HINDI maiwasan ng director na si Antoinette Jadaone ang makapagmura sa kanyang social media account nang malaman niya na ang kanyang pelikula ay hindi basta napirata lamang kagaya ng iba. Bukod sa napirata na ang isang good copy ng pelikula, naka-post pa iyon sa social media.
Ibig sabihin, mapapanood na iyon ng libre sa pamamagitan ng social media, at maaari pa iyong mai-save sa isang disc o sa isang flash drive para ang magda-download ay magkaroon ng sarili niyang kopya ng nasabing pelikula. Ang masakit pa, marami ang nagsi-share ng link.
Talagang grabe na ang piracy. Noong araw, iyang mga piniratang pelikula ay makukuha lamang sa mga illegal na DVD na bibilhin mo pa. Karaniwan ding masama ang kopya dahil ginagamitan lang ng video camera sa loob ng sinehan. Makikita mo pa ang ulo ng mga nanonood, at kung minsan may bigla pang tatayo at magdadaan sa harapan.
Ngayon, maliwanag na kopya na ang pinipirata at ikinakalat pa sa internet. Saan maaaring manggaling ang mga kopyang iyan? Hindi kaya sa mga may kinalaman din sa paggawa ng pelikula?
Sabi ng direktora, nakakatamad na raw gumawa ng pelikula. Kasi pinipirata lang naman.
Ano nga kaya ang nangyayari sa Optical Media Board, na ginagastusan ng gobyerno para mapigil ang piracy? Kumukuha pa iyan ng parte sa kinikita ng Metro Manila Film Festival. Pero hindi man lang nababawasan, lalo pang lumulubha ang piracy. Kailangan na nga sigurong malagyan iyan ng mga bagong opisyal na “hindi kaibigan” ng mga nasa industriya at hindi masasabing “kakilala” rin ng ibang namimirata.
Natatandaan namin noon, may ipinagmamalaki silang nahuli nilang “big fish”, pero hindi nila nakasuhan. Kasi mga “big fish” nga maging sa industriya ang mga nahuli, at may mga “big fish” din daw na nakiusap.
HATAWAN – Ed de Leon