HINDI discriminatory sa same-sex marriage ang Family Code ng Saligang Batas, ayon sa isang law expert.
Paglilinaw ni Atty. Ma. Soledad Mawis, dekano ng College of Law ng Lyceum of the Philippines University, nakasaad sa batas na babae at lalaki lang ang maaaring ikasal sa bansa.
“Sa akin pong pananaw, ‘yung batas na umiiral ngayon ay hindi ho discriminatory kasi meron nga hong reasonable classification kung bakit lalaki at babae lang ang puwedeng ikasal,” banggit niya sa panayam.
Mababasa sa Article 1 ng Family Code na “Marriage is a special contract of permanent union between a man and a woman entered into in accordance with law for the establishment of conjugal and family life.”
Iginiit ni Atty. Jesus Nicardo Falcis III, petitioner na nagsusulong na gawing legal ang same-sex marriage, may karapatan ang lesbian, gay, bisexual, and transgender (LGBT) community na ikasal sa kapwa nila ng kasarian dahil may probisyon sa Saligang Batas na right to equal protection.
Habang sagot ni Mawis, “‘yung equal protection clause naman po hindi naman po sa lahat ng pagkakataon ay puwede ‘yun i-invoke.”
Una na rin itong binanggit ni Atty. Danny Concepcion, dekano ng University of the Philippines (UP) College of Law sa hiwalay na panayam.
Sabi ni Mawis, hindi pa napapanahon ang same-sex marriage sa bansa.
“Sa aking palagay, hindi pa tanggap ng sambayanang Filipino na magkaroon ng same-sex marriage kasi kung meron man siguro dapat may bagong batas na riyan. Pero hanggang ngayon, hindi pa natitinag o nababago ang provisions ng Family Code of the Philippines.”
Payo niya, pa-amyendahan sa Senado ang Family Code o magpagawa ng bagong batas dahil taga-implementa lang ng batas ang Korte Suprema, kung saan idinulog ni Falcis ang kanyang petisyon.
“Kung talagang gusto po ng nasabing grupo na magkaroon ng pagbabago, dapat ho may bagong batas. I think that’s a logical solution to the problem instead of questioning the current law,” banggit ni Mawis.
Mas napapanahon aniya ngayon na mabigyan ng depinisyon ng batas ang karapatan ng mga nagsasamang homosexuals lalo sa usaping ari-arian.
“Napapanahon na rin naman na ang karapatan ng homosexual relationships o gay relationships lalong-lalo na pagdating sa property relationship, sana ma-define na ‘yan ng batas.”