PATULOY ang paglabag ng Angkas motorcycle taxi sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pagpataw ng surge charge na nagpapabigat sa mga mismong pasahero nito.
Nabatid mula sa Technical Working Group (TWG) na binuo ni Department of Transportation (DOTr) Sec. Arthur Tugade na ipatatanggal ang Angkas bilang isang ride-hailing app dahil sa mga naitalang sunod-sunod na paglabag ng kompanya, kasama na rito ang panlilinlang sa publiko.
Kabilang sa mga nasabing paglabag ang pagpapataw ng surge, usaping pagmamay-ari ng isang foreign firm ang Angkas, at pag-o-operate sa mga lugar na labas sa mga itinakdang guideline ng TWG.
Anila, doble-kara ang Angkas dahil iba ang ginagawa nito sa sinasabi.
Kaugnay nito, humingi ng tawad sa LTFRB noong Miyekoles si George Royeca, Angkas chief transport advocate.
Matapos ang kanyang pag-amin sa mga nagawang paglabag ng kanilang kompanya, nangako si Royeca na ititigil na nila ang surge charge.
Ngunit sa kabila nito, itinuloy ng Angkas ang asunto matapos maghain ng petisyon sa Quezon City Regional Trial Court Branch 223 upang hilingin ang paglalabas ng temporary restraining order (TRO) laban sa inilagay na 10,000 cap sa bilang ng mga rider na makabibiyahe nang legal.
Kasama sa petisyon ng Angkas ang pag-alis sa iba pang mga motorcycle-hailing app – tulad ng JoyRide at Move It – sa pilot testing na taliwas sa kagustuhan ng ilang samahang nagsusulong ng mga kapakanan at proteksiyon ng Pinoy commuters tulad ng Bantay Pinoy Commuters.
Ayon kay Oliver Macatangay, presidente ng samahan, parami nang parami ang mga nagrereklamo dahil sa patuloy na paglabag ng Angkas sa mga kaligtasang pangtrapiko, gaya ng hindi pagsusuot ng helmet at vest ng mga rider at commuter, at maging ang paggamit ng mahinang klase at hindi awtoridasadong safety gears.
“Mabuti na lang, may dalawang alternatibo. Parang Grab din pala itong Angkas, laging nagkakaroon ng surge,” ani Macatangay.
“Creative overpricing and now insensitive, discriminatory actions — all in violation of guidelines. ‘Tinuloy ang asunto after apologizing. Sana gawin ng gobyerno ang tama at ma-blacklist na sila (Angkas). If not for insincerity at least for habitual violation and non-compliance,” dagdag niya.
Kasama sa mga inamin ni Royeca na sa 27,000 riders, umaabot lamang sa 3,000 hanggang 5,000 ang pumapasadang riders ng Angkas.
Itinanggi ni Royeca na pag-aari ng negosyanteng Singaporean ang kanilang kompanya. Kahit nakarehistro sa Securities and Exchange Commission ang Angkas o DBDOYC, lumilitaw na 99.96 porsiyentong pag-aari ito ng isang dayuhan.
Itinatadhana ng Saligang Batas na hanggang 40 porsiyento lamang ang pinakamalaking sapi na maaaring ariin ng isang dayuhan sa alinmang kompanyang Filipino kung nanaisin niyang magnegosyo sa bansa.