ITULOY ang peace talks habang nagbabakbakan. Ito ang panawagan ng militanteng grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) kahapon, sa administrasyon at sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP), makaraan tuldukan ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakalawa ang peace talks.
Ang pasya ni Duterte na kanselahin ang peace talks ay makaraan kanselahin ang unilateral ceasefire, na idineklara ng pamahalaan noong Agosto 2016.
Sinabi ni Bayan secretary-general Renato Reyes, Jr., hindi ang ceasefire ang sukatan ng sinseridad, at kaseryosohan sa peace talks.
Mas mahalaga aniyang sukatan ang pagtataguyod ng mga napirmahang kasunduan at pagbubuo ng bagong mga kasunduan sa repormang sosyo-ekonomiko, politikal at konstitusyonal.
“Maaaring may ceasefire nga pero kung wala namang makabuluhang pagbabago para sa mamamayan, mauuwi din ito sa wala,” ani Reyes.
Sa nakalipas na third round ng peace negotiations sa Rome, Italy kamakailan, nagkasundo ang magkabilang panig na tugunan ang armadong tunggalian, sa pamamagitan nang pagbalangkas ng Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER), Comprehensive Agreement on Political and Constitutional Reforms (CAPCR).
“What could be more compelling than addressing the root causes of the armed conflict through socio-economic reforms? What could be more compelling than political and constitutional reforms that will empower the people and could possibly even pave the way for federalism?” dagdag ni Reyes.
Makaraan magpasya ang NDFP na ibasura ang kanilang unilateral ceasefire, ipinaalala ni NDFP panel chief Fidel Agcaoili, pareho sila ni GRP panel chief Silvestre Bello III, na may karanasan sa nag-uusap, habang nagbabakbakan noong panahon ng rehimeng Ramos.
Umabot sa 12 kasunduan ang aniya’y napirmahan nang panahong iyon, kasama ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law, The Hague Joint Declaration, at Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG).
Ani Agcaoili, ang pagbasura sa unilateral ceasefire ay base sa kabiguan ng gobyernong Duterte, na gawaran ng amnesty at palayain ang halos 400 political prisoners, at ang paggamit sa unilateral ceasefire ng puwersa ng estado para maglunsad ng mga aksiyon laban sa mga rebelde.
Nauna rito, sa mensahe ni Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Ma. Sison sa ika-48 anibersaryo ng CPP, inihayag niya, bukas ang NDFP na tumayong katuwang ng rehimeng Duterte sa pagtatatag ng Federal Republic of the Philippines, at magbalangkas ng bagong konstitusyon na nagbabawal sa pasismo.
Naging karanasan din sa Colombia na habang umuusad ang usapang pangkapayaan ng pamahalaan sa Revolutionary Armed Forces of Colombia (FARC), ay walang umiral na ceasefire mula 2012, hanggang mapirmahan ang final peace agreement noong Agosto 2016.
Ang FARC ang itinuturing na “Latin America’s largest, strongest and most formidable guerrilla group.”
Sinimulan ng FARC ang pagsusulong ng armadong pakikibaka noong 1964 at noong Pebrero ay isinagawa ang huling martsa ng mga rebelde mula sa nayon tungo sa kalunsuran, sa inaasahang bagong buhay sa lipunan na may 52 taon nilang ipinaglaban na baguhin.
Sa darating na 31 May ay aabot sa 6,300 gerilya ang magsusuko ng kanilang mga armas sa United Nations (UN) mission, isang malaking hakbang sa pagbabalik sa buhay sibilyan.
Ilang beses inihalimbawa ni Duterte ang Colombia, bilang isang narco-state, at sa Filipinas ay matagal nang umiiral ang narco-politics.