AT saka na natin pag-usapan ang artistry ng pelikulang Eerie. Gusto ko munang talakayin ang kanilang kakaibang marketing strategy sa kanilang pelikula. Dahil ang pelikula ay horror, magagaling ang mga artistang sina Bea Alonzo at Charo Santos na pareho rin namang may malakas na following, at ginastusan naman talaga ang pagkakagawa ng pelikula, tiyak iyon may maaari na silang asahan sa takilya oras na iyan ay ilabas na sa mga sinehan.
Pero dahil malaki ang puhunan, mababawi lamang iyon kung mapapalawak ang market. Iyon naman ang kanilang ginawa. Sa tulong ng kanilang kasosyong kompanya, nagkaroon sila ng world premiere niyang Eerie sa Singapore. Nagkataong naroroon din ang mga malalaking foreign film distributors. Napanood nila ang pelikula, at ngayon nga ay kinuha na nila ang international distribution rights. Iyang Eerie, kasabay sa Pilipinas, ay ipalalabas din sa mga international commercial theatrical circuits. Hindi kagaya ng ibang pelikula na special screening lang at ang target ay ang mga Pinoy lang sa abroad. Iyang Eerie ay ilalabas sa mga sinehan na kagaya ng iba pang international films.
Sinasabing ngayon ay mayroon na ring negosasyon para mai-distribute ang pelikula sa US at sa Europe, sa mga commercial theatre circuits. Maliwanag na may kakayahan pala ang mga Pinoy na gumawa ng pelikulang pang-international talaga, matuto lamang tayo ng tamang marketing.
Iyong iba naman kasi nauuna ang kayabangan. Sali nang sali sa festivals abroad, akala ay mananalo sila ng award, hindi nila iniisip ang marketing ng kanilang pelikula. Eh palibhasa Star Cinema nga ang producer niyang Eerie, kasama pa ang Cre8 Productions ng Singapore, aba eh nai-market nang tama ang pelikula. Ngayon, nabuksan na nila ang international film market para sa mga pelikulang Filipino.
Pero tandaan ninyo, huwag naman mga hotoy-hotoy na artista ang kunin ninyo. Huwag din ang mga hotoy-hotoy na director. Nakahihiya iyan at hindi rin kayo mabebenta sa world market.
HATAWAN
ni Ed de Leon