cebu International Airport.
HATAW News Team