KASALUKUYANG nahaharap sa kasong pandarambong si dating Puerto Princesa city mayor Edward Hagedorn at dalawang iba pa.
Ang kaso ay inihain nila Rodrigo Saucelo, Wilfredo Rama at Antonio Lagrada sa Office of the Ombudsman noong April 7, 2015 sa Office of the Ombudsman.
Inireklamo si Hagedorn ng paglustay sa mahigit P65M; ang kauna-unahang lokal na opisyal na ipinagharap ng plunder sa tanggapan ng Ombudsman.
Lumalabas na ang pinagbatayan ng kanilang inihaing kaso laban kay Hagedorn ay mula mismo sa COA Report noong 2011.
Nag-ugat ang kaso makaraang makailang ulit na naglabas ng pera si Hagedorn mula sa buwis ng mga taga-Puerto Princesa sa kabila ng kawalan ng official receipts, vouchers at iba pang dokumento na makapagpapatunay na ang perang kanyang ini-withdraw at ini-reimburse ay napunta at napakinabangan ng kanyang mga nasasakupan.
Ayon sa complainants, naisakatuparan ni Hagedorn ang nasabing krimen dahil na rin sa tulong ng kanyang dating City Administrator na si Atty. Agustin Rocamora at iba pa nitong kasabwat sa pamamagitan ng pamemeke ng mga dokumento.
Base sa COA report lumabas na 18 beses nag-reimburse si Hagedorn ng hindi bababa sa P950,000 mula taon 2008 hanggang 2011.
Sa kabuuan umaabot sa P65,683,661.79 ang na-reimburse ni Hagedorn na tinawag na ‘ghost advance payments.’
Samantala, sinabi ng tanggapan ni Hagedorn, sasagutin nila ang nasabing asunto sa Ombudsman.
Cebu mayor, treasurer, kinasuhan ng graft sa Sandiganbayan
KINASUHAN sa Sandiganbayan ang alkalde at treasurer ng Bogo, Cebu dahil sa maanomalyang paggamit sa P6 milyong pondo.
Kapwa nahaharap sina Bogo Mayor Celestino Martinez III at Municipal Treasurer Rhett Minguez sa kasong graft kaugnay ng budget na nakalaan sa Farm Input and Farm Implements Program.
Ayon sa Ombudsman, Mayo 2004 natanggap ng Bogo government ang pondo mula sa Department of Agriculture (DA) Field Unit 7 para pambili sana ng abono para sa palay o mais.
Pagkaraan ay pumasok sa isang memorandum of agreement (MOA) sina Martinez at Minguez kasama ang non-government organization na Sikap Yaman.
Napag-alaman na hindi accredited ang nasabing NGO na nakabase sa Quezon City.
Dagdag ng Commission on Audit (COA), nabigo rin ang Sikap Yaman na magsumite ng listahan ng mga nakalipas nitong proyekto. Hindi rin ito nakapagpasa ng accomplishment report.
Iginiit din ng Ombudsman na nailabas ang pondo sa NGO kahit hindi malinaw kung kailan at paano ipatutupad ang proyekto.