NAKAGUGULAT pa ba ang baha sa urban areas sa Metro Manila at sa ibang urban areas sa iba’t ibang probinsiya dito sa Filipinas?
Hindi.
Ang nakapagtataka ay kung bakit gumagastos nang bilyon-bilyong piso ang pamahalaan para sa iba’t ibang pagawaing bayan pero hindi nareresolba ang mga batayan at pangunahing problema na nagdudulot ng baha sa maraming lansangan at lugar sa bansa.
Isang mapaminsalang baha sa buhay, ari-arian at pamilya ng bawat mamamayan.
Kung tutuusin simple lang dapat ang sagot sa baha.
Kumuha ng mga eksperto at mahuhusay na urban planner na alam o kayang aralin ang kasaysayan ng bawat lugar sa bansa. Ang topography ng bawat lugar at ratio ng demography upang maiangkop ang plano at pagtatayo ng mga pagawaing bayan at maging ng mga estrukturang pribado.
Ang siste, ginaya ng Filipinas ang nagtataasang gusali sa mauunlad na bansa pero hindi ginagad ang urban planning lalo sa sistema ng pagdaloy ng tubig — malinis na tubig, maruming tubig mula sa mga kabahayan at iba’t ibang establisimiyento, tubig ulan at tubig na nanggagaling sa bundok na sinalanta ng illegal logging, quarrying at mining.
Ang mga uri ng tubig na ito ay potensiyal na nagdudulot o pinagmumulan ng baha sa mga mabababang lugar na ang mga daluyan ng tubig gaya ng kanal, estero, iba’t ibang tributaryo at ilog ay ginagawa namang ‘daluyan’ ng iba’t ibang uri ng basura.
Ang matitinong seawall ay giniba at iniba ang disenyo kaya kapag humahampas ang alon mula sa dagat, sumasampa na ito sa Roxas Boulevard. Hindi gaya nang dati na ang disenyo ay may kakayahang pabalikin ang alon sa dagat kapag humampas sa seawall.
Kapansin-pansin din na ang mabababang lugar o lalawigan na nakaharap sa Manila Bay ay walang seawall. Nakapagtataka pa ba kung bakit lumawak ang mga binabahang lugar sa Bataan, Zambales at Pampanga?
Habang namamalagi naman ang baha sa mga bayan ng Malabon, Obando, Hagonoy at iba pang bayan sa Bulacan.
Totoong salik ang malaking volume ng lahar na tumabon sa maraming bayan at probinsiya sa Central Luzon pero batayang pangangailangan ang seawall sa mga bayan o lalawigan na malapit sa Manila Bay o dalampasigan.
Malaking proyekto at malaking pondo ang kinakailangan kung seryoso ang pamahalaan na resolbahin ang baha sa bansa sa pamamagitan ng matino, maayos, siyentipiko, malayo sa korupsiyon at estriktong pagpapatupad ng urban planning.
Bukod pa sa mahigpit na batas sa iba’t ibang uri ng pagmimina sa mga bundok, kapatagan at maging sa mga ilog.
Kung mangyayari ito, darating ang panahon na ang ‘baha’ ay magiging estrangherong salita sa ating bansa.
Nawa’y hindi maging pangarap na mauuwi sa panaginip ang planong resolbahin ang mapaminsalang baha sa ating bansa.