Thursday , May 15 2025
Nanumpa sa harap ng Senate Blue Ribbon Committee sina dating Budget Secretary Butch Abad, dating Pangulong Benigno Simeon Aquino at dating Executive Secretary Paquito Ochoa Jr. sa pagdinig tungkol sa maanumalyang dengue vaccine kahapon. (MANNY MARCELO)

Aquino humarap sa Dengvaxia probe sa senado (Pagbili ng Dengvaxia idinepensa)

HUMARAP si dating Pangulong Benigno “Noy­noy” Aquino III sa mga senador sa unang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa kontrobersiyal na dengue vaccine.

Katulad ng inaasahan, mariing pinabulananan ni Aquino ang lahat ng mga akusasyon sa kanya ukol sa kontrobersiyal na bakuna.

Ayon kay Aquino, walang ano mang anomalyang naganap sa naging transaksiyon sa naturang programa ng pamahalaan at ito ay dumaan sa tamang proseso.

Ngunit sa kabila nito, hindi sinakyan ni Senador Richard Gordon ang mga palusot ng dating pangulo.

Iginiit ni Gordon, hindi maiaalis ang ano mang pangamba ng publiko ukol sa naturang proyekto lalo na’t lubhang kuwestiyonable ang timing sa mabilis na pag-aproba sa pagbili ng bakuna, at nakipagpulong si Aquino sa mga opisyal ng Sanofi, ang supplier ng Dengvaxia.

Sa naturang pagdinig, nagturuan ang ilang mga opisyal kung sino ang dapat sisihin sa bakuna.

Sa panig ng World Health Organization (WHO), sinabi ng opisyal na hindi pa nila pinahihintulutan ang bakuna nang ilunsad ito ng DoH.

(NIÑO ACLAN)

PAGBILI
NG DENGVAXIA
IDINEPENSA

Nanumpa sa harap ng Senate Blue Ribbon Committee sina dating Budget Secretary Butch Abad, dating Pangulong Benigno Simeon Aquino at dating Executive Secretary Paquito Ochoa Jr. sa pagdinig tungkol sa maanumalyang dengue vaccine kahapon. (MANNY MARCELO)

IDINEPENSA ni dating Pangulong Benigno Aquino III ang desisyon ng kanyang administrasyon sa pagbili anti-dengue vaccine na Dengvaxia.

Sa harap ng Blue Ribbon Committee, nag-iimbestiga sa P3.5-billion vaccination program, sinabi ni Aquino kahapon, walang ni isang nagprotesta noong pinagpapasyahan ang pagbili ng bakuna laban sa dengue.

“Diin ko lang po: Bago nagdesisyon ang gobyerno sa Dengvaxia, habang nagdedesisyon, pagkatapos magdesisyon at hanggang sa ngayon, walang naparating sa akin ng pagtutol sa bakuna,” pahayag ni Aquino.

“Kaya natin inilunsad ito sa NCR, Calabarzon, at Central Luzon, dahil ayon sa datos ng DoH, ito po ang tatlong pinaka-apektadong rehiyon noong 2015 kaugnay ng dengue,” dagdag niya.

Aniya, pinagtuunan ng kanyang administrasyon ang dengue makaraan siyang makatanggap ng memorandum galing kay dating Health Secretary Enrique Ona noong 2010.

Nakalagay aniya sa memo na nakaaalarma ang bilang na kaso ng nakamamatay na dengue sa limang rehiyon.

Dagdag aniya sa memo, aabot sa 2.8 milyong tao ang nanganganib na madapuan ng nakamamatay na virus dulot ng lamok sa mga panahong iyon.

“Ang dalawa sa limang rehiyon, mahigit 100 percent ang itinaas. May isa na 1,409.5 percent increase or 14 na beses ang itinaas,” paliwanag ni Aquino.

Aniya, tiyak na mababatikos din ang kanyang administration kung hindi niya hinarap ang banta ng dengue.

“Kung ‘di lumabas itong sinabi ng Sanofi, at nagdesisyon akong hayaan na lang na magdusa pa ang mga boss ko, gayong may bakuna na, palagay ko ngayon, iba ang tanong ninyo at asunto sakin: ‘Bakit mo pinabayaan ang Filipino?’”

Inamin ni Aquino ang pagpunta niya sa Paris noong 2015 para sa COP21 conference (climate change summit), at doon nakipagpulong siya sa iba’t ibang kompanya, kabilang ang Sanofi Pastuer (manufacturer ng Dengvaxia) upang pag-usapan ang bakuna laban sa dengue.

Giit ni Aquino, dumaan ang bakuna sa pama­magitan ng “local and international processes.”

“Paliwanag sa akin, US Food and Drug Administation ang nagre-regulate sa international clinical trials. Dahil dumaan sa ganitong mga proseso, ang alam natin, safe na ang Dengvaxia para sa tao.”

“Diin ko na rin po: Hindi lang Filipinas ang nag-aproba sa Dengvaxia. Nauna sa atin ang Mexico at Brazil.”

Nagsimula ang programa sa pagbabakuna laban sa dengue noon Abril 2016, isang buwan bago ang presidential elections.

Batay sa datos ng DoH, aabot sa 830,000 public school students ang nabakunahan ng Dengvaxia sa Central Luzon, Calabarzon, Metro Manila, at sa Cebu.

Inianunsiyo ng Sanofi noong Nobyembre, na maaaring maging sanhi ng “severe dengue” ang Dengvaxia sa mga bata na hindi pa dinadapuan ng dengue.

About hataw tabloid

Check Also

Alan Peter Cayetano

Oras ng pagboto, trabaho ng mga guro, kailangan ng agarang reporma — Cayetano

HINIKAYAT ni Senador Alan Peter Cayetano ang gobyerno nitong Lunes na magsagawa ng mga reporma …

Marikina Comelec

Kahit nanguna sa bilangan
MARCY TABLADO SA COMELEC
May DQ ka pa – en banc

TINABLA ng Commission on Elections (Comelec) en Banc ang proklamasyon ni Marcelino “Marcy” Teodoro bilang …

Comelec Pasig

Kasama ang 92-anyos kapatid at tumangging dumaan sa priority lane
101-ANYOS BOTANTE SA PASIG UMAKYAT SA 3/F PARA IBOTO MGA KANDIDATONG SINUSUPORTAHAN

KABILANG ang isang 101-anyos senior citizen sa mga pinakamaagang nagtungo sa San Miguel Elementary School, …

Comelec QC Quezon City

3 botante sa QC hinimatay sa matinding init

INIULAT ng Quezon City Disaster Risk Reduction Management Office (QCDRRMO) na tatlong babaeng botante ang …

Comelec Vote Election Hot Heat

Sa Pangasinan
Buntis na nagle-labor bumoto, senior citizen dedbol sa init

SA KABILA ng mga hudyat ng pagle-labor, nagawang bumoto muna ng isang buntis sa lalawigan …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *