BAGUIO CITY – Walang binabago sa baybay ng Filipinas kundi ibinabalik ang dati at sinusunod ang batas na ginawa noong 1987 sa bagong alpabetong Filipino.
Ito ang buod ng pahayag ng Tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at pambansang alagad ng sining na si Ginoong Virgilio Almario, bilang paglilinaw sa sinasabing pagbabago ng spelling ng ‘Filipinas’ sa pagbubukas ng unang Pambansang Kongreso sa Intelektuwalisasyon ng Wikang Filipino sa Teacher’s Camp, Baguio City kahapon.
Mula sa nakagawiang Pilipinas, layunin ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na maibalik sa orihinal nitong ispeling ang pangalan ng bansa.
Ani Almario, ang Pilipinas ay ibinatay sa lumang alpabeto ng bansa, ang Abakada, na inalis sa sistema noong 1987.
Filipinas ang tunay na pangalan ng bansa, ayon kay Almario, dahil Las Islas Filipinas ang ipinangalan ng mga Kastila noong ika-14 siglo.
Dagdag ni Almario, ang Filipinas ay nakabatay sa makabagong alpabeto ng Filipino na binubuo ng 28 titik. Giit niya, ang mga titik na F at V ay ilan sa mga letrang dati nang ginagamit ng mga katutubong tulad ng Mëranaw at Ivatan.
Suportado rin ng mga katutubo ang “Filipinas” sapagkat gusto nilang makilahok sa “nation-building.”
Upang maiwasan ang pagkalito, Filipino ang opisyal na itatawag sa mga Pilipino, babae man o lalaki, at ang Filipinas ang tanging gagamiting pantawag sa bansa.