NAGPAHAYAG ng pagkabahala ang ilang Catholic bishops hinggil sa naganap na sunog sa Valenzuela na ikinamatay ng 72 kawani ng Kentex Manufacturing.
Sinabi ni San Carlos Bishop Gerardo A. Alminaza, ang insidente sa Valenzuela ang pangatlong nangyari na ikinabuwis ng buhay ng mga manggagawa, sa ilalim ng administrasyong Aquino. Aniya, ang naganap na insidente ng sunog nitong nakaraang linggo ay nagpapakita ng panganib na hinaharap ng mga manggagawa sa maraming pabrika sa bansa.
“The death of so many workers shows that the government’s mechanism for labor assessment is seriously flawed and has exposed the abusive conditions for millions of poor and desperate workers across the nation,” pahayag ng 55-anyos obispo, ayon sa ulat ng CBCP news.
Aniya, ang Kentex fire ay hindi unang insidente na nagresulta sa pagkamatay ng mga manggagawa.
“On May 9,2012, 17 workers of Novo Jeans and Shorts in Butuan City died when a fire broke out and on April 30, 2014, eight workers of Asia Micro Tech in Pasay City died in another fire,” aniya.
Idinagdag niyang ang nagaganap na mga trahedya sa bansa ay madalas na lumilipas nang walang napananagot.
“We are deeply saddened that not a single capitalist has been judged guilty and jailed for the death of workers in the workplace,” aniya.
Tinukoy ang Gaudium et Spes 27, ( “All violations of the integrity of the human person, all offenses against human dignity, such as subhuman living conditions, degrading working conditions where men/women are treated as mere tools for profit, rather than as free and responsible persons: all these and the like are criminal: they poison civilization”), sinabi ni Alminaza, nakikita ng simbahan na ang paglabag sa occupational health and safety standards na nagresulta sa pagkamatay ng mga manggagawa, ay criminal acts.
Aniya, kinokondena ng Church People and Workers in Solidarity, Reclaim the Dignity of Human Work, ang patuloy na neo-liberal assault sa karapatan ng mga manggagawa sa pamamagitan ng anti-labor policies.
“Contractualization is still prevalent in many factories across the country,” aniya. Idinagdag na ang resulta ng gawaing ito ay nagreresulta sa pagkabuwag ng mga unyon at pagkawala ng proteksyon at benepisyo ng regular workers. Binanggit niya ang ibinunyag ng Department of Labor and Employment na ang Kentex Corp., ay gumamit ng illegal sub-contractor at paglabag sa ilang probisyon ng Labor Code na ang mga manggagawa ay sinasahuran nang mas mababa sa minimum wage at puwersahang pinagtatrabaho ng 12 oras kada araw, pitong araw kada linggo nang walang overtime pay.
Binanggit din niya ang pahayag ni ILO Director General Guy Ryder na dapat ligtas ang workplaces, kaya kailangan magkaroon nang regular inspections upang matiyak na sumusunod ang mga pabrika sa structural, fire and electrical safety; at matiyak ang karapatan ng mga kawani, lalo na ang kalayaan sa pagtatatag ng samahan at collecting bargaining.
Aniya, nakiisa si Pope Francis sa milyon-milyong mga kawani sa kanilang pakikibaka na makapagbuo ng lipunan at ekonomiya na ang tao at ang kanyang kapakanan, at hindi pera, ang nasa gitna.
Abolisyon ng LOC iginiit ng Tanduay workers (Nangyari sa Kentex workers ‘di dapat maulit)
CABUYAO, LAGUNA –Habang tinatalakay sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang naganap na sunog sa Kentex factory, iginiit ng mga kawani ng Tanduay sa gobyernong Aquino ang abolisyon ng contractualization (labor only contracting – LOC), idiniing ito ang tanging paraan para mapagkalooban ng hustisya ang 72 biktima ng nasabing trahedya.
Kasabay nito, kinondena ng Tanggulang Ugnayan Daluyang Lakas ng Anakpawis sa Tanduay Distillers Inc. (TUDLA) ang gobyernong Aquino sa walang saysay na hakbang sa pagresolba sa labor disputes pabor sa mga manggagawa.
Sa kaso ng Kentex workers, ang mga sangkot anilang mga opisyal ng Department of Labor and Employment, local government units, Bureau of Fire and Protection, at Kentex management ay hindi pa napananagot sa kawalan ng occupational safety standards sa pabrika.
Anila, ang P8,000 kompensasyon ng kompanya na ipinagkaloob sa pamilya ng mga kawani ay “deliberate insult to injury,” pahayag ng TUDLA.
“Pinaslang ng contractualization ang Kentex workers. Guilty ang gobyerno at private companies sa krimeng ito sa maraming dekadang nagdaan. Ayaw namin mamatay, o kaya ay parang pinapatay unti-unti dahil kapos ang suweldo, walang benepisyo at lalong walang job security,” ani Dante Ragasa, Vice-president ng TUDLA.
Idinagdag niyang ang Tanduay workers ay tatlong araw nang nagwewelga dahil kailangan nilang igiit ang regularisasyon sa gitna ng pagtangkilik ni Lucio Tan at ng DoLE sa pagpapatupad ng “crime of Labor Only Contracting” (LOC).
Sa lima hanggang 11 taon anila, 397 kawani ng Tanduay Distillers Inc. ang nananatiling contractual kaya ang kanilang pamilya ay patuloy na naghihirap.
“Nagulat kami nang bombahin ng water cannon ng Asia Brewery fire department kahit wala namang sunog. Baka nailigtas nila ‘yung mga manggagawa sa Kentex sa Valenzuela kung doon nila ginamit ang water cannon nila,” ani Ragasa.
Anila, tatlo hanggang limang beses kada araw tinatangka ng mga security guards na buwagin ang kanilang picket line sa pamamagitan ng pagbuga sa kanila ng tubig mula sa fire trucks sa loob ng compound. Ang iba anilang guwardiya ay ikinokonsidera nilang “hired goons” dahil dumating lamang nang magsimula ang kanilang welga. Hinahagisan ng mga goons ng bato at bote ang picket line na ikinasugat na ng 50 kawani at mga tagasuporta.
Samantala, inihayag ni Ariel Velasquez, Chairperson ng Liga ng mga Manggagawa Para sa Regular na Hanapbuhay (LIGA), 70% hanggang 80% ng mga kawani sa industrial factories sa Southern Tagalog ang nananatiling contractual – karamihan ay pinatatakbo ng mga ahensiyang nagpapatupad ng LOC.
“Dahil sa laganap na contractualization, ang safety standards para sa workers ay pinababayaan. Ganyan ang nangyari sa Kentex workers, maraming pabrika rito ang hindi naglalaan ng Personal Protective Equipment (PPE) para maiwasan ang hazardous incidents sa loob ng pabrika,” ayon kay Velasquez.
Sa kaso ng Tanduay workers, inoobliga silang bumili ng sarili nilang PPE na ibinabawas mula sa kanilang maliit na sahod.
Kahapon ng umaga, tatlong bus na puno ng scabs ang napaulat na ineskortan ng Philippine National Police –Cabuyao patungo sa loob ng Tanduay factory. Idiniin ng TUDLA na ito ay pagtatangka ng Tanduay ma-nagement na maipagpatuloy ang produksyon dahil sa tinatayang pagkalugi ng P30 milyong halaga ng mga produkto magmula nang magsimula ang welga.
Mabilis na hustisya para sa Kentex workers panawagan ni Villar
TALIWAS sa kaso ng Ozone Disco fire na inabot ng halos 20 taon bago naparusahan ang mga nagkasala, umaasa si Sen. Cynthia Villar nang agarang hustisya para sa 72 manggagawa na namatay sa Kentex factory fire sa Valenzuela, bilang senyales na seryoso ang pamahalaan sa pagpapatupad ng batas.
“We thought we learned from the Ozone Disco incident 19 years ago but here comes another deplorable fire incident that killed 72 workers. Something is patently wrong in the mechanisms in place for something this terrible to happen again,” ani Villar.
“I just hope we don’t have to wait for another 20 years. Let the legal process proceed smoothly for the Kentex workers and reforms in the system implemented as soon as possible,” dagdag niya.
Sa pag-akda sa panukalang Senate Resolution No. 1346, nanawagan si Villar na magsagawa ang Senado ng pagsisiyasat sa mekanismo, batas at alintuntunin, kabilang ang mga gawain sa aktuwal na pagpapatupad ng Republic Act 9514 o ang Fire Code of the Philippines, at ang Occupational Safety and Health (OSH) standards.
Sinabi ni Villar, dapat imbestigahan ang posibleng paglabag sa OSH standards sa Kentex factory kaugnay sa pagbabawal ng pagwe-welding sa lugar na may combustible materials at pagkakaroon ng dalawang fire exits sa bawat palapag ng lugar na pinagtratrabahuhan.
Dapat din aniyang siyasatin ang paglabag sa Fire Code at kailangang magsagawa ng fire inspection sa ‘workplace’ bago ang pagpapalabas ng occupancy permit, business permit, o permit to operate.
“City officials should also be held liable for administrative and criminal charges in connection with their involvement in granting safety clearance and permits to the establishment without conducting actual inspections and despite several structural defects,” anang senador.
May 162 katao ang namatay at 93 ang nasugatan sa naganap na sunog noong 1996 sa Ozone Disco, tinaguriang pinaka-grabeng sunog sa kasaysayan ng Filipinas. Bunga nito, pitong opisyales ng Quezon City government ang napatunayang nagkasala sa kasong katiwalian. Dalawang operators ng Ozone Disco ang napatunayan ding nagkasala. Overcrowding at ang kawalan ng fire exit ang mga paglabag na napatunayan sa sunog na ito. “It is incumbent upon the state to revisit and look into the practices being done in the actual implementation of the Fire Code and the OSH standards in order to find the fault in the system,” ani Villar.
Inihayag ng Nacionalista Party senator na dapat tiyakin ng mga awtoridad ang karampatang kompensasyon para sa kamag-anak ng mga namatay. At dapat ding tugunan ang medikal na pangangailangan ng mga nasugatan.
Niño Aclan