“NGAYONG matigas na idineklara ng Pangulo sa kanyang SONA na prayoridad ng pamahalaan ang pagpapaganda sa serbisyo ng mga telcom, dapat namang kumilos na ang mga pangunahing ahensiya at bilisan ang paggawa ng mga alituntunin para sa pagpasok ng pangatlong telco player.”
Ito ang idiniin ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel III, na chair ng Trade, Commerce, and Entrepreneurship Committee sa Senado, matapos banggitin sa State of the Nation Address nitong 23 Hulyo ng Pangulong Rodrigo Duterte na nananatiling matibay ang pagnanais ng administrasyon nito upang matiyak na “reliable, inexpensive, and secure” ang telecommunication services sa bansa.
Nito lamang nakaraang Hunyo, binatikos ni Pimentel ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at ang multi-agency Oversight Committee for the Entry of a New Major Player in the Public Telecommunications Market dahil sa makupad nilang pagkilos sa napakatagal nang hinihintay na alituntunin para sa pagtatalaga ng radio frequencies.
Kinakailangan ang nasabing mga frequency para sa pagpasok ng bagong telecommunication company sa domestic telco market.
Iginiit din ni Pimentel na wala pang kongkreto at positibong mga hakbang ng mga nabanggit na ahensiya ng gobyerno simula nang ginawa niya ang pagbatikos noong nakaraang buwan.
“Isang malakas na wake-up call ang ginawang mensahe ng Pangulo sa kanyang SONA. O dapat na lang bang ituring ng mga ahensiya na para itong dropped call o lost text messages na dinaranas ng mga telco consumer araw-araw? Sasabihin ba ng DICT at ng oversight committee na Message Not Sent Mr. President?” giit ng senador.
“Kasing bagsik ang telecommunications bilang economic driver na kagaya ng pisikal na impraestruktura. Kasing halaga ito ng mahusay na polisiyang pang-ekonomiya. Batid ito ng Pangulo, kaya iginiit niya ang pangangailangan ng isang masiglang telecom industry, na may diin sa efficiency at low cost,” diin ni Pimentel.
Ipinakikita ng mga estadistika ng pamahalaan na may tinatantiyang 73 million cellphone users ngayon sa bansa at inaasahang lolobo pa ito nang panibagong 3 milyon pagsapit ng 2020.
Naglalaan ang mga Filipino araw-araw ng 3.2 oras para mag-online gamit ang cellphones at 5.2 oras para sa iba pang mobile devices at desktop PCs.
Ngunit kahit malawakan na ang paggamit ng mobile devices, napag-iiwanan pa rin ang Filipinas ng ating mga pangunahing ASEAN neighbors na Singapore, Thailand, Malaysia, Indonesia at Cambodia kung pagbabasehan ang Internet at 4G LTE speeds habang kabilang naman tayo sa mahal maningil sa rehiyon.
Isinisisi ng mga tagakonsumo at eksperto ang mabagal at mahal na mobile service sa umiiral na telco duopoly sa bansa.
“Kailangan natin nang mas mabilis at mas murang telco service at kailangan natin ito ora mismo. Kapag ang Pangulo na ang nagsalita, ito na ang oras para kumilos nang mabilis,” dagdag ni Pimentel.