Monday , December 23 2024

“Aklat ng Bayan” inilunsad, binuksan sa publiko ng KWF

082916 KWF aklat bayan
SIYAM na aklat ng klasikong akda na isinalin sa Filipino at kritika sa anyong sanaysay ang itinampok ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa paglulunsad ng Aklat ng Bayan sa Bulwagang Romualdez sa Watson Building, JP Laurel St., Malacañan Complex, San Miguel, Maynila kahapon. Nasa larawan, mula sa kaliwa, ang mga nagsalin na sina MJ Tumamac a.k.a. Xi Zuq sa Peter Pan ni James Matthew Barrie; Allan Derain (Ang Kuwintas at iba pang Kuwento); Nicholas Pichay, Haring Lear ni William Shakespeare; Ferdinand Pisigan Jarin, Paglalakbay sa Pusod ng Daigdig ni Jules Verne; at Ergoe Tinio, Frankenstein ni Mary W. Shelley. Gayon din ang Sa Praga: Mga Piling Tula ni Jaroslav Seifert ng LIRA; El Consejo de los Dioses at Junto al Pasig, salin nina Virgilio Almario at Michael Coroza; at Pandiwa Taon 2 Bilang 1 na edit ni Kom. Purificacion Delima. (BONG SON)

INILUNSAD ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang Aklat ng Bayan nitong Huwebes, 22 Agosto sa San Miguel, Maynila.

Isa ang Aklat ng Bayan sa mga ipinagmamalaking programa ng KWF, na inilunsad sa Bulwagang Romualdez ng KWF sa Gusaling Watson, sa Malacañang Complex, San Miguel, Maynila.

Ang Aklat ng Bayan ay sinimulan noong taong 2013, nang maupo ang Pambansang Alagad ng Sining, Virgilio S. Almario bilang tagapangulo ng KWF.

Sa nasabing paglulunsad, dumalo ang mga tagasalin ng KWF, na sinundan ng forum sa mga libro sa “Seryeng Klasikong Akda,” isa sa proyekto ng Aklat ng Bayan.

Sa panayam, sinabi ni Atty. Nicholas Pichay, tagasalin ng Haring Lear ni William Shakespeare, na kinaiinisan niya ang lalim ng mga salita ni Shakespeare.

Pero pumayag siyang isalin ang naturang akda dahil sa paghanga niya sa kakayahan ni Shakespeare na lagyan ng magnetismo ang kanyang mga isinusulat.

Aniya, “kahit matagal na panahon nang ginawa ang kanyang mga akda kapag binasa ay parang isnulat lang kahapon.”

Isa sa magandag katangian ng nagsalin ng Haring Lear, hindi siya nagpatali sa paggamit ng mga salita.

Sabi niya, “Kasi ‘yung iba nagiging tapat sa pagsasalin nila, mula roon sa orihinal. Pero dito sa pagsasalin ko, parang gusto ko sabihin, “Shakespeare lumuhod ka sa harap ng Wikang Filipino.” Hindi ako nagpatali. Hindi ko inisip kung sasabihin ng ibang akademiko na mali ang hagod ko ng salita.”

Kay Allan Derain, tagasalin ng Ang Kuwintas at iba pang mga Kuwento ni Guy Maupassant, ibinalik niya ang estilo ni Maupassant sa paggamit ng tradisyonal na pagsusulat ng maikling kuwento.

082916 KWF aklat bayan 3

Aniya, “Yung tradisyonal na plot-oriented at may twist sa dulo. Gusto kong patunayan, sa pamamagitan ng paghalungkat, na si Guy De Maupassant nalagpasan ang ganoong estilo. Na bagaman tahimik ang isang kuwento at walang masyadong nangyayari, kuwento pa rin ito.”

Katulad ng Peter Pan ni James Matthew Barrie, panitikan na pambata talaga ang isinusulat ng tagasalin na si MJ Tumamac. Malaking parte aniya, ng kanyang pagkabata ang akda. “Si James Barrie ay nagmulat sa akin kung ano talaga ang bata, bakit dapat nagsusulat para sa bata.”

Isinalin ng kauna-unahang babae sa “Aklat ng Bayan” na si Ergoe Tinio, ang Frankenstein ni Mary W. Shelley. Nagustuhan niya ang hindi maarteng pagkukuwento ni Shelley. “Hindi siya gumagamit ng shortcut at conversational ‘yung tone ng mga isinusulat niya” ani Tinio.

Lubos ang pasasalamat ni Ferdinand Jarin kay Jules Verne, awtor ng isinalin niyang Paglalakbay sa Pusod ng Daigdig, dahil sa mga realisasyon na natanim sa isipan niya makaraang isalin ang akda.

“Una, susubukin niya ang pasensiya mo matapos itong mabasa. Gustong-gusto nga ito ng mga kabataan dahil hindi siya maarte magkuwento. Dapat din marunong kang itayo ‘yung ideya mo sa hinaharap” sabi ni Jarin.

Hinahangaan niya ang kakayahan ni Burne na makapagtayo ng mga mambabasa sa panahon na hindi tinatanggap ng lipunan ang estilo niya sa pagsusulat.

Bukod sa mga nabanggit na mga salin, tatlong akda pa ang inilunsad ng Aklat ng Bayan ngayong taon, kabilang ang: Pitong Gulod pa ang Layo at iba pang Kuwento ni NVM Gonzalez salin ni Edgardo Maranan; at Rosas para kay Emily at iba pang Kuwento ni William Faulkner salin ni John Torralba.

Bukod sa mga akdang isinalin ng mga indibidwal, isang akda ang pinagtulungan ng ilang kawani ng komisyon.

Ang Sa Praga (Mga Piling Tula) na isinulat ni Jaroslav Seifert ay may salin nina: Tagapangulo Virgilio Almario; Direktor Heneral RobertoAñonuevo; RR Cagalingan; MJ Tumamac; Joselito Delos Reyes; John Enrico Torralba; Grace Bengco; at iba pa.

Magkatuwang sina Virgilio Almario at Michael Coroza sa pagsasalin ng Konseho ng mga Diyoses sa may Ilog Pasig ni Jose Rizal.

082916 KWF aklat bayan 2
Sa kabila ng matagumpay na pagsasalin ng mga tagasalin, hindi nila itinanggi ang ilan sa mga pagsubok na pinagdaanan nila sa proseso ng pagsasalin.

“Maselang bagay ang pagsasalin, sapagkat napakahirap hulihin ang henyo ng isang akda” ani Roberto T. Añonuevo, Direktor Heneral ng KWF.

Aniya, sa tuwing isasalin ang isang akda kailangan matuklasan ang pambihirang pagkatao sa likod ng tinig ng isang tauhan.

Dagdag ni Añonuevo, “Ang pagsasalin ay maituturing na eksperimento ng siyentipikong pagbuhay sa isang bangkay, sa pamamagitan ng mga salita.”

Kultural na mga komplikasyon ang naging hamon kay Pichay, bukod sa malalalim na salita ni Shakespeare.

Para kay Tinio, ang pagpigil sa pagpapatong ng sariling emosyon ang isa sa mahirap na parte sa proseso ng pagsasalin.

Naging pagsubok para kay Tumamac ang pagsasalin ng pamamaraan ng pagsasalita ng mga tauhan.

Nagbunga ang malaking hamon sa pagsasalin, para maabot ng proyektong “Aklat ng Bayan” ang kalagayan nito ngayon.

Nagsimula sa 42 na manunulat ang proyekto, na binubuo ng editor, tagasalin at miyembro ng media.

Ayon kay Añonuevo, “Ito ang nagpabaligtad ng daigdig ng panitikan sa Filipinas.”

Samantala, bukod sa mga akdang isinalin ay may isang kalipunan ng mga kritika na nasa anyong sanaysay ang inilimbag ng Aklat ng Bayan, ang Pandiwa Taon 3 Bilang 1 na pinamatnugutan ni Komisyoner Purificacion Delima.

Hinikayat ni Añonuevo ang lahat na makiisa sa “Aklat ng Bayan” at mag-ambag bilang awtor, kritiko, tagasalin, editor, disenyador at iba pa.

Kasabay nang paghiling niya na hindi dapat masayang ang malayong narating ngayon ng Aklat ng Bayan.

nina Joana Cruz at Kimbee Yabut

About Joana Cruz Kimbee Yabut

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *