KAPAG lubusan nang maipatupad ang K12 program ng Department of Education (DepEd), hindi lang mga magulang, guro, at mga unibersidad ang mahihirapan kundi maging ang national security at peace and order ng bansa.
Si Manila 5th District Councilor Ali Atienza, isa sa mga naunang tumututol sa K12 bago pa man naging masalimuot ang K12. Aniya, sa mga panahon ng implementasyon ng programa, mawawalan tayo ng mga bagong sundalo, pulis, at marines na siyang kaagapay ng mamamayan sa pambansang seguridad at peace and order sa mga lokal na pamahalaan.
Ang mga nabanggit ang inaasahan tuwing sumasapit ang graduation na pawang mga nagmula sa Philippine Military Academy (PMA) o PNPA at pagkatapos ay agad na maitalaga sa AFP, PNP, BJMP at BFP.
Dahil din sa dalawang taon dagdag sa high school, walang magtatapos na mga pulis at sundalo pagkatapos ng apat na taon na pinaniniwalaang malaki ang masamang epekto sa national security ng bansa.
“Paano na ang security at peace and order ng ating bansa?” tanong ni Atienza.
Kasabay nito, wala rin magtatapos na professionals – engineers, doctors, architect, at pati nga pari. Anim na taong adjustment bago maging normal ang lahat sa edukasyon. Naisip ba ito ng Dep Ed?
Maging ang hanay ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ay nangangamba din sa pagsasabing sa halip daw na makatulong ay magiging sanhi pa ng pagdami ng out-of-school youth sa bansa ang K-12 program na ipinatutupad ng pamahalaan.
Naniniwala ang CBCP na kahit pa may K-12 program ay hindi pa rin garantiya na matatanggap agad sa trabaho ang isang mag-aaral. Sang-ayon din sila na seryosong muling pag-aralan ang naturang polisiya.
Sa ngayon 67,000 pa rin ang kakulangan ng classrooms sa buong bansa. Base sa datos aabot sa 67,849 ang classroom shortage sa buong bansa taliwas sa ipinagmamalaki ng Department of Education (DepEd) na lutas na ang kakulangang ito.
Tama naman ang kahilingan ni Ali sa DepEd na huwag madaliin or kung talagang hindi na mapipigilan, gawin na lang optional ang pagpapatupad nito. Napakaraming loopholes at mga negatibong bagay sa K12 ang dapat pag-aralan at bigyang-pansin upang hindi naman maisakripisyo ang kapakanan ng lahat.
Bakit kailangan madaliin at isiksik agad sa tao ang K12 gayong sinasabing hindi pa handa ang DepEd at mga guro sa implementasyon nito?
Ang K12, nakita natin na may magandang naghihintay sa dulot nito pero kung hindi handa ang lahat ( totoo naman hindi handa ang lahat lalo na ng mga magulang – para sa gastusin) partikular na ang gobyerno, may punto si Ali sa pagsasabing ipagpaliban muna ang implementasyon ng programa. Nakita naman natin ang domino effect ng K12 kapag ipinagpilitan ito.
Ano nga ba ang totoong dahilan ng PNoy admin sa pag-aapura sa K12? Totoo bang para sa mag-aaral ito o gumagawa lang ng pagkakaperahan ang gobyerno sa pamamagitan ng paghalukay kung saan kukuha ng pondo para sa programa?
Ano sa tingin ninyo?