HINDI na kailangan lumabas sa pangalawang distrito ng Quezon City ang mga residente sa tuwing may idinaraing na sakit sa katawan.
Bilang mga miyembro ng urban poor sa lugar, malaking tulong ang bagong proyektong inaasahang sisimulan ngayong taon.
Sa pagkakaisa ng lokal at nasyonal na pamahalaan, makapagpapatayo ng tatlong-palapag na ospital sa IBP Road sa Batasan Hills. Alinsunod ito sa pag-apruba ni Mayor Herbert Bautista ng Ordinance 2426 noong Setyembre 11, 2015.
Ang nasabing ospital, na itatayo sa 4000-square-meter na lupang pagmamay-ari ng National Housing Authority (NHA), ay may kapasidad na 100 kama.
Tatawagin itong Rosario Maclang Bautista General Hospital, isinunod sa pangalan ng ina ni QC Mayor Herbert Bautista na si Rosario Bautista.
Hindi limitado ang serbisyo ng ospital sa mga nakatira sa Batasan Hills. Bukas din ang pinto nila sa mga taga-Payatas, Holy Spirit, Bagong Silangan, at Commonwealth na nangangailangan ng atensiyong medikal.
Walang ospital sa mismong pangalawang distrito at tanging pinakamalapit ang East Avenue Medical Center.
Ang Quezon City ay pinakamataong siyudad sa bansa. Gayonpaman, isa rin ito sa mga lungsod na nangangailangan ng mga karagdagang health center.
Masasabing tinutugunan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan ang problema sa kalusugan ng mga residente rito.
Matatandaan, noong Disyembre 2014 ay binigyan ng bagong disenyo ang Klinika Bernardo, isang “comprehensive sexual clinic” sa Cubao. Pinintahan ng berdeng dahon ang mga pader nito bilang simbolo ng bagong pag-asa.
Sa patuloy na pagtaas ng kaso ng HIV sa bansa, layon ng Klinika Bernardo na hikayatin ang mga kalalakihang magpasuri upang agad maagapan ang HIV bago pa ito lumala at maging full-blown AIDS.
Sinabi ni Vice Mayor Joy Belmonte, “Here in Quezon City, because we recognize the problem, we allocate funds for it, look for specialists to work with us and partner actively with various organizations—government and nongovernment—to ensure that this problem is solved.”
Isa lamang ang programang pangkalusugan sa likod ng pagkapanalo ng pamahalaan ng Quezon City Council ng 2015 Most Outstanding Sangguniang Panlungsod for NCR.
Sinuri ng mga opisyal mula sa DILG, DENR, DBM, DSWD, at MMDA ang pagganap ng lehislatibong sangay ng lungsod.
Ipinangako na ipagpapatuloy ang nasimulan, at patuloy na pakikinggan ang mga hinaing ng kanilang nasasakupan.
KLINIKA BERNARDO: SUPORTA HINDI STIGMA
Suporta hindi stigma.
Ito ang adbokasiyang gustong ipalaganap ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Quezon patungkol sa nakaaalarmang bilang ng kaso ng HIV sa bansa.
Kaya naman noong 2014, pinondohan nito ang renobasyon ng kauna-unahang panlalaking sexual health clinic sa lungsod, ang Klinika Bernardo.
Sa interior nitong berde at puti, hindi manlulumo ang papasok sa klinika.
Sinabi ni Mayor Herbert Bautista sa isang press conference, sinadyang hindi ito pagmukhaing “government facility” upang maging kaaya-aya at mahikayat ang mga kalalakihan na magpasuri.
Higit pa sa friendly vibe nito ay mga libreng serbisyo katulad ng diagnosis, counselling, at education.
Sa datos ng National Epidemiology Center, 21,536 Filipino ang naapektohan ng HIV at AIDS mula 1984 hanggang Oktubre 2014.
Patuloy na tumataas ang bilang sa Metro Manila, habang sa Quezon City matatagpuan ang karamihan ng mga kaso nito.
Ang HIV ay nagiging AIDS kapag ang bilang ng CD4 cells o cells na lumalaban sa mga impeksiyon sa katawan ng isang tao ay bumaba sa 200.
Sa yugtong ito, tatlong taon ang taning ng pasyenteng hindi nakatatanggap ng lunas samantala isang taon naman ang mayopportunistic infections.
Ngunit kapag agad na-detect ang HIV, maaaring hindi na ito maging AIDS sa tulong ng Anti-retroviral Therapy (ART) at magiging normal ang life span ng pasyente.
Bukas ang Klinika Bernardo mula alas-tres ng hapon hanggang 11:00 ng gabi para sa mga nagtatrabaho sa night shift.
Matatagpuan ito sa likod ng Ramon Magsaysay High School sa Cubao.
ni Joana Ariza Joy S. Cruz