HALOS dalawa sa bawat tatlong miyembrong naglagay ng pera sa voluntary provident fund ng Social Security System (SSS) ay mga batang miyembro na 35 anyos pababa batay sa enrollment data ng SSS Personal Equity and Savings Option (PESO) Fund sa pagtatapos ng Setyembre 2016.
Ayon kay SSS Officer-in-Charge ng Voluntary Provident Fund Department Marichelle L. Reyes, sa kabuuang 3,649 sumali sa PESO Fund, 2,353 ay mga batang miyembro mula sa “millennial generation” habang ang iba ay 36 hanggang 54 anyos.
“Nais ng PESO Fund na bigyan ng karagdagang proteksiyon ang ipon ng mga miyembro para sa kanilang retirement at iba pang pangangailangan. Nakatutuwang makita na dumarami ang mga miyembrong kusang naghahanda para sa kanilang kinabukasan kahit nagsisimula pa lamang sila sa pagtatrabaho,” sabi niya.
Malaking porsiyento ng mga naka-enrol sa PESO Fund ay mga empleyado na nasa 3,116 miyembro o 85 porsiyento. Sinundan ito ng mga voluntary members na may 321 enrollees o siyam na porsiyento. Ang ibang nakarehistro ay self-employed, kasambahay at overseas Filipino workers (OFW).
“Mas marami nang bahagya ang mga babaeng miyembro ng PESO Fund na 57 porsiyento kaysa 43 porsiyento ng mga kalalakihan. Hinihikayat namin ang lahat ng miyembro ng SSS na mamuhunan para sa kanilang kinabukasan dahil kahit sino ay maaaring makaranas ng kagipitan sa pananalapi,” sabi ni Reyes.
Inilunsad noong 2015, isang voluntary provident fund ang PESO Fund para sa mga aktibong miyembro ng SSS. Isa itong pagkakataon para makaipon ang mga miyembro na pandagdag sa retirement benefits sa ilalim ng regular na SSS program.
Naunang inilunsad sa 10 sangay ng SSS ang PESO Fund sa pilot implementation nito noong Mayo 2015. Binuksan ito sa lahat ng SSS branches sa buong bansa noong Oktubre 2015. Sa kabuuan, P17.08 milyon na ipon ng mga miyembro sa PESO Fund nitong katapusan ng Setyembre ngayong taon.
“Maaaring sumali sa PESO Fund ang lahat ng uri ng mga miyembro basta pasado sa requirements tulad ng pagbabayad ng hindi bababa sa anim na sunod-sunod na kontribusyon sa loob ng 12 buwan bago ang petsa ng pagrehistro at kailangan din ay hindi pa sila umaabot sa edad na 55 anyos,” sabi ni Reyes.
Para makasali, walang final benefit claim dapat ang miyembro sa ilalim ng regular na SSS program. Kung self-employed o voluntary, naghuhulog dapat ng kontribusyon base sa maximum salary credit na P16,000, na siyang pinakamataas na buwanang sahod na maaaring ideklara sa SSS para pagbatayan ng 11 porsiyentong kontribusyon sa pension fund.
“Garantisado at tax-free ang kita ng enrollees sa kanilang ipon sa PESO Fund. Inilalagay sa mga investment na may sovereign o government guarantee ang pondo ng PESO Fund, kaya maaasahan ng mga miyembro na ligtas sa mahabang panahon ang kanilang mga ipon,” sabi ni Reyes.
Maaaring maglagay ang bawat miyembro ng hanggang P100,000 kada taon at minimum na P1,000 kontribusyon sa PESO Fund. Dapat na nakapagbayad ng maximum na buwanang kontribusyon na P1,760 ang self-employed, voluntary at OFW member sa parehong buwan ng pagbayad ng kanilang PESO Fund contribution.
“Maaari rin mag-enrol ang mga SSS member sa PESO Fund sa pamamagitan ng pagrehistro sa My.SSS portal sa SSS website sa www.sss.gov.ph. Sa pamamagitan ng online enrollment, maaari nilang simulan ang pagbabayad sa PESO Fund bago pa nila makompleto ang buong proseso ng enrollment. Mas mainam ito para sa mga miyembrong abala sa kanilang trabaho at konti lamang ang natitirang oras para magpunta sa sangay ng SSS,” sabi ni Reyes.
Para makompleto ang proseso ng pag-enrol, maaaring bumisita ang mga online registrants sa kahit na saang sangay ng SSS para personal na lagdaan ang PESO Fund enrollment form. Magsisilbing kompirmasyon ng kanilang pag-enrol ang prosesong ito para makuha nila ang kanilang naipon sa PESO Fund pagdating ng araw. Nakalagay sa tatlong klase ng account ang kontribusyon sa PESO Fund ng mga miyembro – 65 porsyento para sa retirement o disability, 25 porsyento para sa mga medikal na pangangailangan at 10 porsyento para sa general purpose tulad ng edukasyon, pabahay, pangkabuhayan o pangtustos habang wala pang trabaho.