PINAYUHAN ng isang dating foreign minister at US security expert si incoming president Rodrigo Duterte na huwag magsagawa ng unconditional bilateral talks sa China bilang paraan para iresolba ang sigalot sa West Philippine o South China Sea.
Inaangkin ng China ang malawak na bahagi ng nasabing karagatan, na dumadaloy ang mahigit US$5 trilyong kalakal taon-taon, kabilang ang Filipinas, Vietnam, Malaysia, Taiwan at Brunei.
Naghain ang Filipinas ng kaso sa international tribunal sa The Hague para labanan ang claim ng China, ngunit tinanggihan ng Beijing dahil mas nais nitong resolbahin ang usapin sa pamamagitan ng bilateral agreement.
Ayon kay Duterte, hindi niya nais makipagdigmaan sa China at sa halip ay mas gugustuhin niyang makipag-usap sa kapit-bansa.
Ngunit salungat dito si dating foreign affairs secretary Albert Del Rosario.
“We must await the decision from (the tribunal) before we start talking to China because otherwise, the judges are going to think twice about what it is that we’re doing,” punto ni Del Rosario.
Ang kalihim ang nagsampa ng reklamo laban sa China sa The Hague noong 2013.
Ayon naman kay Ernest Bower, pinuno ng Southeast Asia programme at the US Center for Strategic and International Studies, kailangang maging maingat ang Filipinas kung makikipagnegosasyon sa China nang walang kondisyon.
“If the Philippines finds a way forward with China that includes China’s commitment to forego the nine-dash line claim and commit to a legally binding code of conduct in the South China Sea, then go ahead,” idiniin ni Bower.
“I think the Philippines would lose the respect of its partners in ASEAN and certainly the US will be extremely disappointed,” dagdag ng opisyal.
Una rito, sinabihan ng China ang Estados Unidos na nararapat magkaroon ng ‘constructive role’ ang mga Amerikano para mapangalagaan ang kapayapaan sa rehiyon sa kabila ng panawagan ni US secretary-of-state John Kerry para sa mapayapang resolusyon sa isyu.
ni Tracy Cabrera