NAGBIGAY ng tips ang premyadong manunulat at doktor na si Dr. Luis P. Gatmaitan sa mga dumalo sa ikalawang araw ng Pambansang Kongreso 2016 na inilunsad ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa Teachers’ Camp, Lungsod Baguio, kahapon.
Sa 45-minutong panayam ni Gatmaitan, tinalakay niya ang kahalagahan ng wikang Filipino sa pagtuturo ng siyentipiko at medikal na konsepto hindi lamang sa mga estudyante ng medisina kung hindi pati sa mga bata.
Payo ni Gatmaitan, dapat himaying maigi ang konsepto. Iwasang lumabas sa paksa upang hindi mapaghalo-halo ng bata ang mga detalye. Isa-isahin ang mga detalye ng paksa.
Halimbawa, imbes sabihin sa isang bata na mag-tsinelas siya tuwing lumalabas ng bahay para hindi pumasok ang bulate sa kanyang katawan, ipaliwanag kung paano ito mangyayari.
Anang doktor, isa sa mga eksplanasyong puwedeng sabihin sa bata ukol sa isyung ito ay, maaaring may sumingit na itlog ng bulate o ano mang parasite sa kanyang mga kuko sa kamay at makapapasok ito sa kanyang sistema kapag isinubo niya ang kanyang daliri nang hindi naghugas nang maigi.
Dahil “abstract” mag-isip ang mga bata at maikli ang kanilang attention span, sabi ni Gatmaitan, mainam na gumamit ng analogy o paghahambing tuwing nagpapaliwanag ng isang konsepto.
Katulad na lamang ng paghahambing ng sakit na AIDS sa pag-atake ng mga rebelde sa isang maayos na pamahalaan.
Ngunit sa kabila ng kagustuhan ng mga guro na maraming maituro sa kanilang estudyante, marapat na hayaan munang malunok ng mga estudyante ang itinuro sa araw na iyon upang hindi magkaroon ng “indigestion.”
Upang hindi magkaroon ng “information overload” ang bata, siguruhin munang ganap na niyang naintindihan ang paksa bago maghain ng bagong konsepto.
Inanyayahan ni Gatmaitan ang mga guro na hikayatin ang kanilang mga estudyante na maghayag sa wikang Filipino, sa maliliit na diskusyon man o sa mga oral report.
Dagdag niya, mabuting gawing requirement ang “oral report” o disertasyon sa wikang Filipino bago makapasa sa kurso.
“Bakit hindi natin gawing na bahagi ng klase ang regular na talakayan sa wikang Filipino. Sa gayong paraan ay binibigyan natin ng dangal ang wikang Filipino” aniya.
Ang mga hakbang na ito aniya ay makatutulong na maiwaksi ang ideya ng kabataan na ang wikang Filipino ay wika ng baduy, driver at yaya.
Naikuwento ni Gatmaitan ang isang Chinese-Filipino niyang estudyante na nagsabing ang wikang Filipino ay wika ng mga kasambahay at drayber.
“Kung binibigyan ng pagpapahalaga ang wikang Filipino, maging ang mga bata ay lalaking may respeto sa wikang Filipino,” dagdag ni Gatmaitan.
nina Kimbee Yabut at Joana Cruz