MAHALAGANG salik ang kalikasan upang tayo ay mabuhay sa araw-araw.
Hindi natin namamalayan, ngunit karamihan ng ating pangangailangan mula sa oksiheno (oxygen), isang uri ng hangin na kailangan ng katawan upang mabuhay ay mula sa kalikasan.
Ilan sa mga hilaw na bagay (raw materials) tulad ng sangkap sa gamot, papel, tela, kahoy at plastic ay galing sa kalikasan.
Idagdag pa ang mga yamang mineral katulad ng bakal, tanso, pilak, ginto, kromito at tingga ay mahalagang pundasyon ng industriyalisasyon na nakatutulong sa kabuhayan ng mamamayan at ng bansa.
Sa kalikasan din nagmumula ang mga produktong petrolyo (fossil fuel) gaya ng uling, langis at natural gas.
Ang mga likas-yaman na ito ay ginagamit upang makalikha ng enerhiya na nagbibigay elektrisidad sa mga tahanan, gusali, establisimiyento, lugar pasyalan, ahensiya, mall at mga trasportasyon.
Ang natural gas tulad ng methane, ethane, propane at butane ay mga karagdagang enerhiya na nagbibigay ningas upang makaluto ng makakain saanman naroon.
Marapat na ingatan at pahalagahan ang kaliksan dahil ito ay karugtong ng ating bituka at anumang pagkasira nito ay dama ng kasukasuan.
Gayunman, nakalulungkot isiping dahil sa pag-unlad ng teknolohiya at mayabong na industriyalisasyon ay kaakibat nito ang unti-unti at patuloy na pagkasira ng kalikasan dahil sa mga “by-product” na basura o “industrial wastes” na inilalabas patungo sa ilog, lupa at sa hangin.
Ang kamalayan sa tamang pangangalaga at paggamit ng kalikasan ay mahalaga hindi lamang sa sarili kundi para na rin sa susunod na henerasyon.
Ito ay “environmental sustainability” na nakukuha natin sa kalikasan ang raw materials na kailangan sa pag-usbong ng industriyalisasyon na hindi nasisira ang ecological balance.
Ang Republic Act 9512 na naglalayonng malalim na maunawaan ang mga kinakaharap na environmental issues at makabuo ng mga kasanayan upang ang lipunan ay magkaroon ng kamalayan at responsableng desisyon sa wastong paggamit ng kalikasan.
Ang kamalayan sa nangyayari sa ating kalikasan at kongkretong plano ang kailangan upang mapangalagaan ang ating likas na yaman mula sa mga mapagsamantala at personal na interes ng ilang indibiduwal at kompanya.
Ang kamalayan at plano ay hindi sapat kung walang pagkilos na magmumula sa mamamayan, civic organization, environmental advocates at sa pag-asa ng bayan – sa mga kabataan.
ni Dr. Gary Z. Regala