DALAWANG panukalang batas ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda ang nakahain sa Kamara na naglalayong lalo pang itaas ang antas ng Philippine basic education sa pandaidigang pamantayan.
Ang isa, House Bill 311, ay isusulong ang ‘state-of- the art school system,’ at ang pangalawa, House Bill 304 ay titiyaking maginhawang makapapasok sa mga paaralan ang mga mag-aaral sa liblib na mga pamayanan.
Layunin ng Public Schools of the Future (HB 311) na gawing makabago ang mga silid aralan na mararanasan ng mga mag-aaral ang digital world sa pamamagitan ng pagkakaroon ng laptop computers ang mga nasa Grade 4, 7 at 11, at access sa Internet, para ihanda sila sa mapanirang teknolohiya ng ika-4 na ‘industrial revolution.’
Sasailalim sila sa sistemang Read, Read, Read sa elementarya, Write-Write-Write sa hayskul at Math-Math-Math sa lahat ng antas.
Ang ‘Fourth Industrial Revolution’ na nagsimula na at tinaguriang Industrial Revolution 4.0, ay tungkol sa ‘digital revolution’ na pinagsasama-sama ang iba’t ibang teknolohiya na bumubura sa dating malinaw na pagkakaiba-iba ng mga larangang physical, digital, at biological.
Sa ilalim ng HB 311, ayon kay Salceda, mag-aaral ang mga kabataan sa loob ng mga digital classrooms na kompleto sa mga kagamitang digital para maging katulad din ng mga kabataan sa mayayamang bansa.
Tinatayang sa taong 2025, kalahati ng mga karaniwang ginagawa ngayon ay magiging digital na at 65% ng mga kahusayan ngayon ay mawawalan ng saysay at lalala sa darating na mga taon.
Layunin ng HB 311 na maiwasang mawalan ng trabaho ang mga manggagawa ngayon sa darating na panahon sa pamamagitan ng pagbibigay pagkakataon sa mga kabataan na mapasok nila ang makabagong digital na mundo, at matutuhan nila ang mga kahusayang kailangan upang hindi sila mawalan ng pagkakakitaan at silbi.
Layunin ng HB 304 o “Last Mile Schools,” na tiyaking maginhawang makapapasok sa paaralan ang mga kabataan sa mga liblib, mahirap at magulong mga pamayanan at tiyaking may maayos na mga kalsada patungong paaralan at “hindi kailanman makokompromiso ang buhay ng mga kabataan na kailangang tumawid sa ilog, at maglakbay sa mga gulod na walang kalsada, makapasok lamang sa klase nila.”
Ang “Last Mile Schools” ay mga paaralan sa liblib na mga pamayanang malayo sa bayan at kailangang lakbayin nang matagal, may mga apat na silid aralan lamang na wala sa akmang kaayusan, walang koryente, kulang sa 100 ang mga mag-aaaral na ang kalahati ay mula sa katutubong tribo, at walang bagong proyekto o pagbabago sa nakaraan apat na taon.
Tinatayang may 8,000 “Last Mile Schools” sa bansa ngayon.
Sa ilalim ng HB 304, inaatasan ang Department of Education (DepEd), Department of Public Works and Highways (DPWH) at the Department of Budget and Management na bumalangkas ng isang roadmap o plano upang mabisang tugunan agad ang naturang suliranin.
Magkatuwang na ipatutupad ng DepEd at DPWH ang balangkas sa loob ng tatlong taon.
“Obligasyon ng estado na protektahan at isulong ang karapatan ng lahat sa makabuluhang edukasyon. Dapat din tiyakin ng estado na natutugunan ang lahat ng mga kailangan ng mga kabataan para sa mahinusay nilang edukasyon, kasama ang mga paaralan at maayos na mga kalsada patungo roon,” giit ni Salceda.