Dapat nang kalusin ang pamilya Binay!
hataw tabloid
March 18, 2015
Opinion
AYON kay Vladimir Lenin, “A lie told often enough becomes the truth.” Nagiging parang totoo sa isang sinungaling ang anomang bagay na alam niyang kasinungalingan pero paulit-ulit niyang sinasabi.
Walang ipinagkaiba ‘yan sa pamilya Binay, parang sirang-plaka, paulit-ulit na sinasabing politika lang ang nasa likod ng mga isyu ng katiwalian laban sa kanilang angkan.
Kahit batid nila na kasinungalingan ito, ginagamit ng pamilya Binay ang taktikang ito para maikondisyon ang isipan ng mga mamamayan na sila’y donselya at singlinis ni Virgin Mary na inosente upang makapag-lambitin sa puwesto na parang mga tsonggo.
Ganyan ang ginamit na estilo ng despotikong rehimen ni Hitler sa Germany kaya dapat matakot ang matitinong Pinoy kung gaano kalaking panganib sa bansa ang nakaamba kapag nasakmal ng mga Binay ang Palasyo.
Kung tutuusin ay walang puwang ang pagsuway ni Makati City Mayor Junjun Binay sa ipinataw sa kanyang preventive suspension ng Ombudsman dahil ayon sa Section 13 (3) at (4), Article XI ng Constitution at Section 15 (3) ng Republic Act 6770, ang suspension o dismissal order ng Ombudsman ay “mandatory and not directory.”
Hindi puwedeng maudlot ang implementasyon nito dahil ang mandatory power ng Ombudsman ay inaalis ang kapangyarihan ng sinomang pinuno ng anomang ahensiya na sumuway sa kanyang direktiba.
Ibig sabihin, sa sandaling ilabas ng Ombudsman ang dismissal o suspension order, awtomatikong epektibo ito kahit hindi ito isilbi ng ahensiyang inutusan niya, tulad ng DILG, sa kaso ni Junjun.
Sa kaso ng Office of the Ombudsman vs. Court of Appeals and Lorena Santos, kinatigan ng Korte Suprema ang kapangyarihan ng anti-graft body na suspendihin ang kawani ng gobyernong si Santos.
Kaya lang ay inabot ng anim na taon bago nasopla ng Kataastaasang Hukuman ang sabwatan ng Court of Appeals at ni Santos.
Alam ng mga Binay na ganyan kabagal umusad ang mga kaso sa hudikatura natin kaya malakas ang loob nila na labagin ang mga batas.
Hindi dapat maluklok sa Palasyo si Binay?
MISMONG ang paring Katoliko na si Fr. Ed Gariguez ay dati nang nagbabala na nakatatakot at mapanganib na mailuklok sa Palasyo si Vice President Jejomar Binay bilang kapalit ni Pangulong Benigno Aquino III.
Kay Gariguez at kay Manila Auxilliary Bishop Broderick Pabillo nangumpisal si Binay nang mabunyag sa Senado ang mga katiwalian na kinasangkutan niya sa Makati City.
Tahasang sinabi ni Gariguez na hindi kapani-paniwala ang mga paliwanag ni Binay at ang pangitain o isipin pa lang na magiging Pangulo ng Pilipinas ay nakapanghihilakbot na.
Kung ang mga pari ay nabigong kombinsihin ni Binay na pinopolitika lang siya kaya kinasuhan, mas lalong matibay na ebidensiya na nagsisinungaling siya dahil bago siya naging alkalde ng Makati City ay nangungupahan lang siya sa isang apartment , walang negosyo at walang ari-arian.
Ngayon ay aabot na sa bilyong piso ang kanyang kayamanan kung susumahin ang lahat ng kanyang ari-arian, saan niya ito kinuha?
Sa simpleng sentido-kumon lang, sino ang maniniwalang hindi sila nagnakaw?
Naging tuntungan ni Binay ang pagiging human rights lawyer para makapasok sa politika.
Pero hindi natin maintindihan kung bakit sa kabila ng umano’y pagtatanggol sa karapatang pantao noong panahon ni Marcos ay isa-isang napatay ang mga pinagkakatiwalaang tauhan ni Binay.
Noong 2006, napatay sa ambush si Lito Glean na dating hepe ng Makati City Business Permits and Licensing Office, dating security chief at political ally ni Binay.
Napaslang rin sa ambush sa Albay noong 2012 si dating Makati City Engineer Nelson Morales na taga-kamada raw ng mga kuwarta sa mga “bag” na idine-deliver sa mga Binay.
Nakaligtas naman sa ambush noong Marso 2010 si Gerry Limlingan, senior adviser, campaign manager, bagman at dummy raw ni Binay sa ilang negosyo, pero ngayo’y hindi na matagpuan.
Hindi pa rin lumulutang si Limlingan hanggang ngayon sa kabila na ilang beses nang ipinatatawag ng Senado bunsod ng impormasyon na nakorner ng kanyang kompanya ang P1.3-B kontrata ng janitorial at security services sa Makati City Hall mula 2010 hanggang 2014.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])