Saturday , November 23 2024

‘Brasuhan’ sa Customs?

00 firing line robert roqueSa loob ng mahabang panahon ay hindi nawala ang isyu ng nagaganap umanong “brasuhan” sa loob ng Bureau of Customs (BoC), ang kontrobersiyal na ahensyang hindi na nakaahon-ahon hanggang ngayon sa pagkakalugmok sa bansag na ‘tiwali.’

Sa kabila nito ay marami ang nakapuna na ginawa ni John “Sunny” Sevilla ang lahat ng makakaya para labanan ito sa pagpapatupad ng mga reporma, mula nang pormal siyang maupo bilang Customs commissioner noong Disyembre 2013.

Nang mapuwesto ay agad daw siyang hini-ngan ng pabor ng mga opisyal ng gobyerno na gustong mailipat si ganito o si ganu’n sa maganda at sensitibong posisyon, pero tinanggihan niya ang mga ito sa kagustuhang patakbuhin ang ahensiya nang walang politika.

Sa pamumuno ni Sevilla ay napalaki niya nang 21 porsyento ang koleksiyon ng Customs sa isang taon. Nagpasok din siya ng mga reporma upang magkaroon ng transparency at mapaghusay ang kanilang serbisyo. Nagsampa siya ng 30 kasong administratibo sa mga pumalpak at sumabit.

Pero marahil ay hindi pa rin talaga sapat ang lahat ng kanyang ibinuhos alang-alang sa Customs. Marami ang nalungkot nang mabalitaang nagbitiw si Sevilla sa puwesto noong Abril 22, makalipas ang isang taon at apat na buwang paglilingkod.

Ang rason daw ng naturang pagbibitiw ay nalaman ni Sevilla na ang isang appointment na kanyang sinalungat ay matutuloy na. Dahil isa siyang tao na may prinsipyo, na bihira nating makita sa maraming opisyal ng pamahalaan sa ngayon, minabuti ni Sevilla na magbitiw na lang kaysa makita na may nakikialam at nang-iimpluwensiya sa kanyang trabaho.

***

Sa araw na nagbitiw si Sevilla ay naulat din na ang ipapalit sa kanya ay walang iba kundi si Alberto Lina, na dati rin naglingkod bilang Customs commissioner sa ilalim ng administrasyong Arroyo.

Si Lina ay isang matagumpay na negos-yante at chairman ng 19 na kompanya sa ilalim ng Lina Group of Companies. Pero lumutang din agad ang isyu ng “conflict of interest” dahil ilan sa mga ito ay sangkot sa brokerage. Upang maiwasan ito, nang mabalik sa puwesto ay nangako si Lina na aalisin ang “shares” sa naturang mga negosyo.

Isang linggo pa lang siya nakababalik sa Customs ay nagbitiw na ang isang deputy commissioner, at inaprubahan ito ni Lina. Bukod di-yan, ang hepe ng Investigation Division na nagsisiyasat sa isa sa mga kompanya ni Lina ay inilipat niya sa Customs Policy Research Office (CPRO), na kung tawagin sa Customs ay “free-zer,” nang hindi sinasabi sa kanyang superior.

Lumutang ang maraming katanungan ng ating mga kababayan kaugnay ng naganap. Ang mga desisyon bang ito ay para talaga sa pagrereporma sa Customs o sa pansariling interes? Nagkataon lang ba na inilipat niya ng puwesto ang nag-iimbestiga sa kanyang kompanya?

Nangangamba sila na baka simula pa lang daw ito ng panibagong pambabraso na magmumula sa mismong pinuno ng ahensiya. Kung ganito, ano raw ang kinabukasang naghihintay sa Customs at sa mga nagtatrabaho rito, lalo na sa mga hindi sipsip o dikit sa bagong pinuno?

Nagduda tuloy ang marami sa desisyong ibalik si Lina sa Customs. Umusbong ang hinala na baka may bahid ng katotohanan ang mga usap-usapan na kaya siya ibinalik ay para magamit ang pondo ng ahensiya sa nalalapit na halalan.

 Mabigat ang responsibilidad ni Lina dahil bukod sa mga reporma na inihanda raw niya na makapagpapatino sa Customs, sa mapanuring mata ng publiko ay kailangan niyang maipakita na kapakanan ng ahensya at hindi pansariling interes ang dahilan ng bawat desisyon.

Alalahaning ang lahat ng ito ay kailangang maisakatuparan sa loob ng isang taon ng ser-bisyo dahil coterminous sila ni President Aquino. Sa madaling salita, pagbaba ng Pangulo sa puwesto sa 2016 ay tanggal na rin si Lina sa Customs.

Kakayanin ba niya ang hamon na ito? Aba-ngan natin.

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

About hataw tabloid

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

Mayor Joy B., muling pinarangalan ng CSC; 4,025 QCitizens, nilektyuran ng QCPD vs terorista, etc.

AKSYON AGADni Almar Danguilan SANA ALL. Ang alin? Sana all ng alkalde sa National Capital …

Firing Line Robert Roque

Alerto sa backlash

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. PARA sa isang analyst sa United States, isa ito …

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *